Kaduda-dudang partylist | Tropa at kamag-anak incorporated
Lantad na lantad na ginagamit ng ilang kaibigan at kamag-anak ng mga politiko at negosyante ang parylist system para makakuha ng puwesto sa Kamara at gamitin ang poder para sa pansariling interes.
Eleksiyon na naman! At kada haalan, lumalaki ang bilang ng mga panibagong partylist at ng kanilang mga nominado.
Isinabatas ang partylist system para umano’y magbigay boses sa marhinado at inaaping mga sektor sa lipunan. Sa gayon dapat may kinakatawang interes ang bawat partylist at nominado.
Kahit pa nagdesisyon ang Supreme Court noong 2013 na hindi naman kailangang miyembro ang nominado ng naturang sektor na kanyang pinaglilingkuran, maraming grupo ang nananatiling kaduda-duda ang mga kinatawan.
Paparami ang nominadong kundi man bahagi ng mga makapangyarihan o dating opisyal, maaaring kabaliktaran pa nga ng kinakatawan nilang grupo ang pinaglilingkuran?
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
1. Nanalo na naman nitong huli ang ACT-CIS Partylist, pero marapat na kilatisan. Ang ikalawang nominado nila, si Jocelyn Pua Tulfo. Ilang Tulfo ba ang kailangan sa pamahalaan? Iyung isa pang kapatid na Tulfo na sangkot sa korapsyon, nandoon naman sa kabilang partylist.
Ang unang nominado naman ay si Rep. Eric Yap, milyonaryo sa norte na aktibong nagtulak laban sa prangkisa ng ABS-CBN dahil tropa niyang malupit si Paolo Duterte. Pero siya din mismo ang nilaglag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang sangkot sa malawakang korupsiyon sa Department of Public Works and Highways.
2. Noon pa man, matunog na rin ang AKO BICOL Partylist. Ang tanong, nakakatulong ba sa Bicol o kahit sa buong bayan ang mga galaw ng kanilang kinatawan pagdating sa pambansang badyet?
Tinagurian ng maraming eksperto na ito’y “pinakakorap na badyet” sa kasaysayan ng bansa at batbat ng mga panibagong porma ng pork barrel. At si AKO BICOL Rep. Elizaldy Co kasama ni Speaker Martin Romualdez ang dalawa sa pangunahing nasa likod nito.
3. Uultin namin, ang sistemang partylist ay nilikha para magkaroon ng boses at kinatawan ang mga inaapi at walang boses sa lipunan. Pero sa aktuwal, dominado na rin ito ng kamaganak incorporated.
Itong si Jose “Bong” Joson Teves Jr. ng TGP Partylist mula sa dinastiyang politikal at dating vice governor ng Catanduanes. Ang ikalawang nominado namang si Aaron Cabrera, may-ari ng higanteng construction company.
Saan banda ang pagiging kinatawan ng marhinado? O tila tuluyan na talagang naging palaruan ng mga bilyonaryo itong mga puwesto ng partylist?