Negosyante, dinastiyang politikal, naghahari sa partylist—Kontra Daya
Mahigit kalahati ng partylist ang hawak ng mayayamang pamilya at malalaking negosyante ayon sa pag-aaral ng election watchdog na Kontra Daya.

Mahigit kalahati ng partylist ang hawak ng mayayamang pamilya at malalaking negosyante ayon sa pag-aaral ng election watchdog na Kontra Daya.
Ayon sa tala, 86 sa 156 na partylist ang konektado sa dinastiyang politikal, malaking negosyo, kasalukuyang opisyal ng gobyerno at may kinakaharap na kasong kriminal sa korte na hindi nagrerepresenta ng marhinadong sektor.
Kapansin-pansin din na ginagamit ang sistemang partylist upang makamit ang makasariling interes sa politika. Nasa 40 na partylist ang kontrolado ng mga dinastiyang politikal, habang 25 ang bilang ng may kaugnayan sa malalaking negosyo.
Samantala, 11 na partylist naman ang hindi malinaw ang adbokasiyang ipinaglalaban sa pagtakbo, 18 ang may koneksiyon sa militar, pito ang sangkot sa kurapsiyon at siyam ang walang maayos ang impormasyon.
Kasama sa mga partylist na pinamumunuan ng dinastiyang politikal ang FPJ Panday Bayanihan ng mga Poe, Tingog Sinirangan ng mga Romualdez, 4Ps na pinangungunahan ng mga Abalos.
Kitang-kita naman ang kabalintunaan sa pahayag kamakailan ni Sen. Raffy Tulfo na tutol umano sila sa mga dinastiyang politikal.
Sa ACT-CIS Partylist kung saan kasalukyang kinatawan sina Rep. Erwin Tulfo, kapatid ng senador, at Rep. Jocelyn Tulfo, asawa ng senador. Nominado rin ang dalawang kapatid ni Jocelyn na sina Merene Pua Que at Lucrecia Pua Co.
Nasa listahan din ang Ako Bicol Partylist at TGP Partylist na konektado sa malalaking negosyo.
Sa tala ng Kontra Daya, humigit-kumulang 300 na nominado ng mga partylist ang mga negosyante base sa kanilang Certificate of Nomination and Acceptance.
Ang patuloy na paghahari ng mga dinastiyang politikal at mga negosyante ang sumisira sa sistema ng partylist, pinapatay ang boses ng mga totoong marhinadong sektor sa Kamara ayon kay Center for the People Empowerment in Governance (Cenpeg) executive director Natalie Pulvinar.
Nanawagan ang Cenpeg na ibalik ang orihinal na diwa ng Partylist System Act. Inirerekominda ang mahigpit na pagtataguyod ng batas, transparency, at mga reporma sa lehislatura upang palakasin ang representasyon ng mga sektor.
Iminumungkahi rin nila na tanging mga organisasyon na kumakatawan sa mga marhinadong komunidad at underrepresented na sektor lang ang dapat tumakbo sa partylist.