Balikatan 2025, kinondena ng mga progresibo
“Walang pakinabang ang Balikatan liban sa pag-abante ng heopolitikal na interes ng US habang pataksil na nagsisinungaling ang mga kurakot na opisyal na kailangan ito upang imodernisa ang ating depensa,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan sa wikang Ingles.

Sa pagsisimula ng Balikatan joint military exercises nitong Abril 21, nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa harap ng Camp Aguinaldo sa Quezon City sa pagkondena sa patuloy na panghihimasok ng militar ng United States (US) sa Pilipinas at rehiyong Indo-Pasipiko. Ito ang ika-40 Balikatan mula nang ratipikahan ng Senado ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1999.
Sa 14,000 kalahok sa Balikatan ngayong taon, 9,000 dito ang sundalong Amerikano. Kabilang din sa pagsasanay ang mga sundalo mula Australia at Japan, habang may 19 na bansang observer tulad ng Canada, Colombia, Czechia, Germany, Poland at United Kingdom.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), lubhang magastos, nakagagambala sa lokal na populasyon at banta sa pambansang seguridad, bukod sa labag sa soberanya ng Pilipinas, ang nasabing ehersisyong militar.
“Walang pakinabang ang Balikatan liban sa pag-abante ng heopolitikal na interes ng US habang pataksil na nagsisinungaling ang mga kurakot na opisyal na kailangan ito upang imodernisa ang ating depensa,” pahayag ng Bayan sa wikang Ingles.
Aabot sa $500 milyon ang tulong militar ng US sa Pilipinas na “mapupunta lang sa bulsa ng mga kurakot na heneral at negosyante ng armas,” ani Makabayan Coalition senatorial candidate at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos.
Kinondena rin ni Ramos ang pagbabawal sa mga mangingisdang Pilipino na pumalaot sa mga karagatan na may maritime exercise at panghaharang sa mga magsasaka sa kanilang bukid na malapit sa mga kampo militar kung saan isinasagawa ang Balikatan.
Sa bidyong kuha ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson, makikitang sunod-sunod ang pagdaan sa himpapawid ng mga eroplanong pandigma na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga residente.
Sa pahayag ng Maritime Rotational Force-Darwin (MRF-D) ng US Marine Corps, nakapagreposisyon na sila ng mga puwersa sa Palawan at Mindanao nitong Abril 22.
Sa katimugan ng Palawan na malapit sa inaangkin ng China na Kalayaan (Spratlys) Group of Islands, magsasagawa rin ang MRF-D ng aerial at amphibious maritime key terrain security operations sa isang simulated contested environment kasama ang mga Pilipino at Australyanong tropa.
Apektado rin ng Balikatan ang mga Moro at katutubong mamamayan ayon kay Makabayan Coalition senatorial candidate at Sandugo co-chairperson Amirah Lidasan.
“Nagdadala ng takot ang presensiya ng mga tropang militar sa mga katutubong komunidad na humaharap sa sapilitang pagpapalayas, harassment, pambobomba at iba pang abuso sa karapatang pantao para lang pagtayuan ng mga EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) site ang kanilang lupang ninuno,” ani Lidasan.
Dagdag pa ng lider-Moro, hindi malilimutan ng mamamayang Bangsamoro kung paano pinulbos ng mga tropang Amerikano ang Marawi City na kumitil ng maraming buhay at sapilitang nagpalikas sa laksa-laksang mamamayan.
Marami rin aniyang napaslang na kababaihan at bata sa mga live-fire exercise ng mga sundalong Amerikano sa Sulu, Maguindanao at Basilan.
Iginiit din ni Ramos na hindi kailanman naging ligtas para sa mamamayang Pilipino ang Balikatan at nararapat lang na ibasura na ang Mutual Defense Treaty, VFA at EDCA.