Rebyu

Silang mga pinagtatagpo sa ‘Isabela’ ni Kaisa Aquino


Inilalarawan sa nobela kung papaano iniluluwal at hinuhubog ang mga buhay sa loob ng tatlong dekadang pag-iral sa armadong digmaan sa kanyang probinsiya.

“Mahirap basahin ang mga kuwentong binabasa ka,” minsang tugon sa akin ni Josh, karelasyon ko ng limang taon, habang pinaguusapan ang pagbabasa sa mga akdang progresibo’t rebolusyunaryo na nakasentro sa buhay ng mga nasa uring magsasaka at petiburges. Malimit na tinatalupan ng realismo ng mga kwentong ito ang sapin-saping balat ng mga karakter upang ipakita ang kaibuturan ng mga udyok ng kanilang pag-iral sa lipunang nasa pamalagiang krisis at pagbabago. 

May sadyang lapit ang mga buhay ng mga karakter na ito sa mga tulad ko/naming nasa siklo ng minsang buong-panahong pagkilos, at minsang pagpapahinga’t pananatiling nakatanghod sa gilid, na ang pagpasok sa mundo ng akda ay maaaring maging pananalamin at pagpuna sa repleksyon ng mga sariling pagpapasya. 

Dumadalaw ang mga palaisipang ito habang binabasa ko ang nobelang “Isabela” ni Kaisa Aquino. Sa walong kabanatang maaari ring tignan bilang hiwalay ngunit magkakaugnay na mga kuwento, inilalarawan niya kung papaano iniluluwal at hinuhubog ang mga buhay sa loob ng tatlong dekadang pag-iral sa armadong digmaan sa kanyang probinsiya.

Sa mga naratibong ginalugad ni Aquino pinakanakatawag ng pansin sa akin ang malimit na paggamit ni niya (sa pamamagitan ng kanyang mga narrator) sa salitang “cadre” o “kadre” upang tumukoy sa kanyang mga tauhang nakikisangkot.

Ginamit ang kadre sa nobela upang tumukoy sa isang mas nakatatandang hukbong gagap ang halaga ng kaligayahan para sa mga maliliit na bagay sa loob ng sona. Ginamit din ito bilag tawag sa grupong pinuntahan ng isang batang babaeng inulila ng mga militar matapos ang paglalakad ng halos apat na oras. Sa isa pang kabanata, ginamit rin ang kadre upang tumukoy sa mga hukbong hinaharap ang ligalig sa loob ng kilusan sa panahon ng disoryentasyon.

Kung bubuorin, ginamit ni Aquino ang salitang kadre upang ipakita (1) ang simpleng pamumuhay ng mga rebolusyunaryo, (2) ang sakripisyong ginagawa nila para sa rebolusyon at (3) ang kanilang diwang palaban sa harap ng kahirapan at kamatayan. Di kataka-takang nangungusap ang mga ito sa isa sa mga talumpati ni Mao Zedong na bahagi ng librong “Araling Aktibista” ng Pambansa Demokratikong Kilusan. 

Sa mga kilusang sosyalista/komunista, inilalarawan ng salitang kadre ang mataas na antas ng pakikisangkot ng indibidwal. Ginagamit ang salita ng mga lider-komunista sa loob ng mga rebolusyunaryong organisasyon (hal. “Mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura” ni Jose Maria Sison), maging ng ilang teorista ng kilusang rebolusyunaryo (hal. “GERA and Its Readers: Or, the Cadre versus the Academic” ni Edel Garcellano) upang ipakita ang mahalagang papel ng kadre sa kilusan at, sa ilang pagkakataon, upang ilarawan ang kaibahan ng kahulugan nito sa di-kadre. 

Bagaman mahalaga ang gamit nito sa loob ng mga rebolusyunaryong organisasyon, lalo na sa pagdederehe ng mga gawaing pampulitika, ng pagtatakda sa mga lugar (komitment, reponsibilidad, etc.) na kailangan tagpuin ng rebolusyunaryo, hindi nito lubos na nahuhuli ang buhay na dialektikal na relasyon sa loob ng kilusan kung wala ang kabiyak na proseso ng pagtagpo rin ng organisasyon sa indibidwal. Dito, sa tingin ko, nagiging mabisa ang gamit ng salitang “comrade” o “kasama.”

Sa pyudal na kaayusan ng bansa, umusbong ang salitang kasama bilang tawag sa mga magsasakang nangungupahan ng lupa. Malao’y makikita ang paggamit ng salitang ito bilang katumbas sa Tagalog ng comrade/tovarishch/tongzhi ng internasyonal na kilusang sosyalista/komunista.

Ayon kay Neferti Tadiar, hiniram ng bagong tatag na Communist Party of the Philippines ang subjectivity ng uring pesante upang ipakilala ang suri, pananaw at paninindigan ng kilusan. Sa ganang ito maaaring tignan ang pagdaloy ng salitang kasama sa dila ng mga rebolusyunaryo hindi upang magtawag-pansin sa kanilang abang kalagayan kundi upang ipakita ang relasyon nilang binabago ang mga kondisyong ito.

Sa Isabela, ginamit ni Aquino ang salitang kasama sa pinaikli nitong porma bilang Ka o Kas upang (1) ipakilala ang iisang pagkakakilalan ng tumatawag sa tinatawag niyang pangalan (Ka Abel, Ka Julia) at (2) bilang panghalip sa pangalan ng kanyang mga tauhang nakikisangkot (Kas). Liban dito ay ginamit ni Aquino ang salita upang ipakita ang relasyon ni Ka Julia, ang sentral na sugatang babaeng karakter ng nobela, sa mga tao na kanyang tinatangi.

He walked haltingly as he carried a large sack on his back, where robust leaves and big petals of orchids protruded. There were flowers. It was Raphael Abaya. Apa. Kasama. (178)

But here, I was their instructor, their teacher…I was their friend. They were our comrades. What we had going was important. (180)

Itinuturo ng unang sipi ang malalim na relasyon ng pagiging kasama na nagpapagaan sa mga literal at metaporikal na dalahin ng mga kadre. Kadugtong nito ang nasa ikalawang sipi na ugnayang umuusbong sa gamit ng salitang kasama hindi na lamang sa hanay nilang mga nasa hukbo kundi maging ng relasyon ng hukbo sa masang minumulat nito—kaugnay ng sinasabi ni Tadiar na identipikasyon ng (petiburges na) rebolusyunaryo kasama ng masa sa mga sosyalista-realistang akda. 

Sa mga pagkakataong ito pinakalitaw ang sinasabi ni Jodi Dean ukol sa comradeship/ pagiging kasama bilang isang pampulitikang relasyong sa pagitan ng mga indibidwal na nasa iisang panig ng pakikibaka. Sa pakahulugan ni Dean, diniin niya ang pagkakapareho bilang aspekto ng pagiging kasama—isang pagbubuklod na nangangahulugan din ng dibisyon, at naipapatupad lamang sa loob ng kolektibong buhay ng partido.

Ibig sabihin, ani Dean, rekisitos sa pagiging kasama ang pagpapaloob nang buo at lubos sa panig ng rebolusyon at ng partidong nagsusulong nito (na di nalalayo sa kahingian ng pagiging kadre). Ngunit di isinasaalang-alang ng ganitong pagpapakahulugan ang mga lumang relasyon (di-proletaryado/di-reboluyunaryo) na kabiyak, kakiskisan ng “pagiging kasama” sa prosesong tumutunton sa mga bagong relasyon sa loob at labas ng kilusan. 

Ani Laurence Marvin Castiilo, mahalagang kilalanin ang mga lumang relasyon sa pag-intindi sa relasyon sa pagitan ng mga indibwal na sumusubok lumikha ng bagong kaayusan upang lubos na maintindihan di lamang ang paghaharaya at pagsasapraktika nila sa ideya ng pagiging kasama kundi maging ang mga gawaing pang-organisasyon sa loob ng kilusang rebolusyunaryo.

Sumusuhay dito ang Isabela sa pagdidiing posible ang relasyon ng pagiging kasama sa pagitan ng isang kadre at ng isang karakter na maaaring sabihin ni Dean na “bystander”, sa prosesong pilit na nilalagpasan ang pyudal/ familial para sa isang bago o binabagong relasyon. Binigyang mukha ito ni Aquino sa kabanata tungkol kina Issey at Balong at sa nakababatang kapatid ng huli na si Belay. 

Si Balong ay ang kadreng kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa. Si Issey naman ay ang kasabayang aktibista niya sa kolehiyo na siyang tulay ngayon sa muling pagtatagpo ni Balong at ng kapatid nitong si Belay matapos ang tatlong dekadang di pagkikita. Sa isa sa mga usapan ng dalawang babae sumagi kay Belay ang nagtatalong imahe, ng bago at lumang Balong, na sabay na umiiral sa kanyang isip:

It felt strange to hear these grand things about Balong, all martyred and canonized in Issey’s stories…If I wanted, I could talk about the Balong I knew too…I had lost Balong now, to the revolution…and yet I will always have with me a part of the Balong I knew, the one who knew me, the boy whom I had grown up with. (117-118)

Ngunit ano nga ba ang indibidwal kundi ang suma ng kanyang mga pagpapasya? Nawawala bang lubos ang bakas ng mga lumang ikaw dahil sa mga (bagong) bagay na iyong pinili? Sinagot rin ito sa kabanata, sa pamamagitan pa rin ni Belay, nang makita niyang ginamit ni Issey ang relasyon niya sa pinanggalingang pamilya (na kroni ng dating diktador) upang mabisita nilang dalawa si Balong.

Sa matagalang proseso ng digmaan, may bahid pa rin ng kanilang mga uring pinagmulan maging ang mga taong nakikisangkot, maging ang mga itinuturing nang kadre. Hindi ito kabawasan sa kanilang komitment kundi materyal na kondisyong kailangan isaalang-alang upang higit na magalugad ang komplikadong mundo ng paglulunsad ng rebolusyon. 

Kung gayon, si Belay sa huling bahagi ng kabanata, na ngayo’y nagpasyang kitain ang kapatid, ay ang Belay rin ng kanyang kabataan na sa murang edad ay namulat sa kahirapan ng kanilang mga kasama (magsasaka) at sa proseso ng pagtanda ay patuloy na pumili upang dumulo sa nabanggit na pagtatagpo. Maaaring tignang marker ng patuloy na pagkamulat niya ang binanggit sa nobela na pakikisangkot ng akademikong si Belay sa komemorasyon sa buhay ni Flor Contemplacion habang siya ay nasa Hong Kong pa.

Malinaw na nagpasyang bumalik sa Pilipinas si Belay hiindi lamang para bumalik sa isang lumang kompigurasyon ng mundo kundi upang kilalanin kung papaano humantong ang mga bagay sa kasalukuyan, sa umuugong na kakagyatan ng ngayon: 

Somewhere, a lifetime ago, a bell was ringing. Somewhere, in the ghost of our past, the sun was setting. Here, where it was real, and when it mattered, I took my own step and walked to meet him halfway. (126)

Sa kakagyatang ito naipapakita ang udyok ng transpormasyon ng luma patungo sa isang bago/binabagong relasyon. Kabawasan bang maituturing ang pyudal/familial na relasyon ni Belay at Balong kung tungtungan ito para sa pagpapalaya sa huli (na isang gawaing progresibo/ rebolusyunaryo)? Nais kong tignan na ang bago/binabagong relasyong ito ay binhi na ng pagiging kasama, kung hindi man ay lantay na pagiging kasama. 

Sa Isabela, tulad ng ibang mga naratibo ng pakikibaka, ipinakita ni Aquino ang mga pagtatagpong sumusuma sa relasyon ng mga taong kasangkot dito—mga relasyon na sa panig ng rebolusyon ay maaaring tignan sa gamit at halaga ng mga salitang kadre at kasama. 

Ang una’y nagdidiin kung saan kailangan tagpuin ng indibidwal ang rebolusyon—na nagpapakilala sa disiplinang bakal ng isang partido. Malinaw nitong sinasabi: dito tayo magtatagpo. Ang huli nama’y nagbubukas sa posibilidad ng pagkabig sa indibidwal upang magsilbi sa rebolusyon—prinsipyo na sa aktwal ay ang linya sa uri ng itinatakda rin ng nasabing partido. Magaang tanong naman ang imbitasyon nito: saan tayo magtatagpo?

Sa pagitan ng dalawa nagiging malinaw ang bisa ng pag-iral ng nobelang Isabela. Ipinapakita ng mga akdang tulad nito na sa harap ng palagiang krisis at pagbabago, kapwa ng lipunan at ng indibidwal, nananatili ang mga kondisyong nagtutulak upang maging at/o gawing posible ang rebolusyon—isang bukas na bintanang sa aming mga nakatanghod ay naghahamon, nang-aanyaya.