Muni at Suri

Pagmamahal at welga


Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ngayong taon, higit na makabuluhan ito para kay Helen at mga kasama sa Nexperia dahil sa pagtatagumpay ng welga.

Sa isang klase sa kritisismo, napahapyawan namin ang pelikulang “Third World Romance” (2023) ni Dwein Baltazar. Tungkol ito sa magkasintahang naghahanap-buhay bilang mga empleyado sa isang supermarket.

Kagaya ng lahat ng kuwento ng pag-ibig, may hinaharap na pagsubok ang magkasintahan. Sa pagkakataong ito, ito ang krisis sa paggawa—ang pananamantalang nagsasaanyo bilang kontraktuwalisasyon.

Cathartic ang tagpo sa pelikula ng pagsambulat ni Britney (Charlie Dizon) ng hinaing sa kanyang employer. Dito isinumbat ang mga panggagantso at pagmamalabis na dinaranas ng mga kontraktuwal na empleyado na nagpapagal sa grocery, habang kumportable sa air conditioned na opisina ang boss. 

Kapansin-pansin sa tagpong ito ang pagsasanib ng female rage sa pagpapahayag ng protesta sa materyal na kalagayan ng pambubusabos. Makabuluhan ang magkatambal na pagbalikwas ni Britney bilang babae at manggagawa, sa kabila ng heteronormatibong romansa na nagsisilbing padron o formula ng pelikula. 

Hindi nga ba’t ang anumang romansa sa Ikatlong Daigdig ay nakabigkis sa krisis pang-ekonomiya?

Sa isa sa mga profile na ipinost ng Mayday Multimedia, ipinakilala si Helen, manggagawa sa Nexperia sa Cabuyao City, Laguna.

Kasama siya sa mga naglunsad ng welga sa kompanyang ito, matapos ang malawakang lay-off simula pa noong Setyembre 2023 at paglabag ng kompanya sa collective bargaining agreement sa unyon.

Mahirap ang paglahok sa welga lalo na para sa mga kagaya ni Helen na may asawa at mga anak. Ngunit malinaw ang nagtutulak sa kanya sa pakikisangkot—ang pagmamahal sa kanyang pamilya at kapwa manggagawa. Naunawaan ito ng kanyang asawa na nagpasyang isama na rin ang buong pamilya sa welga.

Ngayong Buwan ng Kababaihan, ipinapakita sa atin ng halimbawa ni Helen ang magkakabigkis na mga pakikibakang hinaharap ng mga kababaihan. Nariyan, halimbawa, ang ekspektasyong domestiko, diskriminasyong pangkasarian at mga suliraning ekonomiko.

Sa pagpapasya ni Helen na sumama sa welga, matingkad ang pagpupunyaging pagtagumpayan ang mga ito. At sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ngayong taon, higit na makabuluhan ito para kay Helen at mga kasama sa Nexperia dahil sa pagtatagumpay ng welga.


Kaalinsabay ng pagkasa ng welga sa Nexperia, ginunita rin ang ikaapat na taon simula nang naganap ang “Bloody Sunday massacre” sa Calabarzon.

Sa serye ng operasyon sa ilalim ng rehimeng Duterte at Covid-19 lockdown, siyam na lider-aktibista ang pinaslang at hindi bababa sa apat ang inaresto noong Marso 2021.

Isa sa mga pinaslang ay si Chai Lemita-Evangelista, lider-aktibista sa hanay ng mga mangingisda, babae. Isang babae rin ang dinakip, si Nimfa Lanzanas, isang tanggol-karapatan.

Sa pagitan ng apat taon simula nang malagim na operasyong ito, walang ampat ang pandarahas sa Calabarzon.

Hindi ito kataka-taka dahil nagsisilbing sityo ang rehiyon ng matinding pananamantala dahil naglipana rito ang mga special economic zone at engklabong pinatatakbo ng mga kompanyang multinasyonal at transnasyonal.

Sa gayon, wala ring ampat ang pagpupunyagi at pakikibaka sa hanay ng mga manggagawa, sampu ng kababaihang kalahok sa paglaban.

Ang mga tagumpay sa pagtitirik ng picket line at paglulunsad ng welga sa Nexperia ay paaalala ng sigasig ng kilusang masa sa harap ng mga nakalatag na sakripisyo, balakid at dahas.