Kaduda-dudang partylist | Negosyong partylist!
Mataas ang presyo ng mga bilihin. Grabe na ang inflation. Dapat solusyonan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng batas at patakaran. Pero iyong ibang partylist naman, dinerekta na ang posisyon para sa negosyo nila!

Alam nating mahirap ang buhay ngayon. Mataas ang presyo ng mga bilihin. Grabe na ang inflation. Ang bigas kahit minsan ‘di naman nagmura. Dapat solusyonan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng batas at patakaran.
Pero iyong ibang partylist naman, dinerekta na ang posisyon para sa negosyo nila! Ewan ko ba kung nalugi o anuman, pero dapat bang gamitin ang Kongreso para palaguin pa ang negosyo?
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
1. Sa panibagong Murang Kuryente Partylist, ang first nominee na si Arthur Yap, ay chairman ng Agrilever Philippines, isang higanteng insurance company. Dati rin siyang Bohol governor at dati ring nasangkot sa korupsiyon sa PhilRice! ‘Di kaya gustong magpalago naman sa utilities, para ‘di lang sa bukid nagpapayaman. Ang apat pang nominado naman nila, mga abogado sa law firm ni Yap. Ibang klase mga empleyado niya, kapag na-promote, nagiging nominee sa partylist!
2. Sumunod itong bago din na ARTE Partylist na para raw sa industriya ng damit at fashion. Ang first nominee na si Lloyd Peter Lee, asawa pa ng tsunami walker beauty queen na si Shamcey Supsup. Pamilya ng mga negosyante si Lee, kabilang ang malaking textile company na Shirtasia Apparel. Ang apat pang nominado naman nila, kasosyo niya sa iba’t ibang kompanya. Teka ano nga bang adbokasiya ng ARTE? Gawing mura ang damit at tela sa bansa o pagkakitaan ito?
3. Siyempre ‘di papahuli si Nanay Partylist, kung saan ang nominadong si Florabel Co Yatco, ang may-ari ng Florabel Group of Restaurants. Hindi na natin babanggitin kung anong kainan, malamang ‘di pa tayo nakapunta doon kasi pang sosyal ‘yan. Asawa niya, tropa at mga dating politiko ang kasamahan niya sa partylist. Magkakaroon din ba siya ng mamahaling restaurant sa Kamara?
Talaga namang pangmayaman ang pagtakbo sa eleksiyon at para sa higit na pagpapayaman lang ang puwesto!