Eleksiyon

Karahasan sa halalan, nagpapatuloy


Sunod-sunod ang mga insidente ng patayan, harassment at iba pang porma ng election-related violence ngayong nalalapit ang 2025 midterm elections. Isinailim na rin sa kontrol ng Comelec ang mga lugar na nasa “red category.”

Sunod-sunod ang mga insidente ng patayan, harassment at iba pang porma ng election-related violence ngayong nalalapit ang 2025 midterm elections.

Noong Marso 26, pinatay sa isang ambush ang election officer na si Bai Maceda Lidasan Abo kasama ang asawa nito noong habang papunta sa kanyang opisina sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Dahil dito, itinalaga ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing munisipalidad sa kanilang kontrol. Nangangahulugan ito ng mas mahigpit na seguridad, mas maraming checkpoints, at mas paghihigpit sa gun ban. 

Noong Abril 13 naman, sugatan sa pamamaril ang kandidatong bokal na si Muhammad Utti Omar kasama ang drayber na si Abel Bunsalagat sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.

Sa Tayum, Abra, nasawi si Jay-Ar Tanura, tagasuporta ni Walter Tugadi, isang konsehal sa naturang munisipalidad, matapos makipagpalitan ng putok sa campaign convoy ni Kathlia Alcantara, tumatakbong alkalde, noong Abril 21. Nasugatan naman sa insidente si Jordan Claustro Barcena na isa ring tagasuporta ni Tugadi na agad namang isinugod sa pagamutan.

Ayon sa tala ng Philippine National Police (PNP) nitong Abril 29, may 35 election-related incident na naganap, habang 13 ang namatay mula Enero 12 hanggang Abril 28. Lagpas kalahati o 19 na insidente mula rito’y galing sa rehiyon mga ng Kordilyera at Bangsamoro.

Noong Abril 21 pa rin, pinaulanan naman ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang bahay ng radio broadcaster na si Rey Siason sa Talisay City, Negros Occidental. 

Itinuturing itong pagyurak sa kalayaan sa pamamahayag at may kinalaman sa eleksiyon dahil kilala ang mga programa ni Siason sa DYRL Radyo Pilipino at DYKB RPN-Bacolod sa pagiging kritikal sa mga politiko sa Negros Occidental. 

Nitong Abril 23 naman, binaril ang reelectionist at alkalde ng Rizal, Cagayan na si Joel Ruma habang nangangampanya sa Barangay Illuru Sur bandang 9:30 p.m. Dawit din sa insidente ang dalawang indibidwal na pinangalanang sina Merson Abiguebel at Melanie Talay.

May tatlo ring namatay sa isang barilan sa Tabuk, Kalinga noong Abril 24 kung saan kinilala ang mga biktima na sina Santos Calsiyao, Tokar Calsiyao at Leo Palat Calsiya. Nangyari ang barilan malapit sa bahay ng konsehal na si Cleve Dumaguing.

“Walang puwang ang karahasan sa isang demokratikong lipunan. Ito ay salungat sa malaya at patas na paggamit ng halalan at nagsisilbi lamang upang patuloy na palaganapin ang takot, pamimilit, at pagkakawatak-watak,” pahayag ng National Citizens’ Movement for Free Elections.

Sa kabila ng mga insidente, itinuturing pa ring tagumpay ni Comelec Chairperson George Garcia ang pagsugpo sa election-related violence dahil mas mababa ito kung ikukumpara sa tala sa halalan noong 2019 at 2022. 

“Doon sa mga politiko, sa mga kandidato, doon sa mga [supporter] nila o mga tauhan nila, tatandaan n’yo na ‘yong long arm of the law will be there. Hindi naman po papayag ang Comelec, ang PNP, ang AFP (Armed Forces of the Philippines) na basta na lang n’yo guguluhin ang ating katahimikan at pagkatapos walang karampatang kaparusahan,” ani Garcia.