Eleksiyon

Kaduda-dudang partylist | Mag-ingat sa magnanakaw!


Kinakasangkapan ng ilang masasamang-loob ang partylist system para pagtakpan ang pagnanakaw at katiwalian. Maiging maging maingat at mapanuri sa isang partylist na pipiliing iboto sa darating na halalan sa Mayo.

Kadalasang naririnig natin sa mga botante na “nakakasawa na ang magnanakaw.” Siyang tunay! Alam natin ang pangalan at mukha ng mga nagnakaw sa atin o nagwaldas ng, ehem, confidential funds. 

Pero nang dahil sa partylist system, may paraan para magkubli sa loob ng kani-kanilang mga partido ang mga magnanakaw. Baka ‘di mo mamalayan, iyong nagnakaw pala sa pera natin ang mailuklok.   

Kilatisin natin sila at iba pang grupo sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.

1. Wala namang sanang kaso sa mga nominado ng APEC Partylist. Pero namumukod-tangi itong si Edgar Diaz na pinatunayan na ng Sandiganbayan na sangkot sa P57.7 million pork barrel scam kasama ni Janet Napoles. Hindi lang nakaligtas sa selda, baka maging congressman pa!

2. Ang Serbisyo sa Bayan Partylist naman, tadtad ng mga Belmonte. Unang nominado ay anak ni dating Speaker Feliciano Belmonte Jr. na si Ricardo. Ang ikawalong nominado naman sangkot raw sa vote buying kasama ang mga kilalang politiko gaya ng mga Belmonte sa Quezon City. Bagaman na-dismiss ang kaso, mapapaisip ka rin sa kakayahan nilang hawakan ang pondo ng bayan. 

3. Ang Aangat Tayo Partylist, patunay na kahit sa simpleng hanapbuhay ng pagiging accountant, maaaring maging pang-15 na pinakamayamang mambabatas sa bansa. Teka, posible nga ba iyon? Si first nomine Daryl Grace Abayon ay dati nang na-disqualify sa partylist noong 2013 dahil ‘di naman siya kabilang sa sektor na kinakatawan dapat niya. Ngayon, healthy lifestyle na raw ang adbokasiya. Aba kung P26 milyon ang net worth mo, hindi mahirap maging healthy!

Talaga namang pangmayaman ang pagtakbo sa eleksiyon at para sa higit na pagpapayaman lang ang puwesto!