Pelikula ayon sa dikta ng kita
Nakabuslo ang diskurso ng kita sa ideya na ang Metro Manila Film Festival ay dapat nakatuon sa pagpapasaya ng pamilya sa panahon ng Kapaskuhan.
Sa panibagong edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF), naging usapin na naman ang hindi pantay na distribusyon ng mga kalahok na pelikula sa mga sinehan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Habang may pahayag ang Metro Manila Development Authority, ahensiyang namamahala sa MMFF, na pantay ang distribusyon ng mga pelikula sa Metro Manila, hindi mapasusubalian na may ‘di pagkakapantay-pantay sa labas ng kalunsuran.
Dito sa Nueva Ecija kung saan kami nagdiwang ng Kapaskuhan, iisang pelikula lang ang bitbit ng CityMall. Sa social media, tuloy-tuloy ang panghihikayat sa mga manonood na tangkilikin ang pelikulang “Isang Himala” upang madagdagan ang wala pang limang sinehang nagpapalabas nito sa labas ng Maynila.
Hindi na bago ang sitwasyong ito, lalo na tuwing MMFF. Pana-panahong may oportunidad na makalahok sa festival na ito ang mga pelikulang hindi nakapaloob sa mga genre na madalas na inaasahang tatabo sa takilya (family-friendly, romance, fantasy at maging horror).
Kung tutuusin, maraming mga kanonikal na pelikula ang unang naipalabas bilang kalahok sa MMFF, ang ilan ay matapang na nagpahayag ng mga matatalas na panlipunang kritika.
Ngunit sa huli, mapagpasya ang simbuyo ng kita lalo na ng mga negosyanteng may kontrol sa mga sinehan. Nakabuslo ang diskurso ng kita sa ideya na ang MMFF ay dapat nakatuon sa pagpapasaya ng pamilya sa panahon ng Kapaskuhan.
Ngayong mahal ang tiket, nakababanas ang trapiko at laganap ang streaming at maging mga impormal na distribusyon gaya ng pamimirata, mahihikayat lang daw ang mga tao kung mga pelikulang inaasahang eskapista at pang-aliw ang ipapalabas sa mga sinehan.
Hindi ako lubusang kumbinsido na wala tayong mapapala sa mga panooring malinaw na nakapadron sa formula ng aliw. Nariyan lagi ang oportunidad na unawain ang mga ito bilang sintomas ng malalang krisis-panlipunan.
May angking ahensiya ang madla na silipin ang mga palatandaan ng pampolitikang pagkabagabag na nakapaloob sa formula. May potensiyal na umigkas ang manonood sa inaasahang resepsiyon ng mga nag-aakda ng pelikula.
Ngunit maliwanag na nasisikil ang potensiyal na ito sa business-oriented na pagtatalaga ng tinatawag na popular na panlasa. Limitado ang pagpipilian kaya’t limitado ang mga pananaw hinggil sa sining ng pelikula na naihahain sa madla.
Sa gayon, ang sinasabing kawalan ng kritikal na komunidad ng mga manonood sa bansa ay bunga rin ng diktadura ng kita sa produksiyon at distribusyon ng mga pelikula.
Mabigat ang implikasyon nito sa uri ng sining na naikukubli, kundi man nabubura sa panlipunang kamalayan. Ito ang sinusubukang tugunan ng mga kilusang indie at rehiyonal sa mga nagdaang dekada na patuloy ang paggigiit ng inobatibong politika ng paglikha na hindi nakapadron sa produksiyong umiikot sa komersiyal at Manila-centric na modelo.
Ngunit hinaharap ng mga kilusang ito ang malawakang krisis ng proletaryanisasyon sa maraming erya ng malikhaing industriya. Matingkad ito lalo noong panahon ng pandemya, kung kailan hinarap ng maraming artista ang problema sa paghahanap-buhay at kawalan ng panlipunang safety net.
Inilalantad ng hindi na bagong usapin ng distribusyon sa MMFF ang suliranin ng sining na sapilitang ikinakadena sa rasyonalidad ng kita. Sa dikta ng komersiyo, lalong napapakipot ang mga oportunidad na lumikha at tumangkilik, magpahayag at mag-usisa.