Muni at Suri

Bayan ng pagmamahal

Sa bayang namamayani ang mga dinastiya, tinitingnan ang pamilya—sampu ng mga pakiramdam at relasyong nakapaloob dito—bilang estruktura ng pamamahala. 

Isa sa paborito kong pelikulang Pilipino ang “Kisapmata” (1981) ni Mike de Leon. Hango sa “The House on Zapote Street” ni Nick Joaquin, tungkol ito sa obsesyon ng isang ama sa kanyang nag-iisang anak na babae na kalaunan ay nauwi sa isang malagim na trahedya.

Sa mga kritikal na interpretasyon sa pelikula, nasuri ito bilang alegorya ng diktadurang Marcos. Sa pigura ng mapanikil na ama, naibigkis ang publiko at pribado, ang domestiko at relihiyoso bilang hugpungan ng awtoritaryanismo.

May radikal na rebisyon ang adaptasyon ng “Kisapmata” ng Tanghalang Pilipino mula sa pelikula. Sa obra ni Mike de Leon, ginamit ang mga imaheng Katoliko—halimbawa, ang Kristong Hari—upang iugnay ang pananampalataya sa politika ng pagpapasunod.

Sa adaptasyon ni Guelan Luarca, uminog ang domestikong tiraniya sa “batas ng pagmamahal.” Binabanggit ang temang ito sa mga histerikal na monologo, umiiral bilang komentaryo, ngunit hindi lubusang naitatawid sa organikong interaksiyon sa pagitan ng mga tauhan.

Tila tiraniko ang temang ito—hindi na mga tauhan kundi mga marionette na pinagagalaw ng isang islogan ang mga aktor sa entablado. Naging histerikal na pagbubulalas ang mga tahimik ngunit tensiyonadong engkuwentro sa dining table, sa sala, sa pasilyo patungo sa mga silid.

Nauunawaan ko na napapanahong talakayin ang “pagmamahal” bilang tulak sa pagyakap ng pasismo. Sa pagdetine kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, naging matingkad muli ang isang sentimental na publiko.

Nitong nagdaang kaarawan niya, nagtipon muli ang mga DDS (diehard Duterte supporters), may iyakan at panaghoy sa pag-uwi sa ama. Sa isang kisapmata, nakakulong ang kanilang minamahal na Tatay.

Hindi na mabilang ang mga paliwanag hinggil sa nagpapatuloy na pagyakap sa mga pigurang strongman gaya ni Duterte. Maaaring epekto ito ng authoritarian nostalgia, paghahanap sa naunang pag-iral ng disiplina at kamay na bakal na pamamalakad.

Maibibigkis din ito sa diskuntento sa krisis ng elite democracy pagkatapos ng diktadura. Salik din ang mga sentimyento na iniluwal ng ‘di pantay na kaunlaran sa mga lungsod at kanayunan.

Ang mga kalagayang ito ang tungtungan ng mga diskursong dumadaloy sa mga makinarya ng disimpormasyon. Matingkad ito lalo na sa mga pamayanang migrante kung saan malaganap ang impluwensiya ng social media. Dito, baluktot na nasyunalismo ang umiiral, nakapadron sa pagtangkilik sa isang tiranikong pigurang ngayon ay nagsisilbing object ng kolektibong simpatya. 

Lahat ng ito’y nakaugat sa batas ng pagmamahal. Pagmamahal ito na bahagi ng pampolitikang pakiramdam sa isang bayang matingkad ang ugnayan ang personal sa politikal.

Sa bayang namamayani ang mga dinastiya, tinitingnan ang pamilya—sampu ng mga pakiramdam at relasyong nakapaloob dito—bilang estruktura ng pamamahala. 

Tinatawag na mga magulang ang mga diktador; itinuturing natin ang ating mga sarili bilang mga anak na kailangang protektahan gamit ang dahas ng ating mga ama. Ito ang pagmamahal na hindi lumalampas sa ating mga bahay, pagmamahal na hindi tumatagos sa mga pinaslang na iniwan ng Tatay sa mga lansangan.