Tuloy ang kritikal na peryodismo sa ‘Presinto Uno at Iba Pang Kuwento sa Bingit’
Ngayong tumitindi pa ang mga atake sa mamamayan, lalo sa mga alagad ng midya, nagsisilbing panandang bato ang libro ni Kenneth Roland Guda.
Noong 2016, inilathala ang “Peryodismo sa Bingit: Mga Naratibong Ulat sa Panahon ng Digmaan at Krisis” ni Kenneth Roland Guda, isang premyadong mamamahayag at dating editor-in-chief ng Pinoy Weekly.
Sa naturang koleksiyon ng mga akda na unang inilathala ng pahayagan noong 2004 hanggang 2014, pinalakas ni Guda ang boses ng mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at iba pang ineetsapuwera ng dominanteng midya at pinatatahimik ng gobyerno.
Mahusay niyang siniyasat at iniulat ang mga kuwento sa likod ng mga kuwento ng mga Pilipinong palaging nasa bingit—ng kamatayan, ng kagutuman o ng karahasan ng estado’t makapangyarihan.
Ngayon, nasa bingit pa rin ang bansa at mga Pilipino. Tumindi pa lalo ang mga pangyayari mula noong mailathala ang unang libro ni Guda. Nariyan ang madugong extrajudicial killing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, pagdami ng bilang ng kaso ng politikal na pagpaslang, kaliwa’t kanang pagpapalayas sa mga komunidad sa lungsod at kanayunan, kriminal na kapabayaan sa gitna ng pandemya at mga sakuna, pagbabalik ng mga Marcos sa posisyon at marami pa.
Nangangailangan ng kritikal na pagtatala ng mga ito.
Dito papasok ang kahalagahan ng ikalawang libro ni Guda na “Presinto Uno at Iba Pang Kuwento sa Bingit” na inilathala kamakailan ng University of the Philippines Press.
Halos pagpapatuloy ng nasimulang adbokasiya ang pangalawang koleksiyon ni Guda. Tampok pa rin dito ang mga naratibong ulat, na kalakhan unang nailathala sa Pinoy Weekly, tungkol sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan. Pero sa pagkakataong ito, nakatuon sa isang panahon ng kasaysayan ang mga kuwento, sa panahon ng pamumuno ni Duterte.
Kabilang dito ang istorya ng mga biktima ng Oplan Tokhang at ng mga abusadong pulis ng Presinto Uno sa Tondo, Maynila; mga maralitang taga-Sitio San Roque na matagal nang pinapalayas; mga aktibistang pinuntirya ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert; mga estudyanteng Lumad na tinataboy at pinapaslang ng militar; mga manggagawa ng NutriAsia at Peerless Products Manufacturing Corp. (Pepmaco) na nagwelga; at iba pa.
Bagaman mabigat ang mga tinatalakay na isyu, madaling basahin ang mga akda ni Guda. Patunay ito ng mahabang karanasan niya bilang progresibong mamamahayag sa wikang Filipino.
Sadya siyang gumagamit ng payak na mga salita at mas pinaiiksi pa ang mga pangungusap para madaling maintindihan ng mga mambabasa. Malamang, batid niyang ganito rin ang pang-araw-araw na gamit sa wika ng karaniwang Pilipino.
Idagdag pa ang paraan ng kanyang pagkukuwento na palaging nasa perspektibo ng mga ineetsapuwera. Tila hinahayaan lang niyang maging plataporma siya ng mga nakausap na case studies para maglahad ng kuwento at katotohanan.
Pero naiiba ang pangalawang libro ni Guda sa una dahil ipinakita rito na siya, ang mismong manunulat, ay apektado rin ng palpak na programang pangkaunlaran.
Sa isang istorya, matalinong naikuwento at naidugtong niya ang personal na karanasan sa simpleng pagdaan sa kanto ng Magsaysay Avenue at riles ng Philippine National Railways (PNR) sa mas malaking larawan at isyu kaugnay ng pagtatayo ng NLEX-SLEX Connector Road sa bahagi ng Sta. Mesa at Sampaloc sa Maynila.
Kakatwa aniya ito dahil “magiging sapin-sapin na linya ng transportasyon dito: sa pinaka-ibaba, ang PNR. Sa ibabaw ng PNR, ang expressway. At sa ibabaw ng expressway, ang LRT-2.”
Bukod dito, isinama rin ni Guda ang ilan sa dati nang nakober. Halimbawa ang kuwento nina Erlinda Cadapan at Connie Empeño, mga ina ng desaparacidos na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Patotoo ito na wala pa ring hustisya magpahanggang ngayon.
Sa isang banda, magbibigay ng lakas ng loob din ito sa mga kaanak ng iba pang biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao para patuloy na lumaban at hindi bumitaw sa paniniwala.
Ipinapakita rin nito ang kaibahan ni Guda sa ilang mamamahayag, partikular sa dominanteng midya, dahil hindi niya basta-bastang binibitawan ang mga kuwento at taong nakakausap.
Lantad ang pagmamalasakit niya, bagay na marahil ikatataas ng kilay ng ilang propesor sa peryodismo na nagsasabing dapat may distansiya sa pagitan ng mamamahayag at source.
Ngayong tumitindi pa ang mga atake sa mamamayan, lalo sa mga alagad ng midya, nagsisilbing panandang bato ang libro ni Guda.
Kinumpiska ng mga pulis ang daan-daang kopya ng Pinoy Weekly sa Pandi, Bulacan noong panahon miitaristang Covid-19 lockdown ni Duterte at blocked pa rin ngayon sa loob ng Pilipinas ang website ng pahayagan dahil sa walang batayang paratang na “terorista” o “nagsusulong ng terorismo.”
Sa kabila ng nito, nagsusulat at naglalatha ng kritikal na mga istorya si Guda at mga katulad niyang progresibong peryodista’t manunulat.