Kabataan Partylist, target makakuha ng 1M boto
“Mahalagang humakbang nang malaki ang kabataan. Marapat lang ito para magkaroon ng mas magandang pagkakataong siguruhin ang ating kinabukasan,” sabi ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co.

Nanawagan ang Kabataan Partylist nitong Abril 14 sa kabataang botante na mas palakasin ang boses sa kampanya upang makalikom ng 1 milyong boto na gagarantiya sa higit isang puwesto sa Kongreso. Noong 2022, nakakuhang ng higit kalahating milyon na boto ang partylist, pinakamataas sa kasaysayan ng kanilang pagtakbo.
“Mahalagang humakbang nang malaki ang kabataan. Marapat lang ito para magkaroon ng mas magandang pagkakataong siguruhin ang ating kinabukasan,” sabi ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co sa Ingles.
Ayon kay Rep. Raoul Manuel, bitbit nila ang lehitimong boses at interes ng 47 milyong kabataang Pilipino kompara sa maraming nakaluklok na representante umano ng kabataang Pilipino na mula lang rin sa mga dinastiyang politikal.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan secretary general Raymond Palatino, kauna-unahang kinatawan ng Kabataan Partylist noong Ika-14 at Ika-15 Kongreso, ipinapakita ng 2,700 na resolusyon, 75 na batas at pagsisilbing bantay laban sa mga pang-aabuso sa gobyerno ang kakayahan ng kabataan at kung gaano kahalaga ang kanilang adbokasiya at papel sa pagtulak ng mabuting pamumuno.
Naniniwala ang Kabataan Partylist na hindi imposible ang 1 milyong boto ngayong darating na eleksiyon lalo na’t marami ng kabataan ang mulat sa bulok sa sistema ng politika.
Giit ng grupo, hindi hadlang ang pagiging kabataan para maging bahagi ng eleksiyon at kinakailangan ng tunay na representate ng kabataan sa Kongreso, lokal man o pambansa.
Samantala, ipinahayag nina Annika Torres, tagapangulo ng League of Filipino Students-Katipunan; Lorevie Caalaman, kandidatong konsehal sa 4th District ng Quezon City; at Jinsei Ray Castillo, kandidatong konsehal sa 1st District ng Las Piñas City, ang kasalukuyang kinakaharap ng kabataan, hindi lang pang-akademiko kung hindi pati sa pakikilahok sa politika.
Ayon sa kanila, kabilang dito ang panghuhusga, pamamaliit at pagbabaliwala sa sektor pagkatapos ay sila ang sisisihin at ang magdudusa sa huli.
“Mantsa na kung ituring ang pakikilahok ng kabataan sa politika,” ani Caalaman.
Inilahad din ni Caalaman kung paano bigyang-pansin ang kabataan bilang panghakot lang ng boto tuwing halalan at pagkatapos ay lalamat-lamatin bilang palamuti sa laro ng iilan habang pasan ng sektor ang mga desisyong gawa ng nasa kapangyarihan.