Main Story

Nang tumigil ang makina | Apat na makasaysayang araw ng welga sa Nexperia


Nagwelga ang mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. dahil sa pambabarat sa sahod at tangkang pagbuwag sa unyon. Tinapos ang welga sa ikaapat na araw, pero patuloy ang kanilang pakikibaka.

Sa loob ng apat na araw, hindi tunog ng makina ang umalingawngaw sa pabrika ng Nexperia Philippines Inc. sa Cabuyao City, Laguna, kundi sigaw ng mga manggagawa, “Welga kami!”

Hapon ng Mar. 5, ipinutok ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang welga laban sa pambabarat sa kanilang sahod at sa pagtatangkang buwagin ang 40 taon nilang unyon. Isa ito sa pinakamalaking welga sa Pilipinas sa nakalipas na dalawang dekada.

Sama-samang tumigil sa pagtatrabaho ang higit 1,800 manggagawa. Pinatay nila ang lahat ng makina sa loob ng pagawaan. Sa labas ng Light Industry Science Park I (LISP I), itinirik ang kanilang piketlayn.

“Ipinapaalala namin ngayon, kaming manggagawa ang may hawak ng makina!” pahayag ng unyon.

Ayon sa NPIWU, hindi na maatim ng mga manggagawa ang pambabastos sa kanila ng manedsment ng Nexperia.

Lampas isang taon na anilang iniipit ng kompanya ang negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Imbis na makipagkasundo, sinibak pa ang mga lider ng unyon at nagpatupad ng malawakang tanggalan.

“Dudurugin talaga ang unyon namin,” sabi ni Anida Rosas, 14 taon nang production operator sa Nexperia.

“Welga kami!” ang isinigaw ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. nang ipinutok nila ang welga nitong Mar. 5 sa loob ng pagawaan. Sabay-sabay na tumigil sila sa trabaho at pinatay ang mga makina sa loob ng planta. Engcoy Maria/NPIWU Facebook

Sa unang araw ng welga, ipinaputol ni Nexperia general manager Gareth Hughes ang suplay ng kuryente at tubig sa loob ng pabrika. Ipinatanggal niya rin ang lahat ng pagkain sa canteen.

Binarikadahan naman ng mga guwardiya ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang gate ng LISP I. Hindi pinapasok ang pagkain, tubig at gamot para sa mga nakawelgang manggagawa sa loob ng planta.

“Noong pangalawang araw, nahirapan na silang magpasok ng pagkain,” sabi ni Anida.

Pinagkasya nila ang natitirang pagkain sa daan-daang manggagawang nakawelga sa loob. Tinitiis rin nila ang naipupuslit na tubig mula sa kabilang gusali kahit “lasang goma.”

Dalawang manggagawa ang kinailangang dalhin sa ospital dahil sa apat na araw na pagharang ng Nexperia, PEZA at Philippine National Police sa pagpasok ng gamot para sa mga welgista. Isa naman ang natapyasan ng daliri nang pigilan ng guwardiyang abutin ang pagkain mula sa labas ng bakod ng pabrika.

Pero hindi natinag ang diwa ng mga manggagawa. Bago pa iputok ang welga, alam na nila kung bakit kailangang lumaban.

“Para sa mga pamilya namin kaya lumaban kami. Kasi sobra na ‘yong panggigipit. Hindi kami pinapakinggan,” sabi ng manggagawang si Jackie Paredes.

Humarap ang pamunuan ng NPIWU sa manedsment ng Nexperia at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Maynila para sa tangkaing plantsahin ang gusot sa CBA. Pero nagmatigas ang Nexperia noong umaga ng Miyerkules, kaya itinuloy ang welga.

Mula Enero 2024, higit 21 beses nang nakipagnegosasyon ang NPIWU para sa P50 na dagdag-sahod sa CBA. Pero nagmatigas ang Nexperia na P17 lang ang ibibigay sa mga manggagawa.

Apat na opisyales ng NPIWU ang tinangggal ng Nexperia, kabilang ang pangulo, pangalawang pangulo at board of directors ng unyon noong Disyembre 2024.

Bilang tugon, bumoto pabor sa pagwewelga ang mahigit 1,195 manggagawa sa ipinatawag na strike vote ng unyon noong Dis. 19.

Sa labas ng Light Industry Science Park (LISP) 1, itinayo naman ng iba pang manggagawa ng Nexperia, kasama ang iba pang grupo, ang piketlayn. Film Weekly

Noong Peb 5., nagpataw ng Assumption of Jurisdiction (AJ) si Labor Secretary Bienvenido Laguesma para awatin ang welga.

Ipinagbabawal nito ang pagsasagawa ng welga o paghinto ng produksiyon sa industriyang tinutukoy na “mahalaga sa pambansang interes” at pinahihintulutan ang armadong puwersa ng estado na manghimasok sa mga welga.

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), dati nang pinuna ng International Labour Organization (ILO) ang pagpapataw ng AJ dahil labag ito sa karapatan ng mga manggagawa na malayang mag-unyon at makipag-CBA, sang-ayon sa mga ILO Convention 87 at 98.

Itinuro ding nagbigay-lisensiya sa Hacienda Luisita Massacre ang pagpataw ng AJ ni dating Labor Secretary Patricia Sto. Tomas noong Nobyembre 2004.

“Kutsilyong nakatutok” sa kanila ang AJ ni Laguesma, ayon sa NPIWU. Nakipagsabwatan anila ang DOLE sa Nexperia para pigilan silang ipaglaban ang kanilang karapatang magwelga at tutulan ang “pambabarat, panggigipit at pagkitil sa kabuhayan ng mga manggagawa.”

Naglabas ng “return to work” order ang DOLE noong Mar. 7. Inuutusan nito ang unyon na itigil ang welga at bumalik na sa produksiyon. 

“Nang nagpasya kaming magwelga, simple lamang ang nais naming kamtin, ibalik ang apat na opisyales ng unyon. Nais din naming gawing makatao ng Nexperia ang alok nitong baryang P17,” sabi ng NPIWU.

Tinataya nilang higit P420 milyon ang nalilikhang tubo ng mga manggagawa para sa Nexperia kada araw. Kumikita ng $2.4 bilyon kada taon ang Nexperia, ayon sa website ng kompanya. Noong Hunyo 2024, namuhunan ito ng $200 milyon para sa pagpapalawak ng operasyon sa Europa.

“Grabe ang bilihin ngayon sobrang taas. Tapos P17 lang [ang alok ng Nexperia], ang laki-laki ng kita ng company namin,” sabi ni Joann Conchada, anim na taon pa lang na regular na manggagawa ng Nexperia.

Para kay Anida, makatuwiran lang na ibigay ang hiling nilang P50 na dagdag-sahod dahil mas pinabigat ng management ang kanilang trabaho.

“Dinagdagan yung makina namin na ino-operate. Dati, isang makina lang ‘yong ino-operate namin. Ngayon ini-insist nila na apat na makina ‘yong i-operate ng isang tao,” aniya.

Sa pangunguna ng Nexperia Phillippines Inc. Workers Union, matapang na nanindigan ang mga manggagawa laban sa pambabarat ng management at pagbubuwag sa unyon. NPIWU/Facebook

Target ng Nexperia na maabot ang isang manggagawa kada walong makina sa tinawag nitong “cost-optimization” na ayon sa National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (Naflu-KMU) ay pagbabawas ng gastos sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga manggagawa.

Mula 2023, umabot na sa higit 600 ang tinanggal na manggagawa ng Nexperia. Dahil ito sa “mga nawalang kakayahan noong 2023, at kasalukyang mga proseso at kondisyon ng merkado,” sabi ng tagapagsalita ng kompanya sa wikang Ingles sa isang panayam noong Oktubre.

Ayon sa Naflu-KMU, bahagi ito sa pagpaling ng kompaya sa automation o paggamit ng mas maunlad na teknolohiya gaya ng mga robot at artificial intelligence (AI) para makatipid at mapabilis ng produksiyon, kapalit ng kapakanan ng mga manggagawa.

Dahil sa tanggalan, nag-strike vote ang NPIWU at nakakuha ng 82% na botong pabor sa welga noong Hulyo 2024. Inatras ang planong welga dahil sa pangako ng Nexperia na bibigyan ng malaking separation pay ang mga natanggal, at ibabalik ang ilan, kasama ang mga opisyal ng unyon. Nangako rin itong wala nang tanggalan hanggang 2025.

“Halos patayin na kami sa loob. Inaabuso ‘yong katawan namin sa pagtatrabaho. Pahirapan ‘yong ginagawa sa amin, tapos sunod-sunod ang tanggalan,” sabi ni Cecile Diboso, 53 taong gulang na manggagawa ng Nexperia.

Mabuti na lang aniya, mayroon silang unyon kaya hindi sila lahat natanggal.

Kasama ang malawakang tanggalan sa nilalabanan ng NPIWU sa negosasyon sa CBA. Bahagi anila ito ng pakana ng management para tuluyang durugin ang unyon, na isa sa natitirang malaking unyon sa buong bansa. Ito rin ang isa sa pinakamatandang unyon sa Pilipinas.

Nasa 12.55% na lang ng mga may trabaho sa buong bansa ang kasapi ng mga unyon noong Setyembre 2024, ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler). Tinatayang 1.34% lang sa mga ito ang may CBA.

Noong 2014, tinangka nang buwagin ng Nexperia, noo’y NXP Semiconductors, ang unyon sa kasagsagan din ng CBA. Dumagundong sa loob at labas ng bansa ang araw-araw na protesta ng libo-libong manggagawa. Napilitan ang kompanya na ibalik ang 12 sa 24 tinanggal na lider-unyon.

“Ang unang company kasi niyan, Philips pa. Ibinenta, naging NXP. Binenta naman naging Nexperia. Marami kaming napagdaanan na manedsment. Ito lang manedsment ngayon na si Gareth ang pinakamalala,” kuwento ni Cecile na 23 taon na sa kompanya. 

Umabot sa P1.26 bilyon ang nawalang kita sa Nexperia dahil sa welga, ayon sa taya ng NPIWU sa target nitong produksiyon. Katumbas ito ng 7 milyong yunit ng hindi nalikhang microchip para sa mga kliyente kabilang ang Samsung, Huawei at Tesla.

Sa ikaapat na araw ng pagtigil ng mga makina, nakipagkasundo ang manedsment na ibigay ang P50 dagdag-sahod. Pumayag din itong ibalik sa trabaho ang pangulo at board of directors ng NPIWU, habang ibubukas naman sa negosasyon ang dalawa pang tinanggal na opisyal.

“Ako ang unang lumabas. Hindi ko ma-explain [ang pakiramdam] na nakalanghap ako ng hangin na sariwa. Tapos nakita ko ‘yong mga kasama ko na malayo pa lang naluluha na. Sobrang saya,” sabi ni Anida.

Mar. 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, tinapos ng mga manggagawa ng Nexperia ang makasaysayang welga.

Nagmartsang taas-kamao sa katirikan ng araw ang mga welgista palabas ng LISP I. Nagsabog ang nangingilid na mga luha sa pagsalubong ng mga kapwa manggagawa at tagasuporta.

“Tinatanaw natin ang sama-samang pagsasakripisyo ng lahat ng mga manggagawa na nagtaguyod ng welga sa loob, at nagtipon at nagtulong-tulong para sumuporta mula sa labas ng pagawaan,” pahayag ng unyon sa pagtatapos ng welga.

Binigo ng welga ang AJ ng DOLE at binasag sa “no union, no strike” policy ng PEZA, ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU.

“Inigpawan natin ang food at [medical] blockade, mga harassment, tangkang pagbuwag at lahat ng atake at pagpapahirap ng management,” aniya.

Natapos na ang welga, pero hindi pa tapos ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia.

“Walang panahon ng pahinga, kasi ang kapitalista ay hindi nagpapahinga para bawiin ‘yong mga napagtagumpayan na,” sabi ni Antonio Fajardo, pangalawang pangulo ng NPIWU.

 Patuloy aniya siyang lalaban para maibalik sa trabaho, dahil alam niyang walang batayan ang pagtanggal sa kanya ng Nexperia.

“Nawalan ka ng trabaho, ibig sabihin para kang pinatay. Wala kang gagawin kundi ilaban ‘yan. Ipagpatuloy hanggang maibalik,” aniya.

Maaari namang panagutin sa batas ang management ng Nexperia, PEZA, DOLE, PNP at pamahalaang lokal ng Cabuyao City dahil sa ipinatupad na food at medical blockade laban sa mga welgista.

“[Posibleng] i-file ay damages, bilang paglabag sa karapatan ng malaya pagpapahayag. Grave coercion, dahil ginawa ang ‘blockade’ para i-coerce ‘yong mga mangagawa na bitawan ang welga,” sabi ng abogadong si VJ Topacio ng Pro-Labor Legal Assistance Center.

Maaari din aniya silang kasuhan ng paglabag sa Occupational Safety and Health Law dahil tinanggalan ng mga batayang pangangailangan ang mga manggagawa sa loob ng pagawaan.

Sa mga susunod na araw, muling aandar ang mga makina sa pabrika ng Nexperia. Pero hindi matatabunan ng alingawngaw ng mga robot at conveyor ang nagpapatuloy na pagsigaw ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho at karapatan.