De facto martial law sa Mindoro, isiniwalat 


Panawagan ng mga tanggol-karapatan na kagyat na alisin ang mga detatsment ng militar sa mga komunidad, itigil ang pambobomba at panggugutom sa mga residente, at labanan ang mga mapaminsalang proyekto sa lupang ninuno ng mga katutubong Mangyan.

Inilabas ng Karapatan Southern Tagalog ang resulta ng kanilang isinagawang fact-finding mission sa isla ng Mindoro noong Peb. 23 hanggang Mar. 1.

Noong Peb. 11 at 15 ipinamalita ng Armed Forces of the Philippines ang umano’y mga engkuwentro sa New People’s Army sa mga liblib na sitio sa isla ng Mindoro.

Sa social media post ng isang residente ng Sitio Lumboy sa bayan ng Mansalay, Oriental Mindoro, pinabulaanan nito ang sinasabing engkuwentro. Ayon sa residente, paghuhulog ng bomba at pagpapaulan ng bala ang nangyari sa kanilang komunidad. 

Kasama ang nasa 30 indibidwal, pinangunahan ng Karapatan Southern Tagalog ang isang fact-finding mission kasunod ng mga ulat ng mga residente laban sa 203rd Infantry Brigade at 4th Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga sibilyang komunidad sa isla. 

Sa inisyal na impormasyon ng fact-finding team, ang matinding militarisasyon ng mga komunidad ay nagdulot ng mga puwersahang paglikas, initimidasyon at harassment, pagpapataw ng curfew, pagbabawal sa pagkaingin, pagsusunog ng mga pahingahan ng mga Mangyan at kaso ng extra-judicial killing sa isang kabataang Mangyan-Hanunuo.

Ayon kay Ida Palo, lider ng fact-finding team, marami pang mga kaso ng paglabag sa international humanitarian law ang dapat imbestigahan sa isla.

Ani Palo, dama ng fact-finding team ang takot ng mga residente, kahit mga lokal na opisyal ng barangay ay takot sa puwedeng gawin ng militar. 

Ani Karapatan secretary general Tinay Palabay, ang pagsuko ng kapangyarihan ng mismong lokal na awtoridad sa militar ay malinaw na indikasyon ng pag-iral ng isang de facto martial law sa isla.

Nanawagan ang grupo sa gobernador ng Oriental Mindoro, mga politikong tumatakbo ngayong eleksiyon, at sa Commission on Human Rights na gawin ang kanilang mandato at magsagawa ng independiyente at patas na imbestigasyon.

Panawagan naman ng Karapatan Southern Tagalog na kagyat na alisin ang mga detatsment ng militar sa mga komunidad, itigil ang pambobomba at panggugutom sa mga residente, at labanan ang mga mapaminsalang proyekto ng gobyerno at pribado sa lupang ninuno ng mga Mangyan.