Diskuwalipikasyon ng Duterte Youth, pinararatsada 


Nagsumite ng mosyon ang grupong Kabataan, Tayo Ang Pag-asa para himukin ang Commission on Elections na agarang resolbahin ang nakabinbing diskuwalipikasyon ng Duterte Youth Partylist na anila’y hindi tunay na kumakatawan sa interes ng kabataang Pilipino.

Nagsumite ng mosyon ang grupong Kabataan, Tayo ang Pag-asa sa Commission on Elections nitong Mar. 25 para agarang resolbahin ang diskuwalipikasyon sa Duterte Youth Partylist na anila’y hindi tunay na kumakatawan sa interes ng kabataang Pinoy. Charles Perez/Pinoy Weekly

Nagprotesta ang mga grupo ng kabataan sa harap ng Commission on Elections (Comelec), Mar. 25, upang itulak ang agarang pagresolba sa limang taong nakabinbing kaso ng kanselasyon ng rehistro laban sa Duterte Youth Partylist.

Ayon sa inilabas na pahayag ng abogadong si Emil Marañon sa Facebook, ang kasong isinampa nila limang taon, dalawang buwan at 22 araw na ang nakalipas ay batay sa bigong pagsunod ng Duterte Youth sa mga rekisito ng Comelec para maturing na rehistradong partylist.

Naninindigan ang mga petisyoner na hindi rehistrado ang Duterte Youth Partylist kaya’t matibay ang batayan para idiskuwalipika ito. 

Pinangunahan nina Aunell Ross Angcos, isa sa apat na orihinal na petisyoner ng kaso, National Union of Students of the Philippines (NUSP) national president Sofia Trinidad at Kabataan, Tayo ang Pag-asa (KTAP) national convenor Brell Lacerna ang paghahain ng nasabing mosyon.

Liban sa mga kulang na requirement, nauna nang inaksiyonan ng Comelec ang petisyon para idiskuwalipika si dating Duterte Youth Rep. Ronald Cardema dahil sa pagiging “over the age limit.”

Ayon sa batas, ang sinumang nais tumakbo bilang kinatawan ng isang youth partylist ay edad 25 hanggang 30 sa araw ng eleksiyon. Si Cardema ay 34 taong gulang na noong Mayo 13, 2019, araw ng eleksiyon. 

Ngunit para kay Lacerna, ang pekeng representasyon ng Duterte Youth sa kabataan ay hindi lang sa edad.

Aniya, nangunguna ang grupo sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon at terror-tagging laban sa mga progresibong grupo habang tinatalikuran ang mga lehitimong panawagan ng kabataan. 

Sa isang panayam ni Cardema noong 2017 sa ABS-CBN, ipinahayag niya ang pagsuporta ng Duterte Youth sa mga patakaran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Suportado din nila ang pagbabalik ng mandatory ROTC sa kolehiyo at high school.

Sa ulat naman ng election watchdog na Kontra Daya, isa ang Duterte Youth sa 86 na pekeng partylist na tumatakbo sa eleksiyon ngayong 2025.

Nagbanta naman si Cardema na sasampahan ng kasong libelo ang mga nagtutulak ng kaso laban sa kanyang grupo.

Buwelta naman ni Lacerna, latang walang laman si Cardema. Aniya, marapat lang na bigyang resolusyon ang kaso laban sa Duterte Youth na nakatakbo at naluklok sa puwesto dahil sa malakas na kapit sa dating administrasyon.

Dagdag niya, dapat ipaglaban ang totoong representasyon ng kabataan sa mababang kapulungan.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, asahang aaksiyonan ng komisyon ang kaso sa Duterte Youth at iba pang nakabinbin bago ang araw ng halalan sa darating na Mayo 12.