UPLB February Fair 2026: Himagsik


Bitbit ng “Himagsik” ang naglalagablab na pagtindig ng mamamayan ng Timog Katagalugan laban sa patuloy na pang-aabuso at paniniil.

Muling paaalabin ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang taunang February Fair (FebFair) na gaganapin sa UPLB Freedom Park ngayong Peb. 10 hanggang 14, 2026. Inihahandog ng UPLB All Student Councils Assembly ang “HIMAGSIK: Buong Lakas na Paglaban ng Timog Katagalugan Kontra korupsiyon at Pasismo Tungo sa Katarungan, Kapayapaan at Demokrasya!”

Layunin nitong paliyabin ang damdamin ng mga mamamayan laban sa katiwalian para sa lehitimong katarungan. Bitbit ng “Himagsik” ang naglalagablab na pagtindig ng mamamayan ng Timog Katagalugan laban sa patuloy na pang-aabuso at paniniil.

Nagsimula ang FebFair na pang-isang araw na aktibidad noong 1961. Kalaunan, naging anyo ito ng protesta laban sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Matapos ideklara ang batas militar noong 1972, naging manipestasyon ang tugtugan at tipunan ng militanteng tradisyon ng mga kabataan at estudyante laban sa  pang-aabuso. 

Ang FebFair 2026 ay sentruhan ng musika, sining at kampanya.

May pagtatanghal ng mga artista araw-araw kasabay ng mga interaktibong tanghalan, mga eksibit na pang-edukasyon, at mga talakayan tungkol sa mga mahahalagang usaping panlipunan. Matutunghayan rin ang mga talumpati mula sa mga lider-masa, tanggol-karapatan, at mga aktibistang lumalaban para sa katarungan.

Nakasentro ang bawat araw sa isang kampanya, salamin ng tinig ng mga marhinadong sektor at mga kilusang estudyante sa rehiyon:

Inihahandog ng Ulayaw, Rock United: Break Time at Alab

Tampok sa unang araw ang pakikibaka ng kilusang kabataan para sa abot-kaya, dekalidad, at mapagpalayang edukasyon.

Kinukundena ng kampanya ang malalang kakulangan sa pondo ng edukasyon, kakapusan sa guro at pasilidad at ang pagpapatupad ng mga patakarang kontra-estudyante tulad ng mapanupil na dress code, labis na bayarin, at mga regulasyong sumisikil sa akademikong kalayaan.

Inihahandog ng Freshie Fever, Drag On! BaranGAYan, at Women Against Repression (WAR) Show

Sa araw na ito, bida ang kolektibong pakikibaka ng kababaihan at mga komunidad ng LGBTQ+ laban sa karahasang nakabatay sa kasarian, pang-aabuso, at diskriminasyon.

Tinutuligsa naman ang patriyarkal na kultura, kapabayaan ng estado at mga mapanupil na patakaran na nagbibigay-daan sa pang-aabuso at pananahimik ng mga biktima.

Pinangungunahan ng Dungka!, Class Distraction XXIII, Sounds of Siren Vol. 3 at Kamurayaw 2026

Hinaharap nito ang lumalalang pasismo sa ilalim ng administrasyong US-Marcos Jr., lalo na ang red-tagging sa mga progresibong lider, guro, estudyante, at mga community organizer sa Southern Tagalog, kasama ang tumitinding militarisasyon sa mga rural na komunidad.

Inihahandog ng Dungka!, Class Distraction XXII, at Razzmatzz 2026

Inilalantad ng araw na ito ang pag-uudyok ng US ng digmaan at interbensiyong imperyalista sa lalong pagpapalalim ng kahirapan, panunupil, at kawalan ng tunay na kaunlaran at soberanya sa Pilipinas.

Itatambol din sa araw na ito ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, disenteng kondisyon sa paggawa, tunay na repormang agraryo, at pambansang industriyalisasyon. Ang tunay na kapayapaan at kaunlaran ay hindi makakamtan kung walang pambansang soberanya, kalayaan mula sa agresyon ng US, at kolektibong paglaban sa dominasyong imperyalista.

Inihahandog ng Tulong Dunong at Sayaw ng Lahi, Class Distraction XXII at Paglaum 2026

Sa huling araw, pinagsama ang mga panawagan sa isang matibay na pangangailangan para sa pananagutan at politikal na pagbabago.

Kinukundena rin korupsiyon, pandarambong, paglabag sa karapatang pantao, at mga patakarang laban sa mamamayan sa ilalim ng rehimen nina Marcos Jr. at Duterte, na nagpapatindi ng kahirapan at pang-aapi.

Hinihimok ng panahon ang lahat ng mamamayan na makiisa sa laban para mapabagsak ang burukrata-kapitalismo—ang sistemang nagpapalaganap ng korupsiyon at katiwalian sa pamahalaan hanggang mapatalsik ang rehimeng US-Marcos at Duterte.

Makiisa sa FebFair 2026!

Itakda na ang inyong mga kalendaryo at makiisa sa itinatambol na kampanya tungo sa tunay na kalayaan! Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang UPLB February Fair sa Facebook, X, Instagram at TikTok gamit ang @UPLBFebFair.