Para labanan ang pambabarat | Welga, ipinutok sa Nexperia 


“Tama lang na magwelga kami, sobra na ang pahirap nila. Dumadami ang trabaho namin pero binabarat kami. Makatarungan ang hinihingi namin,” ani Christian Malvar, manggagawa ng Nexperia.

“Welga kami!”

Ito ang isinigaw ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa pagputok ng kanilang welga nitong Mar. 5 sa loob ng pagawaan sa Light Industry and Science Park (LISP) 1 sa Cabuyao City, Laguna.

Ipinutok ang welga sa kabila ng ipinataw na Assumption of Jurisdiction (AJ) ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Peb. 5, na nagpapahintulot kay Secretary Bienvenido Laguesma na pigilan ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa.

“Tinutulak kami ng pambabalahura ng sabwatang DOLE [at] Nexperia. Wala kaming ibang aasahan pa kundi ang aming pagkakaisa, ang aming lakas sa porma ng welga,” sabi ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) sa isang pahayag.

Sa ikatlong conciliation noong umaga ng Mar. 5, muling binigo ng DOLE at Nexperia ang mga manggagawang nananawagan ng P50 dagdag-sahod at pagbabalik sa apat na opisyales ng unyon na tinanggal. 

Higit pa nilang binarat ang naunang katiting na P17 na alok ng kompanya na gagawin na umanong lump sum o isang bagsakan. Sa ganitong gana, mawawala ang retroactive pay o epekto ng dagdag-sahod sa mga fringe benefits tulad ng overtime pay.

Ayon kay NPIWU president Mary Ann Castillo, nilalabag nito ang dati nang napagkasunduan sa ground rules ng collective bargaining agreement (CBA).

Dagdag niya, higit na malulugi rin ang mga manggagawa lalo pa’t nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.

“Wala namang maaasahan sa gobyerno; wala namang itinutulong sa manggagawa. Kaya doon sa CBA namin kami umaasa, pero ginigipit kami at masyado kaming binabarat at parang inaalipusta ‘yong kakayahan ng mga manggagawa sa produksiyon samantalang ang mga manggagawa sa loob ang nagpapaganda ng performance ng aming planta,” sabi ni Castillo.

Mahigit isang taon nang gumugulong ang CBA sa pagitan ng NPIWU at Nexperia. Mahigit isang taon na ring ginigipit ng dambuhalang semiconductor company ang mga manggagawa sa sistematikong pagtatanggal sa mga opisyales at miyembro ng unyon. 

“Lahat ng pamamaraan, mula sa negosasyon, mediation, hanggang conciliation, ay ginawa na namin. Pero pambabarat at atake sa aming unyon ang tugon ng Nexperia management,” pahayag ng NPIWU.

Noong nakaraang taon, makasaysayang ipinanalo ng mga manggagawa ang botong “yes” sa strike voting. Ayon sa unyon, pagpapakita ito ng kahandaan ng mga manggagawa para ipaglaban ang kanilang karapatan.

“Tama lang na magwelga kami, sobra na ang pahirap nila. Dumadami ang trabaho namin pero binabarat kami. Makatarungan ang hinihingi namin,” ani Christian Malvar, manggagawa ng Nexperia na sumama sa welga.

Kasabay ng pagputok ng welga ng mga manggagawa ng Nexperia sa loob ng pagawaan, nagkasa rin ng mobilisasyon sa labas ng LISP 1 ang iba’t ibang grupo bilang pagpapakita ng suporta.

“Sa welga lang natin makakamtam ang dignidad na matagal nang pinagkakait sa’tin ng kapitalista at estado,” sabi ng Kilusang Mayo Uno sa isang pahayag.

Para naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia ay laban ng lahat ng manggagawang Pilipino na patuloy na nakakaranas ng kawalan ng seguridad sa trabaho, masahol na pasahod at paglabag sa karapatan sa pag-uunyon.

Nakiisa rin ang Gabriela sa panawagan na igalang ang karapatan ng mga manggagawa.

Anila, ang paggigiit ng karapatang mag-unyon at magkasa ng welga ay bahagi ng nagpapatuloy na kasaysayan ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis na nakaugat sa pakikibaka ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho at karapatan.

Patuloy na nanawagan ang mga manggagawa ng Nexperia na suportahan ng iba pang manggagawa mula sa iba’t ibang pagawaan sa bansa at iba pang sektor ang kanilang laban.