Manuel, muling inatake ng NTF-Elcac
Kinondena ng Kabataan Partylist at mga tanggol-karapatan ang inilabas na bidyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa social media na nangre-red-tag sa kinatawan nitong si Rep. Raoul Manuel.

Kinondena ng Kabataan Partylist at mga tanggol-karapatan ang inilabas na bidyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa social media na nangre-red-tag sa kinatawan nitong si Rep. Raoul Manuel.
Inaakusahan sa bidyo si Manuel na rekruter umano siya at ang kanyang organisayon ng New People’s Army. Liban sa red-tagging, laman din ang bidyo ang homophobic na atake sa mambabatas.
“Ang bidyo na ito ay isang paglabag sa electoral rule dahil ito ay lantarang pang-aabuso ng government task force gamit ang official social media nito upang pagbantaan ang Kabataan Partylist gamit ang mga maling impormasyon para linlangin at takutin ang mga tao upang hindi suportahan ang partido,” pahayag ng Kabataan Partylist.
Binatikos din ng iba’t ibang progresibong grupo ang inilabas na bidyo ng NTF-Elcac laban kay Manuel.
“Ipinapakita ng NTF-Elcac kung gaano kaatrasado at kabulok mag-isip ang mga taong nasa likod ng ahensiyang ito ng gobyerno,” sabi ni Makabayan Coalition president and senatorial candidate Liza Maza.
Paliwanag ni Maza, matagal nang “nag-out” bilang mga ahente ng karahasan at panunupil laban sa taumbayan at karapatang pantao ang NTF-Elcac.
“Ang NTF-ELCAC ang matagal nang paulit-ulit na sumasayaw sa lumang tugtugin ng mga kasinungalingan laban sa Kaliwa at mga aktibista, kabilang ang mga kabataan,” dagdag pa ni Maza.
Sabi pa ni Maza, dapat palakasin ang panawagan na buwagin ang NTF-Elcac dahil wala naman itong ambag sa pagsulong sa ating bansa.
“Ito ay isang mapanupil na instrumento na desperadong nagtatangkang itago ang politikal at sosyo-ekonomikong mga ugat ng armadong pakikibaka sa Pilipinas tulad ng malaganap na kawalan ng lupa, pang-aapi at pagsasamantala sa kanayunan,” aniya.
Hinimok naman ni Karapatan secretary general Cristina Palabay ang Comelec na agarang maglabas na ng mga alituntunin laban sa red-tagging at aksiyonan ang mga insidente ng red-tagging na naiulat.
Sa isang pahayag ng Commission on Elections (Comelec) noong Nob. 13, 2024 matapos ang isang diyalogo sa Makabayan Coalition na maglabas ang ahensiya ng mga alituntunin laban sa red-tagging at gender-based sexual harassment sa panahon ng kampanya para sa eleksiyon ngayong 2025.
“[Dapat] hadlangan ang mga malisyosong pagtatangka ng mga entity tulad ng NTF-Elcac na isabotahe ang karapatan ng mga botante na makinig mula sa mga kandidatong progresibo at maka-mamamayan at magkaroon ng kalayaang humusga,” wika ni Palabay.
May sapat ding batayan din ang Comelec para sa paglalabas ng mga alituntunin laban sa red-tagging at iba pang porma ng pagbabanta at harassment.
Noong Mayo 8, 2024, idineklara ng Korte Suprema na ang red-tagging, o pag-uugnay sa isang indibidwal bilang isang komunista, ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao.
Binigyang-diin ng hukuman na “ang paglalagay ng label sa isang tao bilang ‘pula’ ay kadalasang may kasamang pagmamatyag, direktang panliligalig, o ang mas malala dito ay kamatayan.”