Konteksto

Arestado


Basta’t sumunod lang sa batas, wala raw problema. Basta’t magtiwala lang sa kanya, uunlad raw ang Pilipinas. Matapos ang anim na taong panunungkulan niya, ano na ang nangyari sa ating bansa?

Sa wakas, hustisya? Teka lang, arestado pa lang si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Mar. 11. May dahilan para sama-samang magbunyi pero may mas malaking dahilan para patuloy na magbantay.

Opo, dinala na siya sa The Hague para harapin ang kasong isinampa sa International Criminal Court. Seryoso ang mga akusasyon laban sa kanya bilang “alleged indirect co-perpetrator” sa pagpatay, pagpapahirap at panggagahasa bilang krimen laban sa sangkatauhan (murder, torture and rape as crime against humanity) mula Nob. 1, 2011 hanggang Mar. 16, 2019.

Kung tutuusin, mahaba ang listahan ng mga kasalanan ni Duterte sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kasama na ang midya.

Hindi ba’t sinabi niya noong may mga peryodistang dapat lang na mamatay dahil sa ‘di umanong iresponsibilidad nila? Ilang beses ba niyang binastos ang ilang babaeng peryodista?

Bakit kaya niya hinayaan ang mga pulis, militar at NTF-Elcac na akusahang miyembro ng CPP-NPA-NDFP ang ilang peryodista’t organisasyong pang-midya dahil lang sa kanilang kritikal na pagbabalita? Paano niya masasabing itinataguyod niya ang kalayaan sa pamamahayag kung ginipit niya ang Rappler at ipinasara ang ABS-CBN?

Bukod sa dominanteng midya, biktima rin ng kalupitan ng rehimeng Duterte ang alternatibong midya. Ang buong network ng AlterMidya, ni-red-tag sa isang pagdinig sa Senado.

Ang Bulatlat at Pinoy Weekly, binusalan sa pamamagitan ng pag-block sa mga website nila. Marami ding insidente ng cyber-attacks at mass reporting sa mga ulat na inilabas nila.

Tila naging normal nang kalakaran ang trolling, doxxing, gaslighting, sealioning at cyber-bullying sa mga peryodistang tinaguriang “kaaway” ng mga nasa kapangyarihan. Kahit ako, maraming beses na ni-red-tag ng ilang tagasuporta ni Duterte. Isinama pa nga ako sa listahan ng mga peryodistang ‘di umanong sangkot sa planong pagpapatalsik sa kanya.

Malakas ang loob nilang magbato ng akusasyon kahit walang ebidensya. Nais kasi nilang patahimikin ang mga kritiko sa pamamagitan ng panliligalig at pananakot (harassment and intimidation).

May basbas ni Duterte ang pagbubuo ng NTF-Elcac na nagbunga ng mas sistematikong pag-uusig sa mga kritiko niya at pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act na nagbigay ng batayan para bansagang terorismo ang lahat ng ayaw niya.

Sa pamamagitan ng kamay na bakal, ipinagpilitan niya ang bulag na pagsunod sa anumang nais niya. Pinalakpakan naman ng mga tagasuporta niya ang kanyang pagmumura dahil simbolo raw ito ng kanyang katapangan, kahit na kasama sa mga minura niya ang mismong Santo Papa. Kung sabagay, ano pa bang maaasahan sa isang nilalang na tinawag na estupido ang diyos?

Biro lang daw ang mga pambabastos niya, lalo na sa kababaihan. Sa gitna ng maraming kapalpakan sa polisiya’t programa ng gobyerno lalo na noong panahon ng pandemya, kailangan lang daw magtiwala sa kanya.

At sa bawat paglabag sa karapatang pantao, ipinagpilitan ni Duterte na mas mahalaga ang “human lives” kumpara sa “human rights.” Kahit na walang katuturan ang mga ganitong klaseng pahayag, sige pa rin ang palakpak ng tinaguriang “Diehard Duterte Supporters.”

Basta’t sumunod lang sa batas, wala raw problema. Basta’t magtiwala lang sa kanya, uunlad raw ang Pilipinas. Matapos ang anim na taong panunungkulan niya, ano na ang nangyari sa ating bansa?

Kung babalikan ang kalagayan ng sektor ng midya, malinaw sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines na 24 na peryodista ang pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte. Isa itong indikasyon na patuloy ang “culture of impunity” sa kanyang administrasyon.

At sa konteksto ng kanyang sistematikong panggigipit sa mga kritiko niya sa midya, malinaw na wala siyang pakialam sa kalayaan sa pamamahayag at kahit sa mga batayang karapatan ng mga peryodista.

Kaya huwag nang magulat si Duterte at ang mga tagasuporta niya kung maraming peryodistang nagbubunyi sa kanyang kinasasadlakan sa Oude Waalsdorperweg 10, 2597 AK Den Haag, The Netherlands. Arestado na, detenido pa. Dapat lang na pagbayaran niya ang kanyang mga ginawa.

Kahit na hindi kasama sa listahan ang mga kasalanan niya sa midya, hustisya pa rin para sa mga peryodista ang paghimas niya ngayon sa selda.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com