Pagkampo ng militar sa Lupang Tartaria, tinutulan


Pahayag ng Samahang Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria, sa papalapit na banta ng pagkampo ng mga militar, mas lumalakas ang loob ng mga Aguinaldo at Ayala na agawin ang lupain sa Barangay Tartaria sa Silang, Cavite

Nakaamba ngayon ang pagkakampo ng mga elemento ng 2nd Civil-Military Operations (CMO) Battalion ng Philippine Army at Task Force Ugnay sa Barangay Tartaria sa Silang, Cavite kung saan dinedepensahan ng mga magsasaka at residente laban sa pangangamkam sa kanilang lupang sakahan ng mga pamilyang Aguinaldo at Ayala.

Sa pahayag ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (Samata), sunod-sunod ang patawag na pulong ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), 2nd CMO Battalion at Task Force Ugnay.

Nitong Hul. 5, ipinatawag ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nitong Hul. 12 naman, ang mga barangay health worker at Buklod Bahayan Association naman. Sa mga pagtitipon, ibinahagi sa mga residente ang programang counter-insurgency.

“Walang ibang sadya ang ganitong mga miting kundi ang red-tagging sa Samahang Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria,” pahayag ng Samata

Matagal nang sapilitang pinapalayas ang mga residente ng Tartaria mula sa kanilang lupain. Higit anim na dekada na mula nang simulang pag-interesan ng mga Aguinaldo at Ayala ang lugar. Hindi pumayag ang mga residente ng Barangay Taratia, ipinaglaban nila ang kanilang panirikan at binuo ang Samata noong 1978 na nagpapatuloy sa pagdepensa sa lugar.

Sa desperasyong agawin ang lupain sa Barangay Tartaria, iba’t ibang uri ng panggigipit ang ginawa sa mga residente nito: pananakit, pagbabanta, pagnanakaw, paninira ng pananim at iligal na pagbabakod sa lupain ng mga miyembro ng Samata.

“Makakaya ba nating manahimik na lamang kung naririyan ang banta ng pagpapalayas sa lupang sakahan at panirikan. Instrumento lang ng mga Aguinaldo-Ayala ang NTF-Elcac, 2nd CMO [Battalion] at [Task Force] Ugnay para maituloy ang kontra-mamamayang land-use conversion,” giit ng Samata.

Dagdag pa ng grupo, sa mas papalapit na banta ng pagkampo ng mga militar, mas lumalakas ang loob ng mga Aguinaldo at Ayala na agawin ang lupain. Kamakailan, kinando pa ng Jarton Security Agency ang sa mga ilang istruktura sa barangay kahit pa walang nakuhang opisyal na court order.

Panawagan Samata sa mag magsasaka at mamamayan ng Tartaria na makiisa upang labanan ang militarisasyon sa kanilang lugar at mapalayas ang mga galamay ng Aguinaldo at Ayala na NTF-Elcac, 2nd CMO Battalion at Task Force Ugnay.