Sa bigwas ng tagumpay ang paglaya


Itakda na ang inyong mga kalendaryo at maging bahagi ng kasaysayan ng paglaban para sa demokrasya sa UPLB February Fair!

Muling magpapakita ng lakas ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa taunang February Fair o mas kilala bilang FebFair sa Peb. 11 hanggang 15, 2025, sa UPLB Freedom Park at buong campus grounds.

Inihahandog ng UPLB All Student Councils Assembly (ASCA), ang tema ng makasaysayang protest fair ngayong taon: Pagbigwas: Buong Giting na Paglaban ng Timog Katagalugan tungo sa Mabuting Pamamahala, Hustisyang Panlipunan, at Tunay na Demokrasya!

Sumisimbolo ito ng isang malakas na bigwas—isang matapang na paninindigan ng Timog Katagalugan laban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan.

Ang UPLB ASCA, na binubuo ng University Student Council, walong College Student Council at Graduate School Student Council, ay kumakatawan sa mga mag-aaral ng UPLB sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mamamayan.

Mula noong batas militar, patuloy na nag-oorganisa ang mga student council ng UPLB ng FebFair, isang protestang may malalim na ugat sa adbokasiya. Mula sa isang simpleng one-day fair noong 1961, ito’y naging matapang na tugon ng mga estudyante laban sa diktadurang Marcos Sr. noong 1972. Isang patunay ito ng diwang palaban at ‘di matitinag na paninindigan ng UPLB laban sa pang-aapi.

Inilipat ito sa buwan ng Pebrero upang mas mapaghandaan ng mga organizer. Kahit natapos na ang batas militar, nanatili ang diwa ng FebFair—isang plataporma para sa kampanya at protesta, habang pinagsasama ang adbokasiya at sining.

Higit pa sa isang selebrasyon, ang FebFair ay isang malawakang pagtitipon na tampok ang mga pagtatanghal ng lokal at pambansang mga artista, mga booth mula sa iba’t ibang organisasyon at masasarap na pagkain mula sa iba’t ibang mga concessionaire. Ngunit higit sa lahat, ito’y naglalaman ng mga talakayan mula sa mga lider-masa upang bigyang-pansin ang mahahalagang isyung panlipunan.

Bawat araw ay may nakatalagang kampanya na tumutok sa iba’t ibang panawagan ng Timog Katagalugan:

  • Pebrero 11, Martes“Kabataan, bumigwas sa neoliberal na edukasyon upang makamit ang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon!”

Pinangungunahan ng Rock United 2025: After School at Alab UPLB, tututukan ng araw na ito ang laban ng kabataan para sa isang edukasyong makabayan, siyentipiko at makamasa.

  • Pebrero 12, Miyerkules“Komunidad ng LGBTQIA+ at mga kababaihan, bumigwas sa mapang-abusong lipunan upang makalaya sa karahasan!”

Pangungunahan ng WAR Show 2025 at DRAG ON! XTRAVAGANZA, dadalhin ng araw na ito ang kampanya para sa pagkakapantay-pantay at karapatan ng mga kababaihan at LGBTQIA+ community.

  • Pebrero 13, Huwebes“Mga manggagawa at pesante, bumigwas sa pahirap na sistema upang lagutin ang tanikala ng pagsasamantala!”

Dadalhin ng Karera, Freshie Fever, Class Distraction XXII at Razzmatazz ang mga panawagan para sa makatarungang pasahod sa mga manggagawa at tunay na repormang agraryo para sa mga magsasaka.

  • Pebrero 14, Biyernes“Mamamayang Pilipino, bumigwas laban sa tiraniya at hustisya upang mapagtagumpayan ang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan!”

Ang Karera, Class Distraction XXII, Sound of Sirens V2 at Kamurayaw ang mangunguna sa mga talakayan hinggil sa tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

  • Pebrero 15, Sabado “Mga kasama, bumigwas upang singilin si Marcos at panagutin si Duterte! Isulong ang pagkamit sa pambansang demokrasya!”

Pinangungunahan ng Tunong Dunong, Class Distraction XXII, at Paglaum, ito ay isang panawagan para sa pananagutan ng mga Marcos at Duterte sa kanilang mga kasalanan sa bayan.

Ang FebFair ay hindi lang isang pagdiriwang—ito’y isang pagkilos para sa pagbabago. Sa pamamagitan ng mga kampanyang may malalim na diwang panlipunan, hinahamon nito ang bawat isa na makisangkot at lumaban para sa kinabukasan ng bansa.

Dito pinagsasama ang musika, sining at adbokasiya upang palakasin ang diwa ng protesta at paglaban. Bukod sa signature campaigns, interactive exhibits at educational discussions, tampok din ang mga talumpati ng mga lider-masa at tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Mula sa pagiging isang pisikal na event patungo sa online platforms noong kasagsagan ng pandemya, pinatunayan ng FebFair ang hindi matinag na diwa ng UPLB pagdating sa pagsusulong ng hustisyang panlipunan. Patuloy itong lalaban, magbabago kasabay ng panahon, ngunit hindi kailanman mawawalan ng saysay.

Itakda na ang inyong mga kalendaryo at maging bahagi ng kasaysayan ng paglaban para sa demokrasya! Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang UPLB February Fair sa Facebook, X, Instagram at TikTok gamit ang @UPLBFebFair.

*Ang Pinoy Weekly ay isang opisyal na media partner ng UPLB February Fair 2025.