Muni at Suri

Mga himala


Sa panahon kung kailan lalong matingkad ang papel ng pananampalataya bilang isang pampolitikang puwersa, nananatili ang kabuluhan ng kuwento ni Elsa at ng Baryo Cupang. 

Muling binigyang-buhay ng pelikulang “Isang Himala” (2024) ang krisis ng pananampalataya sa Baryo Cupang na iniluwal ng nakahihibang na kalagayan ng paghihikahos at karahasan.

Sa mga tagahanga ng obrang nagtataglay ng isa sa pinakamagigiting na pagganap ni Nora Aunor, hindi maiiwasang maging sensitibo sa kaibahan o maging kahinaan ng musikal na bersiyon. Sa “Isang Himala”, isinambulat sa nanggalaiting mga tinig ang mga kalungkutan, galit at pagdurusa na kinimkim sa obra ni Ishmael Bernal. Kung tila lagnat-sa-loob ang “Himala” (1982), deliryo naman ang Isang Himala.

Sa isang banda, may kalabisan ang ganitong atake. Makapangyarihan ang matimping biswal na pagsasalaysay nina Bernal at Ricky Lee, habang may tendensiyang didaktiko sa pagtatangka ng musikal na bersiyon na isiwalat at ipaliwanag ang sapin-saping kontradiksyon hinaharap ng mga taga-Cupang.

Sa kabilang banda, tingin ko’y malay naman ang mga bumubuo ng “Isang Himala” sa kadakilaan ng “Himala”; maging ang pamagat nito ay maituturing na isang pagtatangkang ibukod ito sa orihinal at maipakilala ito bilang isa sa maraming interpretasyon ng buhay at pagdurusa ni Elsa at ng sambayanan ng Cupang.

Sa panahon kung kailan lalong matingkad ang papel ng pananampalataya bilang isang pampolitikang puwersa, nananatili ang kabuluhan ng kuwento ni Elsa at ng Baryo Cupang. 

Mula sa mobilisasyon ng Iglesia ni Cristo upang tutulan ang pagtatangkang panagutin si Sara Duterte sa alegasyon ng katiwalian, sa panawagan ng mga kasapi ng Kingdom of Jesus Christ upang suportahan si Apollo Quiboloy sa patong-patong na kaso ng abusong seksuwal at katiwalian, hanggang sa pagharang ng mga pundamentalistang mambabatas sa mga progresibong panukala, malinaw ang gampanin ng relihiyon bilang estruktura ng pagpapasunod sa interes ng naghaharing-uri.

Aparatong ideolohikal ang relihiyon, bukod pa sa isa itong masiglang negosyo. Inilalatag sa bokabularyo ng kaligtasan ng kaluluwa ang interes ng naghaharing-uri. Ginagamit ang teolohiya upang pangatuwiranan ang pagkontrol sa mga kalayaan at karapatang-pantao—partikular na ng mga kababaihan, mga kasapi ng LGBTQ+, at maging ng mga kabataang nangangailangan ng angkop na sex education—ayon na rin sa balangkas ng pundamentalistang moralidad. 

Sa harap ng indibidwalistang moralidad at prosperity gospel na inilalako ng reaksiyunaryong pananampalataya, tinutuligsa ang kolektibong pagkilos tungo sa makataong pagbabago.

Sa Amerika, nakapag-ambag sa muling pagkakahalal kay Donald Trump bilang pangulo ang suporta ng Kristiyanong Kanan. Sa inaugural service, nangahas na ipinahayag ni Bishop Mariann Edgar Budde ng Episcopal Diocese of Washington sa kanyang sermon na dapat isaalang-alang ng bagong luklok na pangulo ang kapakanan ng mga migrante at LGBTQ+ na ngayo’y nanganganib sa ilalim ng kanyang rehimen.

Sa progresibong mensaheng ito ng isang pinuno ng simbahan, ipinagunita ang salalayang tagubilin ni Kristo na mahalin ang kapwa.

Naalala ko kaugnay nito ang pagbasa ni Neferti Tadiar sa orihinal na “Himala”. Ayon sa kritiko, may eretikong potensiyal ang sambayanang pinagbuklod ng himala na bumalikwas sa ideolohikal na panlilinlang.

Nakalimbag sa mga nabubuong komunidad ng pananampalataya ang pagnanais na maisakatuparan ang utopia ng kaligtasan. Pamilyar sa atin ang potensiyal na ito—mula sa himala ng laksa-laksang katawan na nagpatalsik sa diktador, hanggang sa iba’t ibang himala ng sama-samang pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan.