Lunod sa malalaking kompanya
Nakaambang mawalan ng kabuhayan ang mga maliliit na mangingisda sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga komersiyal na kompanya sa pangingisda sa municipal waters o 15 kilometrong katubigan mula sa baybay-dagat.
“Wala pa nga sila hirap na kami manghuli ng isda eh. Papasok pa sila, eh ‘di mas lalong mawawalan kami,” sambit ni Laarni Villamon, isang mangingisda at ingat-yaman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) sa Cavite.
Nakaamba kasi na mawalan ng kabuhayan ng mga tulad nilang maliliit na mangingisda dahil sa pagpasok ng mga komersiyal na kompanya sa pangingisda sa municipal waters o 15 kilometrong katubigan mula sa baybay-dagat.
Ayon pa kay Laarni, kung dati’y kulang pa ang P300 kada araw para sa kanilang pitong kataong pamilya, ngayo’y halos P100 na lang ang minsang pinagkakasya ng kanyang pamilya sa mga araw na halos walang huli.
Itinakda ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 ang municipal waters para sa mga maliliit na mangingisda na magkaroon ng sariling pangisdaan na malayo sa panghihimasok ng mga malalaking kompanya.
Kaya naman isang malaking dagok sa mga maliliit na mamamalakaya tulad ni Laarni ang desisyon ng Korte Suprema matapos nitong pagtibayin ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) na nagpapahintulot sa Mercidar Fishing Corporation na mangisda sa municipal waters.

Idiniin din ng desisyon na maaaring makapalaot ang mga komersiyal na fishing vessel sa loob ng 15 kilometrong municipal waters, basta mananatili sila sa parte ng dagat na hindi bababa sa lalim na 7 fathoms o 12.8 metro.
Maraming kontrobersiyang nakabalot sa desisyong ito, kung saan napag-alamang si Monica Elena Cordoba, isa sa mga may kontrol ng Mercidar, ay asawa ni dating National Telecommunications Commission chief at kasalukuyang chairman ng Commission on Audit na si Gamaliel Cordoba.
Ayon din sa pag-aaral ng mga marine scientist na kinonsulta ng Pamalakaya Pilipinas, halos 10% lang ng mga anyong tubig sa Pilipinas na hindi bababa sa 7 fathoms ang lalim—nangangahulugang iyon lang ang itinatalagang puwedeng pangisdaan ng mga maliliit na mangingisda.
Kuwestiyonable ring hinamon ng Malabon RTC ang konstitusyonalidad ng Section 16 ng Fisheries Code na tumutukoy sa awtoridad ng mga pamahalaang lokal na pangalagaan ang municipal waters. Ang karapatang ipinaglaban ng mga maliliit na mangingisda sa nagdaang 27 taon, pilit na inaagaw sa kanila.
Sa huling tala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Statistics Authority noong 2022, halos 370,000 ang rehistradong municipal fishing vessel, habang 5,090 ang rehistradong commercial fishing vessel.
Pero sa kabila ng malaking agwat, halos pantay lang ang nagiging produksiyon dahil sa patuloy na panghihimasok ng mga kompanya sa mga lugar na para sana sa mga maliliit na mangingisda.
Malaking patunay ang kaso ng Mercidar sa patuloy na sabwatan ng mga malalaking transnasyunal na mga kompanya at ng pamahalaan upang itaguyod ang kanilang mga pansariling interes.
Aminado rin ang mga mangingisda na hindi kayang makipagsabayan ng kanilang maliliit na bangka kumpara sa mga dambulahang commercial fishing vessels na gumagamit ng chartplotters, fishfinders at echosounders—mga mamamahaling teknolohiyang ginagamit sa malakihang pangingisda.
“Ang isyu kasi, ‘yong kompetensiya e. Nandoon pa rin naman ‘yong mga maliliit na mangingisda, pero kung pinapapasok mo yung mga commercial fishing [vessel], sa esensiya, parang wala ka na ring pangisdaan kasi hindi ka naman makakasabay sa kanila kasi nga mga abante ang kanilang gamit e, sa amin tradisyonal lang”, wika ni Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya Pilipinas.
Dagdag pahirap sa mangingisda
Maliban sa ‘di makatarungang desisyon ng Korte Suprema sa municipal waters, matagal na problema na rin sa dagat ng Cavite ang pagtagas ng langis, polusyon at pagkasira ng kalikasan dahil sa reklamasyon.
“Halos apat na taon na kaming hirap sa isda mula noong nagkaroon [din] ng dredging,” ani Laarni na taga-Bacoor City, Cavite.
Nakaugat ang mga kalbaryong ito sa mga proyektong Cavite Reclamation Project ng Century Peak Corporation, Manila Bay Reclamation Project ng San Miguel Corporation at Bacoor Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation at pamahalaang lokal ng Bacoor City—mga dambuhalang inisyatibang isinulong kapalit ng kabuhayan at tahanan ng mga mamamayang nakatira malapit sa baybayin ng Manila Bay kung saan sakop ang komunidad nina Laarni.

Dagdag pa sa alalahanin ang sunod-sunod na mga sunog at demolisyon na tinatakpan ng mga kuwentong “away mag-asawa,” ngunit para sa mga residente, malinaw itong bahagi ng sistematikong pagpapalayas sa kanila.
Maliban sa Cavite, marami pang komunidad ng maliliit na mangingisda sa palibot ng Manila Bay ang apektado ng mga proyektong reklamasyon.
Sa Navotas City, higit 200 tahungan ang giniba noong 2024 upang bigyang-daan ang 650 ektaryang Navotas Coastal Reclamation Project ng San Miguel Corporation.
Ayon naman sa pamahalaang lokal ng Navotas City, alinsunod ang demolisyon sa mandamus ng Korte Suprema noong 2008 na layuning linisin at panatilihin ang likas na yaman ng Manila Bay. Sa tala ng Pamalakaya Pilipinas, mahigit 1,000 mangingisda ang nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon.
“Hindi naman basura ang tahungan namin para isama sa nililinis ng Manila Bay. Ilang taon na ‘yan nakatayo at libo-libong pamilya ang umaasa [d’yan ng kanilang ikabubuhay],” ani Arvin Escarial, magtatahong sa Navotas City.
Hindi lang sa Manila Bay
Sandamakmak din ang atake sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi kataka-taka na maraming mamamayan ang nakaasa sa dagat para sa kanilang kabuhayan dahil napalilibutan ang Pilipinas ng dagat.
Sa Negros Occidental, nanganganib ding matulad sa kapalaran ng Cavite at Navotas City ang mahigit 5,000 mag-aalimasag. Ang lalawigan ang pangunahing prodyuser ng blue crab sa bansa na umaabot sa bilyong piso ang halaga sa export market.
Ngunit dahil sa desisyong pagpapahintulot sa mga commercial fishing vessel sa municipal waters, nanganganib rin ang kabuhayang pinagyaman ng lokal na kaalaman at likas na yaman ng mga karagatang kanilang iniingatan.

Sa Zambales, halos P300 na lang ang kita ng mga mangingisda kada araw dahil hindi na lang masamang panahon o malalakas na alon ang kanilang sinusuong sa dagat.
Umaabot na lang ang huli nila sa tatlo hanggang limang kilo, habang ang mga kakompitensiya nilang mga commercial fishing vessel na may mga makabagong kagamitan ay kumikita ng P100,000 kada araw sa kanilang 2 toneladang huli.
“Mas nakikita namin kung paano gumamit ng makabagong teknolohiya at estilo ‘yong mga commercial fisher kumpara sa tulad naming tradisyonal na mangingisda lamang,” ani ni Joseph Dulem, mangingisda sa Zambales.
Sa mga isla Panay at Guimaras, tinatayang nasa 180,000 mangingisda mula sa 52 coastal town ang maaapektuhan ng parehong polisiya.
Karapatan sa pangisdaan
“Kahit papaano, lalaban naman [kami]. Kailangan namin lumaban kasi para sa amin ‘yon eh. Huwag na nilang agawan ng hanapbuhay ‘yong maliliit na mangingisda, kasi [kaming mga] maliliit na mangingisda hindi naman kayang pumunta doon [sa mas malayong parte ng dagat],” paninindigan ni Laarni.
Kabi-kabila rin ang mga panawagan ng iba’t ibang progresibong grupo at akademiko. Para sa Agham Advocates of Science and Technology for the People, masosolusyunan ang mga isyu ng mga maliliit na mamamalakaya kung magbibigay ng sapat na suporta sa kanila ang pamahalaan, partikular na ang BFAR.
Kabi-kabila rin ang naging pagkilos ng mga lokal na organisasyon ng mga mangingisda, gaya ng pagsasagawa nila ng assembly nitong Pebrero na pinangunahan ng Pamalakaya Pilipinas upang mapag-usapan ang isyu sa municipal waters na direktang makakaapekto sa kanilang mga kabuhayan.
Itinatag din ng mga grupo ng mga mangingisda ang koalisyong Aton Ang Kinse Kilometro na naninindigan upang labanan ang kontra-mangingisdang desisyon ng Korte Suprema.
“Muli naming pinagtitibay ang aming paninindigan na dapat panatilihin ang eksklusibong karapatan ng maliliit na mangingisda sa municipal waters. Hindi dapat papasukin dito ang mga commercial fishing dahil sa pinsalang dulot nito kapwa sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at yamang-dagat,” ani Arambulo. /May ulat mula kay Jack Darryl Solano