Sagot kay Harry Roque: Hindi para sa mga pasista ang asylum


Kinondena ng mga Pilipinong migrante at refugee sa The Netherlands ang kagustuhan ni Harry Roque na magkaroon ng asylum sa nasabing bansa at sinabing “insulto” ito sa mga tunay na nangangailangan.

Kinondena ng mga tanggol-karapatan, overseas Filipino worker (OFW) at iba pang Pilipinong refugee sa The Netherlands ang paghahanda ni dating presidential spokesperson Harry Roque ng aplikasyon para sa political asylum sa nasabing bansa.

Sa labas ng International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands, nagprotesta nitong Mar. 18 ang mga OFW kasama ng iba pang progresibong grupo upang muling kondenahin si Duterte at aplikasyon ni Roque para sa asylum.

Giit ng mga nagtipon, “insulto” sa mga tunay na nangangailangan ng tulong para maging refugee.

Ayon sa grupong Pinay sa Holland, ang “drama na ito ni Roque bilang lead actor ay [insulto] sa milyong Pilipino na humaharap sa totoong mga banta sa buhay habang nakikipaglaban para sa tunay na pagbabago.”

Kahapon sa isang online press conference, nag-anunsiyo ang dating opisyal ni Duterte na pormal na mag-susumite ng aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands.

Sagot naman ni Patricia Enriquez, isang OFW at miyembro ng Pinay sa Holland, “Hindi basta-basta nadadaan sa appeal to emotion ang batas. Hindi po personality politics ang pinaglalaban natin, kundi hustisya para sa mga pinatay sa ilalim ni Duterte.”

Ang pagkuha ng asylum sa ibang bansa ay ginagawa ng mga indibidwal na kumakaharap sa ‘di makatuwirang banta sa kanilang buhay dahil sa kalagayang pampolitika. Ang mga nakakakuha nito’y tinatawag na refugee, mga sapilitang lumikas dahil sa panganib kahit pa wala silang krimen.

May arrest warrant para kay Roque na inilabas ang Kamara matapos siya sumalang sa mga hearing noong nakaraang taon dahil sa papel niya sa mga anomalya sa Philippine offshore gaming operator kasama ni Alice Guo.

“Pagtatawanan ang sinumang seseryoso sa postura ni Roque na biktima ng ‘di makatuwirang pag-uusig,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

“Ang totoong dapat bigyan ng asylum ay mga taong may kinakaharap na paglabag sa kanilang karapatan sa sarili nilang bansa. Si Roque ay kilalang oportunista at kasabwat ng mga mamamatay-tao gaya ni Duterte at sa gayon walang karapat-dapat na asylum para sa kanya saanmang bansa,” dagdag ni Palabay.

Sa The Netherlands, may komunidad ng mga Pilipinong ginawaran ng asylum. Marami sa kanila ay mga miyembro ng National Democratic Front of the Philippines o mga rebolusyonaryong nagsulong ng demokratikong pakikibaka.

Ang iba pa sa kanila, napunta sa The Netherlands dahil sa banta sa buhay nila noong martial law o biktima ng pampolitikang panunupil ng mga nagdaang administrasyon.