Aral ni Joma Sison, bitbit sa posibleng peace talks


Sa gitna ng posibleng panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebolusyonaryo, binalikan sa isang pagtitipon ang mga aral at artikulo ni Sison hinggil sa peace talks. 

Minarkahan ng mga progresibo ang isang taon ng pagpanaw ng rebolusyonaryong si Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army, sa isang pagtitipon para talakayin ang kanyang mga ipinamalas na aral sa pakikibaka.

Sa gitna ng posibleng panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebolusyonaryo, binalikan din sa pagtitipon sa University of the Philippines DIliman nitong Dis. 16 ang mga aral at artikulo ni Sison hinggil sa peace talks. 

Nang mabalitaan ang pagkamatay ni Sison noong Dis. 16, 2022, “Nagdiwang ang mga kaaway ng bayan at nagsabing katapusan na ito ng kilusang mapagpalaya,” kuwento ni Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

“Laos na raw at patay ang rebolusyon, pero hindi ba’t n’ong nakaraan nagbukas ang gobyerno ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan? Hindi ba’t tanda ito ng lehitimong batayan ng paglaban ng mga rebolusyonaryo?” dagdag ni Reyes. 

Si Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan sa isang pagtitipon sa University of the Philippines Diliman nitong Dis. 16 para balikan ang mga aral ni Jose Maria Sison. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Sabayang inanunsiyo noong nakaraang buwan ang posibilidad ng pagbabalik sa peace talks ng National Democratic Front of the Philippines at ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. Layon nito umano ang pagresolba sa matagal nang digmaang sibil sa isang “mapayapang paraan.”

Ayon sa mga nilatag na prinsipyo ni Sison, “Maaaring ikonsidera biliang lehitimo at lohikal na pamamaraan ang peace talks ng pagsusulong ng rebolusyonaryong mga layunin. Sa parehong paraan, ang itinutulak din ng kabilang panig ang sarili niyang mga layunin.”

Diin ni Edre Olalia, tagapangulo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at consultant sa negosasyon, dapat magsalubong ang dalawang panig para “resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian.”

Ibig sabihin, ang matinding sigalot at malawak na kahirapan sa lipunan na nagtutulak sa paghihimagsik ng bayan.

Dapat din daw maunawaan ng mamamayan at maging ng pamahalaan na “hindi ito negosasyon para sa pagsuko, kundi negosasyon para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”