Rebyu

Patunay ni Tonylavs sa pagdurusa at pag-ibig


Puwedeng basahin ang libro bilang palatandaan na malaman at masaya ang buhay na alay sa pagpapabuti ng Pilipinas.

“I‘m also proud of being Filipino because of the way we deal with suffering.”

Mula ang linyang ito sa isang bidyo noong 2012 kung saan ipapakila sa loob ng isang simpleng opisina na puno ng libro si Antonio G.M. La Viña, Dean ng Ateneo School of Government at “Pinoy Changemaker.” Ngayon, kilala siya sa iba’t ibang opisina at komunidad bilang Dean Tony kahit ‘di na siya dean, marahil dahil guro at gabay pa rin siya para sa marami. 

Sabi niya doon sa lumang panayam na alam ng Pinoy paano harapin ang pagdurusa. Higit sa isang dekada mula noon, itatala ni Dean Tony sa kanyang librong “Ransomed by Love” ang sabi niyang “maraming pagdurusa na pinagdaanan o pinasimulan niya,” kasama ng laksa-laksang personal at panlipunang mga pagsubok. 

Ang nagtatahi sa lahat ng ito, mula titulo ng libro hanggang sa huling pahina, ang pag-ibig sa Diyos, sa bayan at pamilya na sabi niya’y naging sandigan at lakas niya. Mula mismo sa kanyang personal journal, itinala sa Ingles ni Dean Tony ang pag-asa na “Balang araw magiging masayahing bansa ang Pilipinas, puno ng buhay at pag-ibig.” Bahagi ito ng Chapter 11 ng libro, ang unang chapter na laan sa kanyang biyahe bilang human rights lawyer.

Puwedeng basahin ang libro bilang palatandaan na malaman at masaya ang buhay na alay sa pagpapabuti ng Pilipinas. Nagsasalit-salit ang mga personal detalye at mga pangyayaring yumanig sa kasaysayan ng bansa at ng mundo. Kuha sa libro ang pagtindig ni Dean Tony laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., ang kanyang pagiging abogado at katuwang ng mga inaapi tulad ng mga tanggol-kalikasan at mga Lumad, at ang kanyang panghihikayat sa daan-daang naging estudyante, na tulad niya, mainam na mahalin ring tunay sa inang bayan. 

Isa ang pagiging guro sa mga piniling landas ni Dean Tony—isa sa marami, kung pagbabasehan ang walong yugto at 51 na kabanata ng libro. “Ang bawat daan ay tulay sa marami pang iba,” sabi nga niya sa libro. Puwede ring basahin ang akda niya bilang tala ng paglalakbay ng isang anak ng Mindanao mula Cagayan de Oro patungo sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at ng mundo.

Nakasulat ang ikaapat na yugto na “Global Citizen” na parang isang malaman na photo album na puno ng iba’t ibang tanawin tulad ng kalipunan mga leon at giraffe sa Nairobi Park sa Kenya, isang bansa sa silangang Africa, at ang kabigha-bighaning dapithapon sa Guaiba, Rio Grande do Sul sa Brazil. Sa yugto na ito at sa buong libro, tampok ang mga kilalang personalidad na katuwang ni Dean Tony sa mga pagpupursigi sa kanyang maraming adbokasiya. Sila at ang kanyang pamilya.

Kaya puwedeng tingnan ang libro bilang isang mahabang love letter sa kanyang pinakamamahal na asawa at kapwa tanggol-karapatan na si Titay, sa kanyang mga anak, sa lahat ng naging bahagi ng kanyang buhay, at higit sa lahat, sa Diyos. Siguradong mararamdaman ng mambabasa ang masidhing pag-ibig sa ilang kabanata tungkol sa love story nila ni Titay, at sa kabanata tungkol sa laban sa cancer ni Dean Tony.

Mabigat ang mga reyalisasyong isinulat niya sa mga panahong nanaig ang pagdurusa. Wala ngang madali sa buhay at sa pag-ibig—isang katotohanan na paulit-ulit mababasa sa kanyang mga kuwento ng “solitude and solidarity” o pag-iisa at pakikiisa.

Sa kabuuan, nanunuot sa pagpapasalamat ang libro sa puntong nahihikayat nito ang mambabasa na magtabi rin ng kahit munting pasasalamat para sa iba. Dahil ito, at ang pagkataong nagbibigkis sa atin, ang mapagkukunan ng lakas sa araw-araw. Sabi nga ni Dean Tony at ng mga kabataan na kasama sa raling iglap (kakaiba at kahanga-hanga) sa kanyang book launch, hindi pa tapos ang laban.