Health Workers Partylist para sa kalusugan ng taumbayan
Pangunanhing isusulong ng Health Workers Partylist ang kagalingan, karapatan at kabuhayan ng mg manggagawang pangkalusugan at sisiguruhin ang makatarungan, maayos at makamasang sistemang pangkalusugan para sa Pilipino.

“Kagalingan, karapatan at kabuhayan ng mga manggagawang pangkalusugan!”
Iyan ang pangunahing isusulong ng Health Workers Partylist sa Kongreso. Nagsama-sama ang mga eksperto mula sa sektor ng kalusugan upang maging boses at representante ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa.
Bago man ang kanilang partido, ilang dekada nang nakikibaka ang mga nominado ng Health Workers Partylist na sina Robert Mendoza, isang midwife; Maristela Presto-Abenojar, isang nars; at Dr. Benigno Santi II, isang radiologist, para sa mas maayos na kondisyon ng mga manggagawang pangkalusugan at dekalidad na serbisyong medikal sa mamamayan.
Sisiguruhin nila na mas makatarungan, maayos at makamasa ang sistema ng pangangalaga sa kalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Tunay na boses ng manggagawang pangkalusugan

Nangunguna si Mendoza hindi lang sa pagiging nominado ng Health Workers Partylist, kundi pati na rin sa pakikibaka ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawang pangkalusugan sa ating bansa.
Pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers si Mendoza at marami nang napagtagumpayan kasama ang maraming manggagawang pangkalusugan na lumaban para sa kanilang mga karapatan. Ilan lang sa mga ito ang Magna Carta of Public Health Workers, pagtaas ng entry level na sahod ng mga nars at ang pagtigil sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital.
Nagsimula rin siyang mamuno ng unyon sa Philippine Children’s Medical Center noong 2016 na mas lalong nagpamulat sa tunay at mahirap na kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan. Isinusulong din ngayon ni Mendoza katulong ang iba pang nominado ng kanilang partido ang Magna Carta of Private Health Workers.
“Napakalala ng kalagayan ng mga health workers sa private sector. Ang mga public health workers [mayroon] pang hazard pay na P200. Kailangan, kung anong natatanggap ng mga health workers sa public sector ay dapat matanggap din nila,” ani Mendoza sa panayam sa Pinoy Weekly.
Ayon din kay Mendoza, kung ikukumpara sa mga karatig bansa, Pilipinas ang may pinakakuripot na sahod sa mga manggagawa sa sektor ng kalusugan. Dahil dito, imbis na magtrabaho sa Pilipinas, napipilitan silang mangibang bansa para sa nakabubuhay na sahod na hindi maibigay sa Pilipinas, kahit na napakahalaga ng ginagampanan nilang trabaho sa kalusugan at kapakanan ng ating lipunan.
“Ang aming layunin at adbokasiya ay para talaga sa mga mamamayan at health workers. Kami ang totoong boses ng mamamayang Pilipino at health workers sa bansa. Napatunayan na natin ito dahil marami na tayong naisulong kahit wala pa man tayo sa Kongreso,” sabi ni Mendoza.
Nars, isang lingkod-bayan

Sa apat na dekadang paglilingkod ni Abenojar bilang isang nars, hindi niya maikakaila ang hirap sa piniling propesyon. Mula sa kakarampot na sahod, bigat ng trabaho at kakulangan sa maayos na benepisyo, lahat ng iyan dinanas at pinagtiyagaan niya.
Sa unang mga taon ni Abenojar bilang nars, nagpokus muna at hinasa ang sarili sa pampublikong kalusugan. Nagsilbi rin bilang pangulo at ngayon pangalawang pangulo ng Filipino Nurses United si Abenojar, isang organisasyon na naglalayong ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga nars sa bansa.
“Ang ating mga health workers ay nasa isang vital at essential na industry. Buhay ang kanilang hawak at dahil dito, hindi dapat sila kina-categorize as periodic workers. 24/7 ang kanilang gawain kaya dapat permanente o regular ang posisyon nila,” ani Abenojar sa panayam sa Pinoy Weekly.
Liban sa napakaliit na sahod ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa, marami rin sa kanila ang kontraktuwal ang trabaho. Ayon kay Abenojar, ito ang isa sa mga pangunahing rason kung bakit pinipili nilang magtrabaho sa ibang bansa.
Habang lumalala ang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan, patuloy rin ang gobyerno sa pagkaltas sa badyet ng sektor. Bukod pa rito, laganap din ang korapsiyon sa Philhealth na nagresulta sa pagbalik ng P89 bilyon nakatenggang pondo ng ahensiya sa national treasury. Kinondena naman ito ng mga manggagawang pangkalusugan at progresibong grupo.
“‘Yong paglilipat [ng pondo] ay lalong isa pang pagkakamali. Sa tingin natin, ito ay ilegal at unconstitutional dahil dapat ang pondong ito na ang intensiyon ay para sa kalusugan at serbisyo ay ibalik sa Philhealth, upang sa gano’n ay magkaroon ng mas maraming serbisyo at mag-improve ito, at upang bumaba rin ang sinisingil ng Philhealth na contribution,” ani Abenojar.
Patuloy na ipaglalaban ni Abenojar ang karapatan ng mamamayang Pilipino sa abot-kamay na serbisyong pangkalusugan. Kasama na rito ang pagsusulong ng makatarungan at maayos na kondisyon para sa mga manggagawa ng sektor ng kalusugan.
Pagbabago sa sistemang pangkalusugan

“Ang ating sistemang pangkalusugan sa bansa ay talaga namang napakahirap at kalunos-lunos,” ani Santi sa panayam niya sa Pinoy Weekly.
Sa mapang-abuso at kalunos-lunos na sistema ng sektor ng kalusugan, ngayon lang kinilala ng Commission on Elections (Comelec) ang pangangailangan sa tunay na representasyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa Kongreso.
Ayon kay Santi, ikatlong nominado at presidente ng Health Workers Partylist, nagsama-sama na ang mga nars, doktor, midwife at iba pang manggagawa sa sektor ng kalusugan sa isang partido dahil ilang beses na nilang sinubukang irepresenta ang kanilang sarili at isulong ang kanilang mga karapatan sa pamahalaan, ngunit laging tinatanggihan ito ng Comelec.
Sa ngayon, nagtagumpay sila at patuloy pa ipaglalaban ang mga karapatan ng bawat manggagawang pangkalusugan. Bukod pa rito, sinusulong din ni Santi ang pagrerepaso sa Universal Healthcare Act dahil para sa kanya, walang tunay na universal healthcare sa bansa.
“Kapag sinabing universal, dapat lahat ng mamamayan ay covered ng ating healthcare system pero sa ngayon, napakahirap pa rin. Maraming Pilipino ang namamatay na lang at hindi pa rin nakakakita ng doktor,” paliwanag ni Santi.
Para kay Santi, liban sa mga usapin sa sahod at pondo ng sektor ng kalusugan, kinakailangan ding pagtuunan ng pansin ang pagbabago sa oriyentasyon ng kurikulum ng mga paaralang nagtuturo ng medisina at iba pang kurso sa larangan ng kalusugan.
Nakabatay pa rin ang kasalukuyang kurikulum sa makadayuhang oriyentasyon dahil ang pangunahing layon nito, ang i-eksport sila sa ibang bansa. Dagdag pa ni Santi, hindi akma sa mga kondisyon ng ating bansa ang kanilang natatanggap na training.
Kung sakaling mabigyan ng tiyansang maupo sa Kongreso, ipaglalaban ni Santi at ng iba pang nominado ang pagtataas sa badyet ng sektor ng kalusugan. Iaayon nila ito sa rekomendasyon ng World Health Organization na dapat 5% ng gross domestic product ng bansa ang nakalaan sa sektor.
Ipaglalaban din nila ang pagpuksa sa korupsiyon upang tuluyang lunasan ang lumalalang kalagayan ng sistemang pangkalusugan.
Kalusugan ng taumbayan
Itataguyod nina Abenojar, Mendoza at Santi ang interes ng mga manggagawang pangkalusugan. Hindi sila politikong mula sa mga dinastiya kundi mga ordinaryong manggagawa na araw-araw nagsisilbi at nag-aalaga sa kalusugan ng ating bayan.
Ngayon, higit kailanman, kailangan ng ating bansa ng mga lider na alam ang tunay na kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan at may malasakit sa kagalingan ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan.
Hindi makakamtan ang tunay na pag-unlad kung hindi napangangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Sa isang bansang may makatarungan at maayos na sistemang pangkalusugan at malulusog na mamamayan, tunay na progreso at kasaganahan ang patutunguhan.