Pekeng paratang ng NTF-Elcac sa Kabataan Partylist, binuhay ng Comelec


Mariing kinondena ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang hakbang at sinasayang lang ng estado ang pondo ng bayan sa mga gawa-gawang kaso, subpoena, paniniktik at red-tagging sa mga kabataan.

Muling binuksan ang pagdinig sa kasong diskuwalipikasiyon laban sa Kabataan Partylist sa abisong inilabas ng Commission on Elections (Comelec) nitong Okt.16.

Ang pagdinig na nakasaad sa abiso ay base sa petisyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) noong 2021 kung saan pinaratangan ang grupo na rekruter ng mga teroristang organisasyon, konektado sa mga komunistang grupo at inakusahang may planong pabagsakin ang gobyerno.

“Malinaw na utos ito ng Malacañang. Iniisa-isa nila ang mga kabataan, sa lansangan man o sa Kongreso, na matapang na nagpapanagot sa lahat ng sangkot, kasama si Marcos [Jr.] mismo na nasa tuktok ng korap na sistema” ani Kabataan Partylist Rep. Renee Co sa isang pahayag.

Tinukoy ng task force na kilala sa red-tagging ang Sec. 6 ng Party-List System Act bilang batayan ng kanilang petisyon sa kadahilanang ang grupo umano’y nagsusulong ng paggamit ng karahasan o mga labag sa batas na paraan upang makamit ang kanilang layunin.

Mariin itong kinondena ni Co at sinabing sinasayang lang ng estado ang pondo ng taumbayan sa mga gawa-gawang kaso, subpoena, paniniktik at red-tagging sa mga kabataang progresibo’t kritikal.

Noong Hun. 4, hinimok din ng NTF-Elcac ang Comelec na suspendihin ang proklamasyon ng Kabataan Partylist kasabay ng muling pagtulak ng hiwalay na kasong diskuwalipikasiyon laban sa Gabriela Women’s Party, isa pang partylist sa ilalim ng Makabayan Coalition. 

Hinihikayat naman ni Co ang mga kabataan na huwag matakot na baguhin ang sistema at labanan ang mga tangkang pagpapatahimik sa mga kritiko ng estado. 

“Dapat tanggalin ang mga kawatan, hindi ang boses ng kabataan. We call on the youth to fight back! Magkapit-bisig tayo sa masang anakpawis at magpalaki pa ng protesta. Babaguhin natin ang bulok na sistema. Laban, kabataan, para sa bayan, para sa ating kinabukasan!” sabi ni Co.