Insurgency-free
Ang deklarasyong “insurgency-free” ay kabilang sa mga palalong taktika sa kontra-rebolusyonaryong digma ng reaksiyonaryong estado.

Insurgency-free – Kung saan ang pagkilos at presensiya ng New People’s Army (NPA) sa nasabing mga bayan ay tuluyan nang naglaho o nawala at kaya nang pangasiwaan ng pamahalaang lokal.
Ang deklarasyong “insurgency-free” ay kabilang sa mga palalong taktika sa kontra-rebolusyonaryong digma ng reaksiyonaryong Government of the Republic of the Philippines (GRP).
Anyo ito ng digma sa propaganda na katugon ng marahas na paninibasib sa mamamayan upang pagkaitan ng base ang mga rebolusyonaryong puwersa, ayon kay Patnubay de Guia, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) Southern Tagalog.
Para maging opisyal ang deklarasyon, naglalabas ng resolusyon o bumubuo ng mga memorandum of understanding sa mga pamahalaang lokal ang militar o pulisya hinggil dito.
Hindi mahalaga para sa estado kung totoo o hindi ang kanilang sinasabi—ang mahalaga ay ilako ang ilusyon na “walang NPA,” na paunang kondisyon para sa katuparan ng kanilang mga imbing layunin. Paliwanag ni de Guia, itinutulak ang mga deklarasyong “insurgency-free” na mayroong tatlong layunin.
Una, pagmukhaing umaabante at sumusungkit ng mga tagumpay ang brutal na kontra-rebolusyonaryong giyera ng GRP laban sa Communist Party of the Philippines, NPA at NDF (CPP-NPA-NDF). Bago ang pagsasabing wala nang presensiya ng mga rebolusyonaryong puwersa, karaniwang isinasailalim ang isang lugar sa matinding operasyong militar.
Ikalawa, layunin ng deklarasyon na ihanda ang isang lugar sa pagpasok ng mga negosyo o proyekto para sa kapakinabangan ng naghaharing-uri at mga dayuhan. Mahihinuha ito sa paggamit pa lang ng linyang “ready for development” sa Conflict Manageable and Ready for Development. Dati nang tinagurian ng GRP na “hindi maunlad” ang mga lugar na pinaghihinalaang base ng rebolusyonaryong kilusan.
Ikatlo, layon nitong lumikha ng klima ng takot at ibagsak ang moral ng mamamayan upang pahinain hanggang durugin ang pakikibaka para sa kalayaan, kabuhaya at karapatan. Nagsisilbing panakot o psywar (psychological war) laban sa ‘di armadong mamamayan ang pampublikong deklarasyong nagmemenos sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit, dagdag ng tagapagsalita ng NDF Southern Tagalog, walang talab ang paliwanag na ito at iba pang pahayag ng estado. Malaon nang nawalan ng kredibilidad ang reaksiyonaryong estado sa mata ng taumbayan dahil naging tanyag na sila sa pagpapakalat ng kasinungalingan at disimpormasyon.
Hangga’t lubog at pinagsamantalahan ang murang lakas paggawa ng mga manggagawa sa kumunoy ng kahirapan, magpapatuloy ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa sahod, kaligtasan sa paggawa at kaseguruhan sa trabaho. Magpupunyagi ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang pakikibaka.
Hangga’t pinagsasamantalahan at inaagawan ng lupa ang mga magsasaka, at hangga’t atrasado at deindustriyalisado ang ekonomiya at walang tunay na kalayaan dahil sa pagkubabaw ng imperyalismong United States—magpapatuloy ang mga magsasaka sa laban para kamtin ang tunay na panlipunang pagbabago.
Hangga’t umiiral ang pang-aapi, panunupil at pagpapahirap sa masang Pilipino ng kasalukuyang estado, lalo lang titibay ang kanilang determinasyon na makibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang inaasam na katarungan, tunay na demokrasya at kalayaan.
Isang panaginip lang para sa estado at mga nagtatambol na ang mga bayan ay insurgency-free.
Dahil hanggang hindi natutugunan ang ugat ng kahirapan, pagmamalupit, at pananamantala ng reaksiyonaryong gobyerno ng Pilipinas kasabwat ang mga ahente nito at mga lokal na naghaharing uri, magpapatuloy at magpapatuloy ang impluwensiya ng rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang panig ng bansa.