Konteksto

Sasakyan


Tulad ng mahihirap na lumalaban sa nagpapahirap, may mga lumang kayang pataubin ang mga bago—sa kalunsuran man o sa kanayunan, sa lansangan man o sa kabundukan.

Lumang sasakyan, bagong gulong.

Gaano ba ito kaluma? Halos tatlong dekada na ang “edad” nito. Nakasulat sa sertipiko ng rehistrasyon (“Certificate of Registration”) na ang “year model” ay nakapaloob sa dekada ‘90.

Kung tatanungin ang mga nangongolekta ng lumang sasakyan, hindi naman ito “vintage car” dahil wala naman sa panahong 1919 hanggang 1930 ang pagkakagawa. Pero matatawag itong “antique car” batay sa depenisyon ng Antique Automobile Club of America na mahigit 25 taong gulang dapat ang sasakyan.

Pero dahil nasa Pilipinas tayo, hindi naman dapat basta-bastang gamitin ang kanluraning pamantayan. Kaya sa halip na tawaging antigo ang aming lumang sasakyan, mas tanggap namin ang terminong “classic car” dahil may pagsang-ayon sa iba’t ibang bahagi ng mundo na tumutukoy ito sa sasakyang mahigit 25 taon nang ginawa.

Antigo man o klasiko, may sentimental na halaga ito sa aming pamilya. Kasama namin ito sa aming pagpunta sa iba’t ibang lugar sa Luzon, mula hilaga hanggang timog. Nakapagbiyahe na ito, halimbawa, mula Metro Manila hanggang Albay. Sa katunayan, ang Pasko’t Bagong Taon noong nakaraang taon ay nangyari sa Albay at Camarines Sur gamit ang aming lumang sasakyan.

Sa aming pagbiyahe mula Metro Manila, hindi naman tumirik o nagloko ang sasakyan. Ligtas kaming nadala sa mga destinasyon sa kabila ng hindi magandang panahon at napakatinding trapiko.

Mistulang parusa ang limang oras na “prusisyon” mula Lupi hanggang Sipocot, dalawang lugar sa Camarines Sur na wala pang 20 kilometro ang distansiya. Limang oras! Ilang beses na pinatay ang makina dahil hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Kilo-kilometro ang haba ng mga trak, bus, van, SUV, sedan, traysikel, motorsiklo at iba pang mga sasakyan. Dinig na dinig ang malulutong na mura at maaanghang na komento sa lansangang nakapangalan sa politikal na dinastiya.

Habang binabagtas at iniiwasan ang sanlaksang lubak at bahang dulot ng malakas na pag-ulan, kapansin-pansin ang ilang sasakyan sa tabi ng lansangan—nakabukas ang hood, may iniinspeksiyon sa makina. Sana nama’y hindi seryoso ang problema at nakarating sila sa nais puntahan.

Hindi dapat ganito ang Pasko’t Bagong Taon ng mga nagnanais ng pansamantalang kaligayahan! Bakit kailangang ipamukha ang krisis sa lipunan sa pamamagitan ng kabulukan ng lansangan?

Bukod sa lubak at baha, nariyan ang putik, aspalto at batong tumatama sa ilalim ng mga sasakyan. Kung anong linis sa pag-alis sa Metro Manila ay siya namang dumi sa pagdating sa Albay. Halos 500 kilometro din ang impiyerno ng pagmamaneho. Ito rin ang haba ng kalbaryo sa biyahe pabalik. 

Kahit na luma ang sasakyan, nakaya namang makipagsabayan sa mga bagong sasakyang may makinang nasa magandang kondisyon. At hindi hamak na mas bago pa ang kanilang mga gulong!

Sa kaso ng aming sasakyang halos tatlong dekada na, mahigit isang dekada naman ang edad ng mga gulong. Makapal pa naman kasi kaya hindi pa raw kailangang palitan, ayon sa mga mekanikong kinonsulta ko. 

Totoo namang nakaya ng mga lumang gulong ang hamon ng mahabang pagbiyahe. Kahit ilang beses na nalubak, hindi naman bumigay. Sa pagbiyahe sa mga kalyeng mistulang napabayaan na ng gobyerno, nakaya naman ng mga gulong ang tulis ng mga bato (pati na rin ang mga basag na baso’t naitapong pako).

Kung sabagay, pang-offroad naman kasi ang aming sasakyan. Ginawa talaga para iakyat sa kabundukan at itawid sa baha. Ito ang magpapaliwanag kung bakit matibay pa rin, pero siyempre’y hindi na ito kasing-tibay noong dekada ‘90.

Dahil may limitadong pondo, pinalitan na kamakailan ang mga lumang gulong para madagdagan pang lalo ang tibay. At dahil nagkaroon ng panahong inspeksiyunin ng mekaniko ang ilalim ng sasakyan, lumalabas na kailangan na ring palitan ang ilan pang mga piyesa. Kaya pa namang ibiyahe kahit hindi palitan pero mainam na pag-ipunan na rin ang mga ito para sigurado. Ganyan naman ang kuwento ng mga sasakyang ilang dekada nang nasa lansangan—magastos ang pag-aalaga dahil marami nang naluluma.

May sentimental na dahilan kung bakit nais naming yakapin ang luma. Para sa aming pamilya, naaalala ang respetadong peryodista, guro at kaibigang dating may-ari ng sasakyan. Presyong kaibigan ang halaga noon, presyong hindi matatawaran ang sari-saring karanasan ng pagbiyahe noon at ngayon.

Mahaba ang listahan ng mga nakasakay na sa sasakyang ito—mga peryodista, guro, aktibista, kamag-anak, kaibigan at kung sino-sino pa. Aba, hindi lang mga Pilipino kundi iba’t ibang dayuhan pa ang nakaupo habang pinagkukuwentuhan naming ang personal at politikal.

Bukod sa subhetibong tendensiya, may obhetibo’t personal na dahilan din kami. Sa ngayon, hindi praktikal na bumili ng bagong sasakyan dahil gumagana pa naman ang luma at hindi pa masyadong sakit ng ulo ang pagpapaayos. Sadyang may positibong resulta ang aming palagiang maintenance sa sasakyan tulad ng regular na pagpapalit ng spark plugs, langis, coolant at iba pang dapat palitan o linisin batay sa rekomendasyon ng mekaniko.

Lumang sasakyan, bagong gulong. May mga bago ring piyesang inilalagay kung kinakailangan. Mabubuhay pa ito nang matagal kahit na mabansagang antigo sa hinaharap. Opo, patuloy naming itong mamahalin.

May kasaysayang binabalik-balikan ang lumang sasakyan. Kasama na rito ang tagumpay sa mga kalyeng pinabayaan ng mga opisyal na may mamahaling sasakyan. Tulad ng mahihirap na lumalaban sa nagpapahirap, may mga lumang kayang pataubin ang mga bago—sa kalunsuran man o sa kanayunan, sa lansangan man o sa kabundukan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com