Rebolusyong agraryo
Susi ang rebolusyong agraryo para lutasin ang pangunahing problema ng masang magsasaka sa kanayunan—ang piyudal na pagsasamantala at ang kawalan ng sariling pag-aari sa lupang binubungkal.

Rebolusyong agraryo – Pagpapatupad sa kanayunan sa tatlong sangkap ng demokratikong rebolusyon ng bayan, kasabay ng paglulunsad ng armadong pakikibaka at ng pagbubuo ng mga baseng masa.
Susi ang rebolusyong agraryo para lutasin ang pangunahing problema ng masang magsasaka sa kanayunan—ang piyudal na pagsasamantala at ang kawalan ng sariling pag-aari sa lupang binubungkal.
May dalawang layunin ang rebolusyong agraryo: ang maksimum ay ang mapamahagi sa mga magsasaka ang mga lupa na kinamkam ng mga panginoong maylupa at sa minumum nama’y mabago ang hatian sa produksyon sa pagitan ng panginoong maylupa at ng mga magsasaka.
Sa kanayunan, sinusulong ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) ang rebolusyong agraryo katuwang ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang mga itinatatag na Organo ng Kapangyarihang Pampolitika na nagsisilbing binhi ng demokratikong gobyernong bayan. RA ang bumubuo sa rebolusyonaryong kilusang kontra-piyudal sa kanayunan.
Saklaw nito mula ang minimum na programa ng pagpapataas ng presyo ng produktong agrikultural at pagpapaba ng presyo ng kagamitan, hanggang sa maksimum na programa ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal.
Nagiging matagumpay lang ang kampanya para sa rebolusyong agraryo sa pamamagitan ng pagsalig ng masa sa BHB bilang tagapagtanggol nito habang binubuo ang malawak at malalim na kapangyarihang pampolitika sa kanayunan.
Ang kawalan ng lupa ng mga manggagawang agrikultural at magsasaka ay ang pangunahing dahilan ng armadong rebelyon sa Pilipinas. Malaking bahagi ng mga magsasaksa sa iba’t ibang dako ng bansa ay patuloy na kumakaharap sa katotohanan na wala silang sariling lupang ibinubungkal.
Ang kawalan ng tunay na repormang agraryo at ang patuloy na paghahari ng mga panginoong maylupa ang humahadlang upang mapasakamay ng mga magsasaka ang pagkakaroon ng sariling lupa.
Sa ilalim ng programa sa reporma sa lupa ni Ferdinand Marcos Jr. sa kasalukuyan, pang-uuto lang sa mga magsasaka ang serye ng pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa.
Walang ibang layunin ito kundi manloko at maibangon ang kanyang mabahong imahen sa publiko lalo higit sa hanay ng mga magsasaka. Hindi layunin nito ang pagbubuwag sa monopolyo sa pag-aari sa mga lupain at pagwawakas sa kapangyarihang pyudal ng mga panginoong maylupa sa kanayunan.
Ang pamamahagi ng lupa ay hindi libre na siyang nais ng gobyernong Marcos Jr. sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program, babayaran ng magsasaka ang lupa sa loob ng 30 taunang amortisasyon na may 6% interes kada taon sa Land Bank of the Philippines.
Ang taunang amortisasyon ay katumbas ng 5% ng abereyds na kabuuang halaga (gross) ng tatlong magkakasunod na anihan. Ang sinuman na hindi makabayad at umabot sa tatlong pinagsamang (aggregate) taon ay awtomatikong babawiin ang CLOA. Kapag binawi ang CLOA, mababalewala ang mga naunang naibayad na amortisasyon ng mga magsasaka.
Ang mga CLOA ay bahagi ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling, isang pinagsamang inisyatiba sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas at World Bank ayon sa Department of Agrarian Reform.
Nais lang ni Marcos Jr. na buhusan ng malamig na tubig ang nagpupuyos na pakikibaka ng masang magsasaka para sa lupa. Hindi malilimutan ng mga magsasaka ang sinapit nila sa kamay ng malupit na estado at mga armadong puwersa nito sa pamamaslang.
Laging ang mga magsasaka ang biktima ng kalupitan at karahasan ng estado at puwersa ng gobyerno sa pagtataguyod at pagtatanggol nito sa interes ng malalaking panginoong maylupa, burgesya komprador at dayuhang korporasyon.
Hanggang nanatiling gutom at hikahos ang mga lumilikha ng pagkain sa bansa, hanggang ang estado ng panginoong maylupa at malaking burgesya komprador ang nagpapatupad ng batas sa buong bansa, hanggang kontrolado ng mga burukrata kapitalista at mga usurero-komersyante-panginoong maylupa ang malalawak na lupaing agrikultural, hanggang nananatiling malapyudal ang moda ng produksiyon sa isang malakolonyal na estado, hindi lalalaya ang mga magbubukid mula sa pagsasamantala.
Hanggang kinakamkan ang mga lupain ng mga gahamang asendero, naghaharing-uri at dinadahas ang mga walang makain na mga nagtatanim at walang kalayaa’t katarungan, magpapatuloy at magpapatuloy ang pag-aalsa ng mga magsasaka sa kanayunan upang kamtin ang kanilang inaasam na kalayaan at tagumpay.