Kaduda-dudang partylist | Fans at kaanak ng mga politiko
Paparami ang nominadong kundi man bahagi ng mga makapangyarihan o dating opisyal, ay maaaring kabaliktaran pa nga ng kinakatawan nilang grupo ang pinaglilingkuran?
Eleksiyon na naman! At kada haalan, lumalaki ang bilang ng mga panibagong party-list at ng kanilang mga nominado.
Isinabatas ang partylist system para umano’y magbigay boses sa marhinado at inaaping mga sektor sa lipunan. Sa gayon dapat may kinakatawang interes ang bawat partylist at nominado.
Kahit pa nagdesisyon ang Supreme Court noong 2013 na hindi naman kailangang miyembro ang nominado ng naturang sektor na kanyang pinaglilingkuran, maraming grupo ang nananatiling kaduda-duda ang mga kinatawan.
Paparami ang nominadong kundi man bahagi ng mga makapangyarihan o dating opisyal, ay maaaring kabaliktaran pa nga ng kinakatawan nilang grupo ang pinaglilingkuran?
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
1. Solid North Partylist ang tampok ngayon sa mga paunang sarbey. Halata naman sa pangalan iyung pagsipsip sa Pangulo diba? Kagaya ng idol niyang si Ferdinand Marcos Jr., maluho din ang first nominee nitong si Abra Lone District Rep. Menchie Bernos. Tuwing dumarating sa session ng Kamara, tampok ang mga mamahaling alahas at damit. Noong minsan, umabot pa sa halagang P200 milyon ang suot niya. Paano kaya siya yumaman gayong siya’y kinatawan ng tinaguriang poorest province sa buong Cordillera?
2. Ang totoong pangalan ng Tulfo para sa Turismo Partylist ay Turismo Isulong Mo Partylist. Siguro di lang talaga maiwanan ang pagpapasikat ng pamilyang iyan sa apelyido nila. Ang nominado nilang si Wanda Tulfo-Teo, kapatid ng sikat na Tulfo brothers, ay dati ring kalihim ng Department of Tourism. Ang kaso mo lang, nawala siya sa posisyon dahil sa iligal na paglalagay ng P60 milyon na halagang patalastas sa mga programa ng kapatid niya. Sino kaya ang nakinabang? Bago siya maupo sa Kamara, mabuti pa ipa-Tulfo muna itong si Wanda!
3. Heto kilala niyo na, ang Duterte Youth Partylist. Unang-una, kailan pa naging marhinado o inaapi ang mga batang sunod-sunuran sa mga Duterte? Noon pa lang disqualified na ‘yong nominado nilang si Ronald Cardema dahil overage na! Kaya naman ang asawa niyang si Drixie ang ipinalit. Pero ang tanong, ano bang plataporma nila? Sabi mismo ni Inday Sara, “ipaglalaban niya ang Duterte!” Aba’y kailan pa naging tagapagsilbi ng isang pamilya ang puwesto sa gobyerno? Akala namin, taumbayan ang dapat pinaglilingkuran!
Maging mapagmasid tayo, mga kababayan! Hindi lahat ng kapatid ay kakampi!