Kahulugan ng sakses
Alam ko sa sarili ko na gusto ko magsulat. Mahal ko ang pagsusulat. Ang pangarap na pagdodoktor ay sa kanila. Ang pangarap ko ay maging peryodista.

“Puro passion! Hindi tayo mapapakain ng passion na ‘yan!”
Noong narinig ko ito sa isang pelikula ng KathNiel na “The How’s of Us,” may parte sa akin na sumang-ayon sa karakter ni Kathryn na si George. Biruin mo, nawalan na sila ng kuryente’t lahat, pagbabanda pa rin ang inaatupag ni Primo.
Pero nakisimpatya rin ako kay Primo dahil alam kong ginagawa niya ang lahat para bigyang kahulugan ang desisyon niyang magpatuloy sa pagbabanda.
Hindi ko alam kung kanino ko nakikita ang sarili ko sa dalawang karakter noon. Naging malinaw lang sa akin ito noong nagdedesisyon na ako sa kursong kukuhanin ko sa kolehiyo.
Mula pagkabata kasi, desidido na akong magdoktor o kahit ano mang kursong medikal, gaya ng nanay ko o ng mga tita at tito ko. Mas praktikal, mas maraming oportunidad, mas garantisadong may trabaho ako pagkagradweyt sabi nila.
Alam ko sa sarili ko na gusto ko magsulat. Mahal ko ang pagsusulat. Ang pangarap na pagdodoktor ay sa kanila. Ang pangarap ko ay maging peryodista.
Sa pagdedesisyon kong hindi kumuha ng kurso sa science, technology, engineering and mathematics—at sa pagbabalak na kumuha ng kursong peryodismo—napagtanto ko na baka nga may pagkakatulad pala ako sa karakter ni Primo.
Ang ipinangako ko sa aking pamilya, higit sa lahat, ay makakahanap agad ako ng trabaho. Sa kabila ng pagsang-ayon nila, hindi naman nakaligtas sa kritisismo ng iba ang desisyon ko. Saan naman daw ba ako pupulutin sa kurso ko?
Hindi na ito nakakagulat o nakapagtataka dahil base sa pananaw ng marami, ang sakses ay nakaayon sa kursong garantisado ang mataas na sahod.
Nangyayari rin na ang pag-aaral ay isang pribilehiyo sa reyalidad kahit pa karapatan talaga ito, kaya’t para sa maraming estudyante ang pagpili sa pagitan ng praktikalidad at pagkahumaling o passion ay nagiging usaping buhay at kamatayan—sa halip na isang malayang pagpapasya batay sa kanilang mga ninanais at pangarap.
Pagtungtong ko sa kolehiyo, madalas na pinagdidiinan ng mga propesor ko na sa kursong ito, hindi nakabubuhay ang sahod at delikado kung hindi pabor sa estado ang balita at kritisismo.
Minsan, nanghihinayang ang mga lola ko para sa akin. Ito rin ang dahilan kung bakit may pagkakataong iniisip ko kung tama nga ba ang landas na tinatahak ko o bugso lang ng damdamin ang aking desisyon.
Hindi ko labis maintindihan kung bakit mababa ang tingin ng ilang tao sa mga kurso o trabahong hindi nakaangkla sa siyensya, teknolohiya at matematika.
Sa paglabas ko sa aking oryentasyon at paglubog bilang peryodista sa pakikibaka ng masang anakpawis, tsaka ko nagagap na walang maling desisyon sa pagitan ng pratikalidad at passion.
Lahat tayo’y biktima ng komersiyalisadong sistema ng edukasyon na itinuturing na hindi praktikal o hindi produktibo sa ekonomiya ang mga kurso sa sining, humanidades at agham panlipunan. Isa itong sistemang ‘di prayoridad ang kasaysayan, sining, kultura, pampolitikang teorya at kritikal na pagsusuri ng lipunan.
Kaya bilang biktima ng ganitong edukasyon, hamon sa atin bilang mga estudyante na bakahin ang lipunang umiiral sa dikta ng kapital. Hindi dapat tayo makuntento sa diploma.
Bitbitin natin ang karunungang mapagpalaya at ipanalo ang interes ng masa. Isaisip na ang usapin ng praktikalidad at passion ay nakakawing sa mas malalim na krisis panlipunan at hindi lang natatali sa bulok na sistema ng edukasyon.
Dahil ang katotohanan, ang krisis sa lipunan ay nagpapatuloy para sa ating mga ordinaryong Pilipino. Malaon na tayong ninanakawan ng mga kapitalista bilang estudyante at manggagawa.
Kaya higit pa sa pagpili sa pagitan ng praktikalidad at passion, may mas malalim tayong tungkulin—ang harapin at labanan ang ugat ng ‘di pantay na lipunan.
Sapagkat ang tunay na sakses ay hindi nasusukat sa indibidwal na yaman o katayuan, kundi sa pagkakamit ng isang lipunang may pantay na karapatan, oportunidad at kalayaan ang lahat.