Kababaihang maaasahan, tapat sa mamamayan
Makakaasa ang sambayanan, siguradong isusulong nila ang pagbabago sa Senado para sa karapatan ng mga kababaihan, bata, migrante, Moro at katutubo at sa pagsasakatuparan nito kasama na rin ang taumbayan.
Walang mailuluwal na sambayanan kung wala ang kababaihan. Bitbit ang angking tatag at pagpupursigi sa kabila ng hindi pagkakapantay-pantay, patuloy na pinatutunayan ng kababaihan na dapat silang pakinggan.
Ganito mismo ang tunguhin nina Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Partylist (GWP), Liza Maza, pangulo ng Makabayan Coalition, at Amirah Lidasan, lider-Moro ng Sandugo Alliance, sa kanilang pagtakbo sa Senado sa ilalim ng Makabayan Coalition.
Tinik sa mga korap at bastos
Laman ng balita noon si Brosas sa mga hearing sa maling paggamit sa pondo ng bayan. Marami siyang napahanga sa walang takot niyang pagtatanong ukol sa mga nakaw na yaman.
Matapos grumadweyt sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa kursong Philippine Studies, nagturo si Brosas sa UP Baguio at UP Manila. Bagaman mula sa unibersidad na kilala at puno ng pakikibaka, hindi aktibista si Brosas noon sa kolehiyo.
Nagsimula ito sa pangarap na makapagturo at kalauna’y namulat si Brosas sa araw-araw na laban at krisis ng bawat babae at bata. Napagtanto niya na higit pa sa apat na sulok ng klasrum ang paggiit sa karapatan at pagkamit ng makabuluhang pagbabago.
Noong napagpasyahan na lumiban sa akademiya, ginugol ni Brosas ang kanyang serbisyo sa Akap sa Bata ng mga Guro Kalinga Inc., isang alyansa ng mga volunteer na nagtuturo sa mga daycare center.
Dito, nakita ni Brosas ang ‘di pantay na kalagayan ng mga batang anakpawis at nagsimulang lumahok sa mga politikal na pagkilos, hindi nagtagal naging secretary general ng Akap-Bata Partylist noong 2010.
Si Brosas din ang spokesperson at convenor ng Save Nena, isang kampanya kontra-prostitusyon sa mga bata at kabataan at naging pangunahing tagapagsalita ng Anti-Child Pornography Alliance na nagsulong ng Anti-Child Pornography Law na naglalayong wakasan ang lumalalang kaso ng pang-aabuso at pananamantala sa mga bata.
Sa mahigit dalawang dekadang karanasan at siyam na taong pagiging kinatawan ng GWP sa Kongreso, patuloy na itinataguyod ni Brosas ang karapatan at interes, hindi lang ng kababaihan at kabataan, kung hindi ng taumbayan.
Si Brosas ang pangunahing may-akda ng Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law na layuning protektahan ang bawat indibidwal sa anumang uri ng harassment, mapa eskwelahan, opisina kahit sa social media at kahit sa lansangan.
Isa rin siya sa may panukala ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (Sogie) Equality Bill na naglalayong palawigin ang karapatan ng bawat PIlipino na makapamuhay nang walang pag-aalinlagan at hindi nakabase ang karapatan sa kanilang sekswal na oryentasyon.
Si Brosas din ang pangunahing nagsulong sa Kamara ng imbestigasyon sa madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pagtakbo, layunin pa rin ni Brosas na supilin ang korupsiyon at katiwalian, panagutin ang mga mandarambong at magnanakaw, at ipagtanggol ang mga karapatang pantao ng mamamayan. Dadalhin muli ni Brosas ang panawagan sa pagpapataas ng sahod, paglaban sa tunay na reporma sa lupa at pagbasura sa kontraktuwalisasyon.
“[Patuloy nating isinusulong ang] nakabubuhay na sahod. Palagi ‘yon pero hanggang ngayon hindi pa rin ‘yon nangyayari,” ani Brosas sa isang debate para sa mga kandidatong senador.
Isusulong din niya at kanyang mga kasama sa Makabayan ang pagpapasa ng National Public Health Care Bill upang labanan ang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at pagpapataas ng kalidad ng serbisyong medikal sa bawat Pilipino.
Maza para sa masang Pilipino
Mula sa pagiging aktibista noong nag-aaral pa sa Unibersidad ng Pilipinas, pinasok ni Liza Maza ang politika upang isulong at ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at migranteng Pilipino.
Nasaksihan ni Maza ang totoong hirap na dinadanas ng napakaraming Pilipino mula sa pakikisalamuha nya sa mga taga-Tondo noong nag-uumpisa pa lang ang kanyang aktibismo.
Dahil sa pagkamulat nya sa reyalidad ng ating lipunan, pinili niyang ipaglaban ang mga isyung hindi nabibigyang pansin ng pamahalaan.
Naging miyembro ng Gabriela si Maza na mas nagpalalim ng kanyang kagustuhan na tumulong sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso at itaguyod ang katarungang panlipunan.
Sa ilalim ng Gabriela Women’s Partylist at Bayan Muna, nagsilbi bilang kongresista ng siyam na taon si Maza at naging miyembro rin ng gabinete sa ilalim ng administrasyong Duterte bilang lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa loob ng halos tatlong taon.
Nag-akda siya ng 71 panukalang batas at 144 na resolusyon kabilang ang Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Magna Carta of Women, at ang Juvenile Justice and Welfare Act.
“Ipinagmamalaki kong sabihin na hindi ko kailanman kinompromiso ang aking mga prinsipyo,” sabi ni Maza sa wikang Ingles sa panayam sa Pinoy Weekly.
Sa ilang dekadang pakikibaka at paglilingkod sa bayan, kahit kailanman hindi nabahiran ng korupsiyon at isinulong ang pansariling interes dahil ayon kay Maza, patuloy niyang tinatanong ang sarili kung ano ang tunay niyang layunin sa pagpasok sa pamahalaan.
Isa sa mga isusulong ni Maza sa Senado ang pagsusuri sa lahat ang mga kasunduan gaya ng Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement na nagpapalawak sa base militar ng United States sa ating bansa.
“Panahon na para magkaroon ng tunay na boses ng taumbayan sa Senado. Hindi kailangang ipaubaya ito doon sa mga trapo, sa mga political dynasty, ‘yong mga alam nating pansariling interes lang ang sinusulong,” giit ni Maza.
Kung karanasan lang sa pakikibaka at pagiging tapat na lingkod-bayan ang pag-uusapan, sobra-sobra pa ang pagiging kuwalipikado ni Maza sa Senado.
Boses ng Moro’t katutubo sa Senado
Karahasan at masaker ang kinamulatan ni Lidasan sa rehiyong Bangsamoro na nagtulak sa kanya upang ipaglaban ang karapatang pantao ng mga Moro at katutubo.
Kaya panahon na para magkaroon ng tunay na representasyon ang mga Moro at katutubo sa Senado.
“Naranasan ko ‘yong magla-lobby ka sa Senate tapos hindi ka papakinggan kahit ng kapwa mo mga Muslim. Habang binobomba ‘yong lugar, habang pinapatay ang mga kapatid ninyo, habang ang mga kapatid namin ay hinuhuli,” sabi ni Lidasan noong naghain siya ng kandidatura.
Miyembro ng Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA) at Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination si Lidasan na isang Moro mula sa tribung Iranon.
Hindi na bago sa politika si Lidasan, ngunit ito ang unang beses na susubukan nyang pasukin ang Senado.
Noong 2004 at 2007, naging unang nominado siya ng Suara Bangsamoro Partylist ngunit hindi pinalad kaya sumubok ulit sya bilang ikatlong nominado ng Bayan Muna Partylist noong 2022.
Kahit hindi pinalad sa Kamara, hindi tumigil si Lidasan na tumulong at isulong ang interes ng libo-libong pambansang minoryang pinagsasamantalahan, inaagawan ng lupang ninuno at minamasaker sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.
“Ang Senado ay isang magandang plataporma para sa pagkakaisa ng mga Bangsamoro at ‘yong pagiging marginalized nila ay maisentro natin as a national issue at national policy,” ani Lidasan.
Kung papalaring maupo bilang senador, isa sa mga prayoridad nya ang pagrerepaso ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) at ang Bangsamoro Organic Law (BOL) upang maseguro ang partisipasyon ng mga Moro at katutubo sa mga talakayan na may kinalaman sa kanilang kalagayan.
Kasama rin sa plataporma ni Lidasan ang pagpapaalis ng mga tropang militar sa mga lupaing ninuno upang mas maitaguyod ang payapang pakikipagdiskusyon ng pamahalaan sa mga Moro at katutubo.
Hustisya, kapayapaan at demokrasya ang bitbit ni Lidasan mula Bangsamoro patungong Senado.
Kinatawan ng kababaihan, pambansang minorya at taumbayan
Liban sa karanasan kasama ang taumbayan, sa deka-dekadang paglilingkod sa bayan, sigurado na malinaw ang plataporma at malinis ang track record at konsensiya nina Brosas, Maza at Lidasan.
Udyok pa rin ng kawalang prayoridad sa kagyat na panawagan at pangangailangan ng mamamayan at bayan ang dahilan ng kanilang pagtakbo.
Kaya’t makakaasa ang sambayanan, siguradong isusulong nila ang pagbabago sa Senado para sa karapatan ng mga kababaihan, bata, migrante, Moro at katutubo at sa pagsasakatuparan nito kasama na rin ang taumbayan.