Sa biyahe, wala nang pagpipilian 

“Araw-araw nakabadyet lang ang pera kasama na sa [transportasyon],” sabi ni Kirsten Hannah Corral, isang mag-aaral. Numinipis daw ang badyet niya, lalo na’t tumataas na din ang presyo ng mga pang araw-araw na pangangailangan.

Mahigit limang taon nang sumasakay si Rebecca Rafel sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1). Sumasakay siya ng EDSA papuntang Baclaran para bumili ng mga ready-to-wear na damit para sa kanyang munting tindahan.

Gamit ang single journey ticket, P30 ang gastos ni Rafel sa LRT-1 kapag balikan. Sa darating na Abril, aabot na ito ng P40 dahil sa inaprubahang petisyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC). Para kay Rafel, ikalawang beses na itong naabutan na pagtaas ng pamasahe, ang huli ay noong 2023.

“Sobrang taas na ng pamasahe,” sabi ni Rafel.

Bagaman mayroon pa rin daw tira mula sa kanyang munting kabuhayan, hindi pa rin daw sapat ito lalo na sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. 

Nasa P6 hanggang P15 ang dagdag-pasahe sa LRT-1 sa Abril 2 ayon sa dokumentong inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) Rail Regulatory Unit.

Kung sasakay dulo sa dulo, mula Fernando Poe Jr. Station hanggang Dr. Santos Station, magbabayad na ng P60 ang mga pasahero na sa kasalukuyan ay P45 lang. 

Sabi ni LRMC spokesperson Jackie Gorospe, nauunawaan daw ng mga pasahero nila ang pagtaas ng pamasahe dahil kapalit naman nito ang pinagtibay na sistema at pagbibigay serbisyo sa publiko.

Pero para sa mga komyuter tulad ni Rafel, panibagong pasanin ang taas-presyo.

“Siguradong una sa lahat, masakit sa bulsa, at pangalawa, nakakasakit ng kalooban, kasi parang hanggang ngayon naman wala pa ring nagagawa tungkol sa mga problema at aberya ng LRT,” sabi ni Kirsten Hannah Corral na kasalukuyang iskolar sa Ateneo de Manila University.

“Araw-araw nakabadyet lang ang pera kasama na sa [transportasyon],” dagdag ni Corral. Numinipis daw ang badyet niya, lalo na’t tumataas na din ang presyo ng mga pang araw-araw na pangangailangan.

Sa datos ng LRMC noong nakaraang taon, higit 300,000 komyuter ang apektado ng taas-pasahe. Ayon sa PARA Advocates for Inclusive Transport, dagdag na P50 hanggang P500 ito sa buwanang gastusin ng isang manggagawang bumibiyahe ng anim na araw sa isang linggo. 

Sa pagtaas ng pamasahe sa tren, patuloy na lumalalim ang mga bulsa ng mga naglalakihang korporasyon

Ang LRMC ay joint venture o parang tambalan ng mga kompanya ng Metro Pacific Light Rail Corporation na pagmamay-ari ng Metro Pacific Investments Corporation ni Manuel V. Pangilinan, AC Infrastructure Holdings Corporation ng Ayala Corporation, Sumitomo Corporation at Macquarie Investments Holdings ng Philippine Investment Alliance for Infrastructure. 

“Patunay ang LRT-1 extension project sa kung paano nakadisenyo ang PPP (Public-Private Partnership) para garantisado ang kikitain ng mga korporasyon, hindi para masigurado ang dekalidad at abot-kayang serbisyo,” sabi ng independent think tank na Ibon Foundation sa tasa nila mula pa noong 2014.

Pumasok ang LRMC, DOTr at Light Rail Transit Authority sa isang 32 taong concession agreement. Dahil dito, lumalabas na gumastos ng higit P30 bilyon ang LRMC para sa ekstensiyon at bilyon pa para sa operasyon at maintenance ng LRT-1. Pero higit P34 bilyon ang pondo na sagot ng pondong pampubliko.

Dagdag pa dito ayon sa Ibon Foundation ang ipinangako noon ng administrasyon ni Benigno Aquino III na sasagutin ng gobyerno P64 bilyon sa real property tax. “Lumalabas ito na tax exemption para sa [LRMC],” paliwanag nila.

Sa madaling sabi, inaalagaan ang garantisadong kita ng naglalakihang korporasyon sa pamamagitan ng pondong pampubliko.

Ayon kay LRMC president Enrico Benipayo, ikinalulugod ng kompanya ang pag-apruba ng DOTr sa taas-pasahe dahil ang pampublikong transportasyon ay isang serbisyo na nangangailangan ng patuloy na pamumuhunan.

“Kung ang mga bansa nga na may world-class na sistema ng transportasyon tulad ng Singapore at Japan, may fare hike para regular na napagbubuti ang kalidad at kaligtasan ng operasyon,” sabi pa niya.

Bagaman naaprubahan ang taas-pasahe noong 2023, nagtamo pa rin daw ng mahigit P2.17 bilyon na fare deficit ang korporasyon.

Mas mababa pa rin daw ang itinaas kaysa sa petisyon ng LRMC, naging sanhi ng pagkalugi ng LRMC sa pagtatantiya ng taunang kita ng tren. Kung hindi umano itataas ang pamasahe, direkta daw nitong maapektuhan ang pagtatayo ng Phase 2 at 3 ng Cavite Extension.

Bumuwelta naman ang Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki Network). Anila, malinaw na pinapaibabaw ang kahalagahan ng garantisadong kita ng korporasyon kaysa serbisyo publiko.

Patunay umano ang taas-pasahe ng LRT at iba pang panukala sa “kapalpakan ng sistema ng transportasyon.”

Kasama anila dito ang planong pribatisasyon ng EDSA Bus Carousel at phase out ng tradisyonal na mga dyip pabor sa mga modernong dyip na pinopondohan ng malaking korporasyon.

“Kung ‘di lang ubod ng traffic, baka sa jeep na lang mauwi mga iskolar, pero dapat ba talaga maging ‘luxury’ ang ganito ka-basic na bagay?” ani Corral.