Paglaban ang pag-asa ng sambayanan
Ang mga progresibong kandidato, bagaman kakaunti, ay may kasaysayan ng pagtutulak ng mga makabuluhang reporma at patakaran. Pero ang kanilang mga pagpupunyagi ay nakasalalay sa lakas at dami ng mamamayang nagmamartsa sa lansangan.

Sa pagtatapos ng halalan, namayagpag muli ang mga kandidato ng kadiliman at kasamaan. Ito ang tipo ng panalong sila-sila lang ang makakapagdiwang dahil dinaan sa madumi at ‘di patas na laban.
Sa pagpapatuloy ng tunggaliang mga Marcos at Duterte at ribalan ng United States (US) at China, maraming nakataya. Ngayon pa lang, nagtatanim na sila ng binhing aanihin para sa pampanguluhang eleksiyon sa 2028.
Hindi nakakapagtataka kung paano ibinuhos ng rehimen, mga politiko at malalaking negosyanteng tagapondo ng mga ito ang kanilang salapi para manipulahin at dayain ang halalan—mula sa paggamit ng mga programa ng gobyerno sa ayuda, garapalang pagbili ng boto, operasyon sa mga kalaban, red-tagging sa mga progresibo at pagtutulak sa bulok at palpak na automated election system (AES).
Madaya maglaro ang rehimeng Marcos Jr. tulad na lang ng kung paano niya iniluklok ang sarili sa puwesto. Bago pa ang halalan, ipinagpatuloy lang ni Marcos Jr. ang terorismo ng estado: tuloy-tuloy, koordinado at malaganap na red-tagging at armadong operasyon sa mga komunidad. Pinakamatindi ang mga kabaong at maling impormasyon na ipinakalat ilang araw bago ang halalan.
Sa mismong araw ng halalan, tumambad ang katotohanang palpak ang AES, batbat ng anomalya. May mahika negra sa mga makina ‘pagkat paborable sa kampo ng kasamaan at kadiliman ang resulta, habang binabawasan ang boto ng mga progresibo.
Gayunpaman, bigong ligwakin ang hanay ng Makabayan Coalition, grupong tunay na tumindig bilang oposisyon, na itinuturing na balakid sa kampong Duterte at Marcos, at hindi nanahimik para lang makaupo sa puwesto.
Simula pa lang, buhol-buhol na ang dila ng Commission on Elections (Comelec) sa pagpapaliwanag kung bakit ilang araw bago ang Mayo 12, pinalitan ang software ng mga Automated Counting Machine.
Sa gabi ng botohan, nagpahayag din ng pagkabahala ang “citizen’s arm” ng Comelec na Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa ‘di pagtutugma ng transmission ng datos sa transparency server.
Nandaya na nga, bigo pa ring makuha ang buong Senado. Ngayon, malaking hamon para sa rehimeng Marcos Jr. kung paano tuluyang aalisan ng kapangyarihan ang paksiyong Duterte. Desidido ang rehimen na konsolidahin ang pampolitikang puwersa nito sa harap ng banta ng panunumbalik ng mga Duterte sa 2028.
Pangunahin din ang interes ng imperyalistang US na matiyak ang isang masunuring papet at tuluyang alisin ang impluwensiya ng China sa mga reaksiyonaryong politiko.
Sa kabuuan, nagpapatunay ang naging takbo ng eleksiyon na ito’y hindi maaasahan, walang demokrasya, hawak ng iilang burukrata-kapitalista at nagsisilbi lang sa kanilang interes.
Napupuno ang gobyerno ng mga mapagsamantalang panginoong maylupa, dinastiyang politikal at bulok na liderato’t burukrasya. Kahit pa hindi panahon ng eleksiyon, araw-araw tayong dinudugas ng mga naghaharing pamilya sa poder.
Ginagamit nilang pain sa sambayanang naghihirap ang mga ayuda, programa at proyekto para pagtibayin ang pamamadrino. Mabisang paraan ito para linlangin at bulagin ang mamamayan—bigyan sila ng kakarampot na tulong para maitawid ang hikahos na pamumuhay kapalit ng utang na loob para makapanatili sa poder.
At ang kapalit nito, pangungurakot at pandarambong sa kabang bayan para mabawi ang ipinuhunan sa panahon ng kampanyang elektoral.
Kapag naman may pumuna at tumuligsa sa kanilang baluktot na gawi, tinatanggalan ng espasyo sa lipunan—tinatakot, ni-re-red-tag, sinasampahan at ipinipiit gamit ang mga gawa-gawang kaso, iwinawala, at pinapaslang.
Ang halalang pinatatakbo ng mga naghaharing uri at kinukumpasan ng Amerika ay halalang madaya, kontra-mahirap, kontra-mamamayan, samakatuwid, huwad na demokrasya.
Sa kabila ng masaklap na katotohanang ito, ipinakita ng taumbayan ang kanilang potensiyal at papel bilang tunay na tagapagtulak ng makbuluhang pagbabago.
Ang mga progresibong kandidato, bagaman kakaunti, ay may kasaysayan ng pagtutulak ng mga makabuluhang reporma at patakaran. Pero ang kanilang mga pagpupunyagi ay nakasalalay sa lakas at dami ng mamamayang nagmamartsa sa lansangan.
Paalala ang resulta ng eleksiyon na hindi natin maitataya sa gobyernong pinatatakbo ng mga naghaharing uri at imperyalismong US ang malaya at masaganang kinabukasan. Sa huli, ang lalong pagpapalakas sa nagkakaisang boses at pagkilos ng mamamayang api ang may kakayahang lumikha ng kasaysayan.