GABAY: Paano masusulit ang boto mo?
Pagboto ang isa sa mga demokratikong karapatan na mayroon ka bilang Pilipino. Pero para sa mga unang sasabak sa botohan, baka nakakalula ang proseso. Paano ba masisiguradong sulit ang boto mo?

Sa paparating na 2025 midterm elections, may 68.6 milyong Pilipino ang nakarehistro at ang pinakamalaking bulto nito, magmumula sa edad 18 hanggang 44. Nasa 63% ng populasyong puwedeng bumoto ang magmumula sa mga Millennial (ipinanganak sa pagitan ng 1981 at 1996) at Gen Z (pagitan naman ng 1997 hanggang 2007).
Para sa mga botanteng tulad nila, ito ang unang pagkakataong pumasok sa presinto ng botohan, humawak ng balota at magkasa ng botong may epekto sa mundo labas sa social media na itatala sa mga pahina ng kasaysayan.
Pagboto ang isa sa mga demokratikong karapatan na mayroon ka bilang Pilipino. Pero para sa mga unang sasabak sa botohan, baka nakakalula ang proseso. Anong oras ba dapat pumunta sa presinto? Paano kapag wala sa listahan ang pangalan mo? Paano ba masisiguradong sulit ang boto mo?
1. Tingnan kung rehistrado ka
Bago ang lahat, dapat mong siguruhin na rehistrado ka nang bumoto. Tuwing inaayos ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga botante, tinatanggal ang mga pangalang hindi bumoto sa mga nagdaang halalan. Posibleng makita ang estado ng iyong voter’s registration dito sa Comelec Precinct Finder.
I-click lang ang “Search” button para makita sa website kung saan ka rehistradong botante, saang presinto ka boboto at ang status ng iyong registration. Kung nakalagay na hindi ka na aktibong botante, padalhan ng email ang opisina ng Comelec kung saan ka rehistrado. Makikita dito ang listahan ng mga opisina ng Comelec base sa siyudad o munisipalidad.
2. Gumawa ng listahan ng iboboto
May 18,320 posisyong pagbobotohan sa halalang 2025 at walang duda na malaki ang magiging epekto nito sa pamumuno sa Pilipinas. Kaya naman mahalagang maihanda na ang listahan ng mga kandidatong iboboto para sa mga pambansa at lokal na posisyon. Tandaan:
Sa pambansang pamahalaan (mga senador at partylist)
- Mga senador: Puwedeng bumoto ng hanggang 12 kandidato sa pagkasenador mula sa 66 na tumatakbo para sa mga posisyong ito. Pag-isipang mabuti at siyasatin nang maigi ang mga plataporma nila.
- Partylist: Imbis na isang kandidato, isang partylist o grupo ang maaaring iboto ng kada botante. Ginawa ang sistemang partylist para magkaroon ng boses ang mga marhinadong sektor, kasama ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang tagalungsod, mga komunidad ng mga katutubo, kababaihan, kabataan at iba pang kapos sa representasyon sa gobyerno.
Sa lokal na halalan (kongresista, gobernador at bise gobernador, mga bokal, alkalde at bise alkalde, at mga konsehal)
- Ang mga hahawak ng lokal na posisyon, may direktang epekto sa komunidad—sa edukasyon, mga serbisyong pangkalusugan at pagpapatupad ng batas. Tingnang maigi ang mga tumatakbo para maging kongresista, gobernador, bise gobernador, bokal, alkalde, bise alkalde at konsehal sa iyong lokalidad. Tingnan ang kanilang nakaraan—tapat at aktibo ba sila sa komunidad o naiipit sa iskandalo? Iwasang magpaniwala sa makukulay na ads. Mas maiging alamin mo mismo ang katotohanan sa mga nagawa nila para makapili ng lider na magsisilbi sa iyong komunidad.
3. Bumoto nang tama
Sa araw ng halalan, dapat dalhin ang Voter’s ID o anumang katanggap-tanggap na ID mula sa gobyerno. Pagdating sa presinto, ibibigay sa iyo ng mga board of election inspector ang balota mo. Dapat tandaan:
- Kapag kandidato sa pagkasenador, itiman ang bilog sa tabi ng mga pangalan na nais mong iboto. Dapat hanggang 12 na senador lang pipiliin.
- Para sa partylist na iboboto, itiman ang bilog sa tabi ng isang grupo na nais mong suportahan.
- Para sa mga lokal na posisyon, itiman ang bilog sa tabi ng pangalan ng napiling kongresista, gobernador, bise gobernador, bokal, alkalde, bise alkalde at konsehal. Huwag kalimutang tingnan kung tamang pangalan ang nakatapat sa bilog bago ito itiman.
Napakahalaga na hindi sumobra ang iboboto. Kapag sumobra ang initimang bilog, posibleng hindi tanggapin ang boto mo para sa posisyong iyon.
4. Bantayan ang balita sa halalan
Matapos bumoto, makibalita sa bilangan at resulta. Manood ng balita at sundan ang mga opisyal na anunsiyo. Matapos ang halalan, maiging bantayan kung tinutupad ba ng mga nahalal na kandidato ang mga pangako at tungkulin nila sa publiko.
5. Bantayan ang proseso ng eleksiyon
Babantayan ng Comelec at iba pang organisasyon ang pagpapadaloy ng eleksiyon, pero bilang botante, responsibilidad mo ring bantayan kung may nagaganap na anomalya o pandaraya sa komunidad mo. Gamit ang VoteReportPH na binubuo ng mga propesyonal sa ICT at mga bantay-halalan, posible mong isumbong ang mga bumibili ng boto, nagpapakalat ng maling impormasyon, mga gumagamit ng red-tagging laban sa kakompitensya, at mga gumagamit ng dahas. Para sa iyong report, mahalagang isama ang:
- Oras, petsa at lokasyon kung saan nakita ang isyu
- Pagsasalarawan sa insidente
- Lahat ng malilikom na ebidensiya tulad ng retrato, bidyo o mga screenshot
Puwedeng tipunin ito sa isang report na ipapasa gamit ang text, email, social media o diretso sa website ng VoteReportPH.
Baka pakiramdam mo wala namang magbabago sa isang boto. Pero paulit-ulit na nang naitala sa kasaysayan: Hindi nagmumula ang kapangyarihan sa kawalang-pakialam. Napapanday ito sa pakikilahok. /Marjuice Destinado