Talasalitaan

Pambansang badyet


Sa halip na mabigyang sapat na pondo ang serbisyong panlipunan, umaapaw ang hindi nakaprogramang pondo para sa piling ganansiya.

Pambansang badyet o national budget – Tumutukoy sa pondo na gagastusin ng isang bansa sa loob ng isang taon para sa mga serbisyong pampubliko at kaunlaran ng lahat. 

Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Dis. 30, 2024 ang 2025 General Appropriations Act na naglalaan ng mahigit P6.326 trilyon sa mga proyekto at programa ng pamahalaan ngayong taon. 

Ang P6.326 trilyong pambansang pondo ay hindi tumutugon sa panlipunan at pang-ekonomiyang pangangailangan ng bansa. Daan-daang bilyong piso pa rin ang nakalaan para paboran ang mala-pork barrel projects, ang confidential at intelligence funds, at iba pang politikal na aparato para sa pagpapayaman sa mga nasa posisyon.

Nag-uumapaw ang pondo para sa imprastruktura sa P1 trilyon na pansamantala lang lilikha ng trabaho; pansin rin ang lumalaking pondo para sa militar. 

Nasa P75 bilyon ang inilaan para sa AFP Modernization Program na para sa upgrade ng mga gamit militar. P35 bilyon ang posibleng agad magamit habang ang P40 bilyon naman ay bahagi ng unprogrammed funds. Prayoridad rin ni Marcos Jr. ang Department of National Defense na may ?315.1 billion para sa 2025. 

Bukod sa mga ito, nariyan pa ang hakbang ng administrasyon na ilista sa ilalim ng Education budget ang pondo para sa Philippine Military Academy, Philippine National Police Academy, National Defense College of the Philippines at iba pa, kahit hindi ito tradisyonal na naililista sa sektor ng edukasyon.

Kaya kahit natapyasan ang pondo ng maraming pampublikong unibersidad tulad ng Unibersidad ng Pilipinas na nabawasan ng P2 bilyon mula sa nakaraang taon, naipagmumukha na malaki ang naibubuhos para sa kabataan at mag-aaral.

Sa pambansang badyet, nasa P267.8 bilyon lamang ang ilalaan para sa kalusugan. Maliit at hindi ito prayoridad ng administrasyong Marcos Jr. sa 2025. Mahigit tatlong beses na mas malaki ang badyet para sa imprastraktura na nasa P1 trilyon kaysa sa kalusugan. 

Bawas ang pondo sa mga pampublikong ospital. Halimbawa nito ang pagbaba ng 28.55% ng badyet para sa Philippine Children’s Medical Center na nakakuha ng P1.4 bilyon para sa 2025 mula sa higit P2 bilyon noong 2024. Bumaba ng higit 10% ang pondo ng Lung Center of the Philippines na nasa P711 milyon ngayong taon, habang higit 8% naman ang ibinaba ng badyet ng National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Heart Center. 

Umasa ang mga manggagawang pangkalusugan na taas-pondo sana sa sektor para sa 2025 nang matugunan ang kulang na medical staff sa pampublikong ospital, regularisasyon ng mga kontraktuwal na manggagawang medikal, job orders, at kontrata ng mga service health workers. 

Malaking pondo rin ang binawasan para sa agrikultura. Sa dokumentong inaprubahan ng Kongreso para sa Agriculture and Fisheries Modernization Program, nasa P108 bilyon dapat ang ilalaan para sa programa pero sa dokumentong pinirmahan ng pangulo, nasa P87.1 bilyon na lang ito. Ganito rin ang nangyari sa badyet para sa mga proyekto ng irigasyon na nabawasan ng P450 milyon sa pagitan ng pagtawid ng pondo mula Kongreso hanggang sa napirmahan ng pangulo.

Hanggang ngayon wala pa ring lupa ang mga magsasaka. At tuwing itinatambol nila ang kanilang mga panawagan, nauuwi pa ito sa pandarahas ng pulisya’t militar. Tuloy rin ang; pangangamkam ng mga panginoong may lupa at libong ektaryang hacienda at pribadong lupaing agrikultura ang hindi pa din naipapamahagi sa bansa.

Malinaw na ang prayoridad ng administrasyong Marcos Jr. ang pagpopondo sa mga maanomalyang programa at ahensiya ng paniniktik kaysa tiyakin ang badyet para sa mga manggagawa, magsasaka, maralita at iba pang sektor sa bansa. Sa halip na mabigyang sapat na pondo ang serbisyong panlipunan, umaapaw ang hindi nakaprogramang pondo para sa piling ganansiya.