Kapalaran ng kinabukasan sa Kabataan Partylist
Sa muling pagtakbo sa halalan ngayong 2025, patutunayan ng Kabataan Partylist na sila ang natatanging boses ng kabataang Pilipino sa Kongreso na nagtataguyod ng interes para sa mas magandang kinabukasan.

Sa loob ng 18 taon, nananatiling tunay na representasyon na nagsusulong ng boses ng kabataan ang Kabataan Partylist.
Makikita ito sa mga batas na kanilang isinulong at naipasa gaya ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nagtityak ng libre at dekalidad na edukasyon sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo at Anti-No Permit, No Exam Law.
Ang Kabataan Partylist din ang pangunahing may-akda ng mga batas na nagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa.
Kabilang dito ang Magna Carta of Waste Workers na sinisigurado ang ligtas na kondisyon sa trabaho ng mga manggagawa sa waste management at Salary Standardization Law of 2019 na layong panatilihin ang dekalidad ng serbisyo publiko at kapakanan ng bawat kawani ng gobyerno.
Ngayon, sa kanilang muling pagtakbo, muling patutunayan ng Kabataan Partylist na sila ang natatanging boses ng kabataang Pilipino sa Kongreso.
Dekalidad na edukasyon, disenteng trabaho

Unang sumabak sa isyung pampolitika si Renee Co, unang nominado ng Kabataan Partylist, sa pamamagitan ng pagiging mamamahayag pangkampus mula elementarya hanggang kolehiyo.
Mga paksang pangkalikasan ang pokus ng kanyang mga isinusulat noon, ngunit hindi nagtagal lumawak para sa kabuuang pakikibaka ng masa ngayon.
Nagtapos si Co ng Bachelor of Arts in Political Science sa University of the Philippines (UP) Diliman at naging punong patnugot si Co ng Sinag ng College of Social Sciences and Philosophy.
Nagsilbi ring convenor si Co ng 1Sambayan, isang koalisyon na binuo noong 2021 para pagkaisahin ang mga progresibo at oposisyon na sumuporta sa mga kandidatong makatao at malinis ang track record.
Kasabay ng pagpapahusay sa pagsusulat at pag-aaral ng batas, si Co rin ay itinalaga bilang ika-38 na student regent ng UP na kumatawan sa libo-libong iskolar ng bayan sa pinakamataas na policy-making body ng UP System na Board of Regents (BOR). Naging executive vice president din si Co ng Kabataan Partylist noong kolehiyo.
Sa pagpapatuloy sa abogasya, pinangarap na ni Co ang bukas na may pantay na kalayaan at karapataan hindi lang para sa kabataan kung hindi sa taumbayan.
“Noong una, nagsimula sa [ideya na] puwede akong makapagsulat ng batas na makakapagbago ng environmental policy ng Pilipinas pero nag-scale sa [increased] students’ rights at [in] general with people’s welfare,” sambit ni Co.
Mula rito, isinusulong ni Co at kanyang partido ang mga panukalang batas na poprotekta sa kapakanan ng kabataan sa loob at labas ng pamantasan. Ilan dito ang Campus Press Freedom Bill na layong supilin ang sensura at panghihimasok ng mga administrador sa mga pahayagang pangkampus at pagtutol sa tuition and other fees increase na patuloy na naglulugmok sa mga estudyante sa mga bayarin.
Hindi limitado sa kabataan ang plataporma nina Co sa Kabataan Partylist dahil mayroon ding mga panukalang batas na inihahain para mga manggagawa tulad ng Magna Carta for BPO Workers na layuning magtakda ng mga pamantayan para sa makatarungang kasanayan sa paggawa ng BPO workers.
Kabilang din sa bitbit nila ang pagtatanggal ng value added tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin at yutilidad gaya ng langis, bigas, kuryente at tubig at pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas na P1,200.
Ayon kay Co, bilang mga susunod na manggagawa, malaki ang papel ng kabataan para sa mga panawagan at panukalang batas na ito. Higit din lalo na dapat makisangkot ang mga kabataan sa usaping pagpapanagot sa mga Marcos at Duterte dahil sa huli, kabataan ang magdurusa sa awayang pamilyang ito.
“It starts with political education of not only ourselves, pero sa kapwa nating kabataan, mga kasama nating sa sektor na nakakasalamuha,” diin ni Co.
Sagot sa kakulangan sa pagkain

Katulad ng palay, hindi biglaan ang pag-usbong ng kamalayang pampolitikal ni Jose Paolo Echavez, pangalawang nominado ng Kabataan Partylist. Isa itong binhing nakaugat sa kanyang mga tanong at obserbasyong pinayabong ng karanasan at pakikibaka ng masa.
Bilang estudyante, aktibo si Echavez sa mga adbokasiyang nakaugat sa agrikultura at karapatan ng kabataan.
Nagsilbi siyang pangulo ng student government ng Silliman University at kalauna’y naging national president ng Agricultural Students Association of the Philippines (ASAP), isang pambansang organisasyon na nagtataguyod sa kapakanan ng mga estudyante sa agrikultura at sa mga isyung kinahaharap ng sektor. Naging vice president for Visayas din si Echavez ng Kabataan Partylist.
Nagtapos si Echavez bilang unang summa cum laude ng kursong Bachelor of Science in Agriculture at naging top 2 sa Agriculturists Licensure Examination noong 2022. Mula rito, nagpatuloy si Echavez sa pagbibigay-tinig sa mga usaping agraryo at sa laban ng maliliit na magsasaka.
“‘Yong mga local [producer] natin sobrang nawalan ng support. Hindi sila binibigyang pansin, and at the same time, lugi, luging-lugi after every harvest season. That in itself is a massive state of food insecurity,” ani Echavez
Ayon kay Echavez, para tugunan ang problemang umiiral sa agrikultura, kailangang ugatin mismo ang pinagmumulan nito.
Kaya inihahain nila muli’t muli ang pagsulong ng Genuine Agrarian Reform Bill na layong ipamahagi ang mga lupang sakahan sa mga magsasaka at People’s Mining Bill na tinitiyak ang kapakinabangan ng makakalikasang pagmimina sa mamamayan.
Layunin din ni Echavez ang pagsusulong ng mekanisasyon sa agrikultura, subsidiyo sa binhi, abono, at makinarya, at teknikal na tulong sa mga magsasaka upang mapayabong ang lokal na produksiyon. Kasabay din dito ang pagbabasura sa Rice Tariffication Law na nagpapaigting sa importasyon ng bigas imbis na suportahan ang lokal na agrikultura.
Diin niya, lupa, suporta at karapatan ng magsasaka ang pundasyon ng seguridad sa pagkain. Mahalagang hakbang din sa pagpapatampok ng mga isyu sa agrikultura ang pagpriyorisa ng mga eskuwelahan at pakikisangkot ng kabataan sa usaping agraryo.
“Kahit na nasa computer science kayo, kahit na engineering, may contribution pa [rin] kayo sa agriculture through machinery, through digitalization of farming systems,” ani Echavez.
Batas para sa karapatang pantao

Kawalang pananagutan sa krisis sa kalusugan at edukasyon noong pandemya ang nag-udyok kay John Peter Garcia, ikatlong nominado ng Kabataan Partylist, na makialam at makisangkot sa pagsulong ng interes at karapatang pantao hindi lang ng kabataan kung hindi ng taumbayan.
Si Garcia ay kasalukuyang nag-aaral sa UP Los Baños sa kursong Bachelor of Arts in Communication Arts. Nakibahagi si Garcia sa maraming mga alyansang nagsusulong ng panlipunang hustisya gaya ng Youth Advocates For Peace With Justice (Yapjust) kung saan siya ang kasalukuyang tagapagsalita.
Kaisa si Garcia ng mga progresibong grupo sa Timog Katagalugan at nagsilbing paralegal ng human rights watchdog na Karapatan. Noong 2023, sa kanyang tapang na kuwestiyonin ang mga paglabag sa karapatang pantao, naging biktima si Garcia ng walang batayang paratang ng militar hinggil sa terorismo.
Batid ni Garcia na ang kanyang kaso ay isa lang sa maraming anyo ng panunupil na layuning patahimikin ang sinumang kritiko o mamamayang bumabalikwas sa pang-aabuso ng estado.
Kung kaya’t ngayon sa kanyang pagtakbo sa Kabataan Partylist, pagkikriminalisa sa red-tagging at pagbabasura sa Anti-Terrorism Act at iba pang batas na naghahasik ng takot sa mamamayang Pilipino ang kanyang bitbit sa Kongreso.
Sa pagsulong ng mga ito, layon din ni Garcia na ipatampok ang mga isyu ng katutubo sa kanayunan na pangunahing biktima ng ganitong uri ng pambubusal na humahadlang sa kanilang kalayaang mamuhay at makapag-aral.
“Gusto natin na makapagtayo ng pinakamaraming alternative schools para sa mga Lumad at iba pang katutubo, gaya no’ng mga nauna nating efforts noon na sa kasamaang palad ay ipinasara ng estado,” ani Garcia.
Nais din ni Garcia na pagtibayin ang karapatan ng mga mga katutubo sa kanilang ancestral domain o lupang ninuno.
Aniya, ang susi sa isang tunay at pangmatagalang kapayapaan ay hindi militarisasyon kundi ang pag-ugat at pagtugon sa krisis na umiiral sa lipunan katulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, kawalan ng lupa at pananamantala.
Bilang dedikadong tanggol-karapatan, bitbit din ni Garcia ang laban ng komunidad ng LGBTQ+ sa pamamagitan ng pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill na layong kilalanin at protektahan ang karapatan ng bawat indibidwal sa anumang uri ng diskriminasyong batay kasarian.
Isinusulong din ni Garcia at kanyang partido ang karapatan sa libre at abot-kamay na serbisyong medikal at pagtataas sa sahod at benepisyo ng mga health worker upang mapalawak ang kanilang serbisyo at makarating sa mga liblib na lugar na kadalasan hindi naaabot.
“Kayang-kaya nating magdulot ng positibong pagbabago kapag pinagkaisa natin ‘yong ating sektor kasama ng iba pang sektor sa lipunan. Deserve natin ang gobyerno at representasyon na nakatindig para sa ating mga karapatan,” sambit ni Garcia.
Makakamit ang malayang bukas
Kung susuriin ang kasaysayan, palaging malawak ang hanay ng kabataan sa pagsulong ng tunay na kalayaan at karapatan ng mamamayan.
Matagal nang pinatunayan ang taguring “pag-asa ng bayan” ang kabataan mula klasrum, bukid, lansangan at politika.
Marapat na alalahanin natin ang malaking gampanin at puwang ng kabataan sa paglikha ng lipunang may katarungan at pagkakapantay-pantay dahil sila mismo ang aani sa ipinupunla sa kasalukuyan.
May kakayahan ang kabataan na baguhin ang lipunan. Ang bawat boto sa tunay na boses ng kabataan ay boto para sa kinabukasan.