Joma Sison, dakilang rebolusyonaryo
Prominenteng lider-komunista na nagsusulong ng prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo na naging gabay ng mga kilusang mapagpalaya.
Ang gerilya ay tulad ng makata
Kasabay ng luntiang, kayumangging masa
Sa palumpong na pinaliliyab ng mga pulang bulaklak
Na nagkokorona at nagpapaalab sa lahat,
Dumadagsa sa kalupaan tulad ng baha
Nagmamartsa sa wakas laban sa kuta.
Sipi ito sa isang tula ni Jose Maria “Joma” Sison, isa sa mga dakilang guro at rebolusyonaryo ng kasalukuyang siglo. Isinilang siya noong Peb. 8, 1939 sa Cabugao, Ilocos Sur, mula sa uring panginoong may-lupa.
Nag-aral siya sa pampublikong paaralan bago lumipat sa Ateneo de Manila University at pagkatapos nito sa Colegio de San Juan de Letran. Sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) niya kinuha at tinapos ang kursong BA English at dito rin siya naging propesor.
Marami siyang naisulat na libro, kasama ang Philippine Society and Revolution kung saan niya binanggit na mala-kolonyal at mala-pyudal ang lipunang Pilipino. Ito rin ang naging batayang gabay ng mga rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa kanilang pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos sa malawak na hanay ng magsasaka at manggagawa.
Sa buong buhay ni Joma, marami siyang naisulat na libro para maging gabay sa pagkilos ng mga rebolusyonaryo.
Naging kasapi siya ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1962. At noong 1964, isa siya mga nagtatag ng Kabataang Makabayan, isang militanteng organisasyon ng mga kabataan na nanguna sa mga malalaking protesta laban sa rehimeng Marcos Sr. at sa imperyalismong Estados Unidos.
Kasabay nito ang pagiging vice chairperson niya sa Lapiang Manggagawa na kalaunan idineklarang ilegal kasama ang iba pang organisasyon nang ideklara ang batas militar noong 1972.
Sa pagitan ng 1964 hanggang 1968, tinangka ng grupo ni Jose Lava na ihiwalay si Joma sa dahilang hindi nila nagustuhan ang isinulat niya hinggil sa mga kamalian ng lumang partido, nakapaloob ito sa dokumentong Rectify Our Errors and Rebuild the Party.
Ito ang naging unang dokumento nang humiwalay ang ilang kasapi ng partido at itatag ang Communist Party of the Philippines noong Dis. 26, 1968 sa Pangasinan. Kasunod naman na itinatag noong Mar. 29,1969 ang New People’s Army sa Tarlac.
Mula noon, lumaganap at lumawak sa buong kapuluan ang kasapian ng bagong partido at hukbong bayan. Taong 1977, inaresto si Joma sa probinsiya ng Isabela at siyam na taong ikinulong. Nakaranas siya ng iba’t ibang pagpapahirap ngunit hindi siya natinag at hindi siya tumigil na magsulat. Dito, nabuo niya ang sulatin hinggil sa batayang prinsipyo ng Marxismo.
Noong 1986, napabagsak ang diktadura ng malawak na kilusang anti-Marcos kabilang ang mga progresibong organisasyon. Nagpatuloy si Joma sa kanyang gawain, muling nagturo sa UP at nagsalita sa iba’t ibang okasyon sa ibang mga bansa. Nasa Netherlands siya nang kanselahin ng administrasyon ni Cory Aquino ang kanyang pasaporte noong 1988 at saka siya muling kinasuhan ng subersiyon.
Naging prominenteng lider-komunista si Joma na nagsusulong ng prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo na naging gabay ng iba’t ibang kilusan sa buong mundo.
Namatay si Joma noong Dis. 16, 2022 dahil sa atake sa puso. Sa kabila ng kanyang pagyao, nanatili ang kanyang mga sulating mapagpalaya at mga aral na nagsisilbing tanglaw sa mga rebolusyonaryong nasa iba’t ibang panig ng mundo.