Tauhan ng Aguinaldo-Ayala, muling kinampohan ang Lupang Tartaria
Hindi baba sa 150 guwardiya mula sa Jarton Security Agency ang muling nagkampo sa komunidad ng mga magsasaka sa Lupang Tartaria sa Silang, Cavite nitong Ene. 21.
Hindi baba sa 150 guwardiya mula sa Jarton Security Agency ang muling nagkampo sa komunidad ng mga magsasaka sa Lupang Tartaria sa Silang, Cavite nitong Ene. 21.
Ayon sa Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (Samata), nagsimula ang mga guwardiya na maghukay sa isang bahagi ng lupain upang magtayo ng bakod, para umano kumpunihin ang mga nasirang bakod dulot ng tag-ulan.
Inaangkin ng pamilya Aguinaldo ang nasabing lupain sa bayan ng Silang upang pagtayuan ng negosyo ng pamilya Ayala.
Binigyang-diin ng Samata na walang pahintulot mula sa mga may-ari ng lupa ang naturang aktibidad, at sa halip na pagkukumpuni, pinalalawak pa umano ang sakop ng bakod.
“Ang mga guwardiya ay balot na balot, walang name plates, at hinaharangan ang mga magsasaka sa pagtatanim ng kanilang mga pananim,” ayon sa Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).
Napag-alaman din na sa kabila ng presensiya ng mga opisyal ng pamahalaang lokal at pulisya, wala silang ginawang aksiyon at pinanood lang ang panghaharas sa mga residente.
Noong Abril 2024, ilegal na binakuran ang mga guwardiya ng ang isang bahagi ng lupain ng mga magsasaka.
Bilang tugon, binarikadahan ng mga magsasaka ang kanilang mga sakahan na nauwi sa pandarahas ng mga guwardiya na nanutok ng baril, nambugbog sa mga kabataan, nanunog ng kubol at nangumpiska ang ari-arian ng mga residente, maging ng midya.
Matapos ang insidente, nagsampa ng gawa-gawang kaso na theft at coercion ang Jarton Security Agency laban kay Samata president Jerrie Luna at 40 pang residente, na ibinasura ng korte.
Sa kabila ng mga insidente, patuloy na ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Tartaria ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Patuloy ang tensiyon sa lugar habang naghihintay ang komunidad ng makatarungang resolusyon sa isyu.