Talasalitaan

Kidapawan Massacre


Pinaulanan sila ng bala na mula sa mga ripleng M-16. Tatlo ang kumpirmadong bumulagta. Sugatan ang 166 habang 88 ang nawawala na hinihinalang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Kidapawan Massacre – Pinaputukan ng pulisya sa Kidapawan City, North Cotabato ang mga magsasakang humihingi ng tulong pinansiyal at bigas sa panahon ng ilang buwang tagtuyot dulot ng El Niño noong 2016.

Siyam na taon na ang nakalipas nang naganap ang Kidapawan Massacre na humigit-kumulang 6,000 na nagprotesta, pangunahin ang mga magsasaka at tagasuporta mula sa mga lugar na naapektuhan ng tagtuyot taong 2016 sa North Cotabato at mga probinsiya ng Bukidnon sa katimugang isla ng Mindanao, ang nagtipon sa Kidapawan City simula Marso 28 na nanawagan ng tulong sa pagkain at iba pang ayuda ng gobyerno. Dahil sa El Niño, namatay anila ang kanilang mga pananim.

Noong Mar. 30, 2016, nagprotesta ang mga magsasaka sa pagbabarikada sa pangunahing highway papasok sa lungsod. Noong Abril 1, pinangunahan ng Philippine National Police, bitbit ang mga batuta at kalasag ang isang operasyon upang itaboy ang mga nagpoprotesta sa kalsada, na suportado ng isang Special Weapons and Tactics (SWAT) unit na naka full-battle gear bitbit ang M-16 assault rifles.

Sa huling araw ng kilos-protesta noong Abril 1, bago mag-alas 11 ng umaga nang hinaras at binuwag ng magkasanib na puwersa ng pulisya ng North Cotabato at militar ang barikada ng mga magsasaka sa Davao-Cotabato Road. Humihiling lang ang mga magsasaka ng 15,000 sako ng bigas bilang tulong sa mga magsasakang apektado ng El Niño.

Ngunit pinaulanan sila ng bala na mula sa mga ripleng M-16. Tatlo ang kumpirmadong bumulagta. Sugatan ang 166 habang 88 ang nawawala na hinihinalang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya. Nagmula kay Kidapawan Mayor Joseph Evangelista ang atas na dispersal. Kinatigan naman ito ni North Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza.

Ngunit hindi sila natinag kahit ginamitan na sila ng baril at dahas. Bato at sigaw ang naging sagot ng mga magsasaka habang hinahabol sila ng pamalo at bala.

Hindi dapat naganap pa ang malagim na sinapit ng mga magsasaka. Kung maagap lang tinugunan ang mga hinahing ng mga nagprotestang magsasaka. May tungkulin ang gobyerno na punan ang mga pangangailangan ng mamamayan lalong-lalo na sa pagkain at kabuhayan.

Makailang beses na din ang pag-atake sa mga magsasaka. Matatandaang ilang masaker na ang sinapit ng ating mga magsasaka dahil lang nananawagan sila ng ayuda at suporta mula sa gobyerno.

Halimbawa nito ang masaker sa Mendiola, Maynila noong Enero 22, 1987, kung saan ang mga puwersang panseguridad ng estado sa ilalim ni Corazon Aquino ay marahas na binuwag at pinagbabaril ang martsa ng mga magsasaka patungong Malacañang bilang protesta sa kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa reporma sa lupa.

Ang Hacienda Luisita Massacre na nangyari noong Nobyembre 2004 kung saan pito ang pinatay sa marahas na pagbuwag ng pulista sa mga magsasaka at manggagawang bukid na nanawagan ng pagtaas ng sahod at mas maayos na benepisyo.

Sa tala ng Tanggol Magsasaka, mayroong 22 na masaker naman sa mga magsasaka—kasama ang Sagay at Guihulngan Massacres sa Negros, Tumandok Massacre sa Capiz at sa iba pa.

Patuloy ang karahasang nararanasan ng mga magsasaka dahil lang nananawagan sila ng ayuda, suporta at tunay na repormang agraryo mula sa gobyerno. Noong 2019, naitala na may humigit-kumulang 177 magsasaka ang pinatay sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte dahil sa pakikibaka nila para sa kanilang karapatan sa lupa.

Patuloy pa rin ang madugong bahid na iniwan ni Duterte. Ipinagpapatuloy ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagppatupad sa Executive Order 70 at Anti-Terrorism Act na patuloy na inilalagay sa panganib ang mga magsasaka.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., sa taong 2024 umabot na sa 72 magbubukid ang naitalang biktima ng pampolitikang pamamaslang. Ang ilan sa mga magsasaka ay sapilitang nawala at dinukot.

Ganito ba ang nais ni Marcos Jr. nang umupo siya sa puwesto? Paghahasik ng pasismo sa mga magsasaka na dapat ay pinagsisilbihan at pinaglilingkuran niya?

Sila ang dumanas ng gutom, binaril, namatayan at nawala pero sila pa ngayon ang biktima. Hindi na ito bago sa mga magsasaka sa kasaysayan ng bansa ngunit mapait na maulit muli ang Kidapawan Massacre.

Sa lipunang nananaig ang piyudal na relasyon sa lupa, reyalidad para sa mga magsasaka ang mamatay dahil sa gutom at kahirapan o kung hindi man sa karahasan ng estado, bunsod ng mga polisiya nito na kontra-mahirap at pabor sa interes ng mga panginoong maylupa, asendero’t dikta ng mga makapangyarihan sa bansa.

Wala ng maasahan pa ang mga magsasaka kundi ang palakasin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pag-oorganisa. Tungkulin ng mga magsasaka na durugin ang piyudalismo katuwang ang buong mamamayan upang makamit ang tunay na kalayaan at tunay na repormang agraryo.