Eleksiyon

Pagsusulong ng tapat at malinis na halalan, panata ng kabataan


Muling inilunsad ang Kabataan, Tayo ang Pag-asa, isang pambansang alyansang elektoral ng mga kabataan para isulong ang tapat at malinis na halalan.

Muling inilunsad ang Kabataan, Tayo ang Pag-asa (KTAP), isang pambansang alyansang elektoral ng mga kabataan mula sa mga paaralan at komunidad para isulong ang tapat, malinis at mapayapang halalan, nitong Ene. 12 sa Commission on Human Rights sa Quezon City.

Pinangunahan ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagtitipon ng iba’t ibang mga pahayagang pangkampus, konseho ng mag-aaral at pang-akademikong organisasyon mula sa mga paaralan at kolehiyo sa Maynila at Quezon City.

Kabilang sa mga dumalo ang mga mag-aaral mula sa Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Philippine Normal University, National Teachers College, University of the Philippines (UP) Diliman, UP Open University at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Tinalakay sa pagtitipon ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan sa sistema ng edukasyon at serbisyong panlipunan tulad ng malaking kaltas sa pondo sa UP at PUP sa ipinasang pambansang badyet ng 2025. Nasa P2.08 bilyon ang budget cut ng UP, habang nasa P8.4 bilyong naman sa PUP. 

Dagdag rin sa kanilang ibinahaging suliranin ang sumisirit na presyo sa mga bilihin at serbisyo na may malaking epekto sa mga estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan at lalong lalo na sa mga kabataan sa mahihirap na komunidad.

Ayon sa nilatag na programa ng alyansa, ang usapin sa edukasyon at serbisyong panlipunan ang ilan sa mga magiging batayan para kilatisin ng mga kabataan ang mga kandidato sa darating na halalan. 

“Kinakailangan natin maging mas lalong kritikal at kilalanin sino talaga sa mga tumatakbo ang nagrerepresenta sa interes ng kabataan at mamamayan,” ani CEGP spokesperson at KTAP national convenor Brell Lacerna.

Dagdag ni Lacerna na mainam ang panahon ngayon para singilin ang mga korap at gahaman na mga politiko na patuloy na pinagnanakawan ang taumbayan.

Sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga information drive at voter education, layunin rin ng alyansa na labanan at tutulan ang lantarang korupsiyon at malawakang disimpormasyon na pinakatalamak tuwing panahon ng eleksiyon.

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) noong Ene. 6 ang pag-imprenta ng opisyal na balota na gagamitin sa araw ng eleksyon sa Mayo 12.

Ngunit pinahinto rin ito ng Comelec nitong Ene. 14 dahil sa mga temporary restraining order na inilabas ng Korte Suprema hinggil sa pagpapatupad ng mga desisyon sa mga kasong diskuwalipikasyon sa limang indibidwal na nagsumite ng kandidatura.

Kasalukuyan na ring nagsasagawa ang Comelec sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng mga testing at pagtuturo sa paggamit ng bagong automated counting machine na gagamitin sa pagboto.