Main Story

‘Atin ang kinse kilometro’


Nanganganib na mawalan ng ikabubuhay ang mga maliliit na mangingisda sa Perez, Quezon dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa komersiyal na pangingisda sa 15 kilometrong dagat munisipal na matagal na ipinaglaban ng lokal na komunidad.

Nananalaytay sa dugo ni Romelo Alpay, 55, ang asin ng karagatan ng Lamon Bay. Mga mangingisda ng bayan ng Perez, Quezon sa isla ng Alabat ang kanyang mga ninuno.

Pangingisda pa rin ang kanyang trabaho at bumubuhay sa kanyang pamilya. Sa panghuhuli ng mga biyaya ng dagat din niya nagawang pagtapusin ng kolehiyo ang tatlo niyang anak.

Isa si Romelo sa libo-libong artisanong mamamalakayang umaasa sa pangingisda sa 15 kilometrong dagat munisipal. Dahil maliit lang ang gamit na bangkang may single piston at ilang metro lang ang laki ng kanyang lambat, mapanganib ang kanyang pagsuong sa malawak na karagatan.

Hindi rin kalabisang sabihing pagsusugal ng buhay o tiyak na kamatayan ang mangahas na mangisda sa open sea sa Karagatang Pasipiko.

“‘Pag nagpilit kami diyan [sa open sea], kakainin ng alon ang bangka namin,” sabi ni Romelo.

Si Romelo Alpay at ang kanyang munting bangka sa Lamon Bay sa lalawigan ng Quezon. Larawan mula kay Romelo Alpay

Kung kaya’t itinakda ang 15 kilometro ng dagat mula dalampasigan para sa mga maliliit na mangingisdang tulad niya.

“Sa magandang panahon, kayang naming kumita ng P3,000 hanggang P4,000  sa pangingisda,” wika niya.

Pero ayon din sa kanya, “Magkakalayo ang pagitan ng magagandang panahon.”

Bukod sa alon at epekto ng pagbabago ng klima, malaking perhuwisyo sa kabuhayan ng mangingisdang munisipal at nagkokompromiso sa integridad ng ecosystem ng dagat ang pagpasok ng mga commercial fishing vessels (CFV) sa kanilang pangisdaan. 

“Parang dambuhalang pating na umuubos sa isda [ng karagatan] ang mga iyan,” aniya. 

Pulong ng Pambayang Pederasyon ng Mangingisda sa Perez kung saan pangulo si Romelo Alpay (pangalawa mula sa kaliwa). Larawan mula kay Romelo Alpay

Kabilang ang mga municipal fisherfolk o mga maliliit na mangingisda sa pinakamahirap na sektor ng lipunan. Sa kasalukuyan, pumapalo lang sa P363 ang karaniwang kita nila kada araw. Mas maliit sa itinakdang minimum wage sa lalawigan ng Quezon na P425 hanggang P500.

May natatangi ring pagpriyorisa ang batas para sa mga municipal fisherfolk. Sa Philippine Fisheries Code of 1998 o Republic Act (RA) 8550 at sa inamiyendahang bersiyon nito na RA 10654, isinasaad na pangunahin mga maliliit na mangingisda at ang kanilang organisasyon sa lugar ang may karapatan mangisda sa municipal waters—sapa, ilog, lawa at karagatang 15 kilometro mula dalampasigan palaot.

Sa pangkalahatan, ipinagbabawal ng batas ang pagpasok ng mga CFV na may higit  3 gross tons sa municipal waters. Walang pagtatangi kung higit man 7 fathoms o 12.8 metro ang lalim ng dagat.

Kinikilala ng RA 8550 at RA 10645 ang katotohanang nadidsbentahe ng mga CFV ang maliliit na mangingisda. Nakasasama rin sa mga bahura at ecosystem ng municipal seas ang pamamaraan ng panghuhuli ng mga CFV gaya ng buli-buli (Danish seine) at hulbot-hulbot (modified Danish seine).

Subalit sa sistema ng batas kung saan mas matimbang ang salapi kaysa sa katarungan, walang batas na pumapabor sa maliliit ang nakataga sa bato.

Noong Dis. 11, 2023, idineklara ng  Regional Trial Court (RTC) ng Malabon City na labag umano sa batas ang pagbabawal sa mga CFV ng Mercidar Fishing Corporation na mangisda sa 15 kilometrong municipal waters. 

Ayon sa hatol ni Malabon RTC Judge Zaldy Docena, maaari nang mangisda ang Mercidar sa lahat ng pantubig na teritoryo ng Pilipinas nang hindi nasasagkaan ng 15 kilometrong patakaran.

Si Pamalakaya Pilipinas vice chairperson sa paglulunsad ng Aton Ang Kinse Kilometro Coalition sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao, Iloilo nitong Mar. 5. Ang Mangingisda

Isa sa pangunahing nagmamay-ari ng Mercidar Fishing Corporation ay ang pamilya ng tagapangulo ng Commission on Audit (COA) na si Gamaliel Cordoba sa pamamagitan ng asawa niyang si Monica Cordoba.

Hepe ng National Telecommunications Commission (NTC) si Cordoba nang hadlangan ng NTC ang implementasyon ng tracking system na nakasaad sa RA 10654 at nang desisyonan pabor ng korte sa Malabon ang hinablang kaso ng Mercidar laban sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Agriculture (DA)

Sa resolusyon ng First Division ng Korte Suprema noong Ago. 19, 2024, ibinasura ang petisyon para sa certiorari ng BFAR at DA hinggil sa desisyon ng korte sa Malabon noong Dis. 11, 2023. Napaabot ang desisyon sa BFAR noong Dis. 24, 2024.

“Makaaapekto ang desisyong ito ng Korte Suprema hindi lamang sa maliliit na mangingisda ng Malabon at Navotas kundi maging sa lahat ng maliliit na mangingisda sa bansa,” ayon kay Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) at kandidatong senador ng Makabayan Coalition.

“Itinutulak nito sa lubhang ‘di pantay na kompetisyon na magreresulta ng pagkawala ng kabuhayan ng maralitang mangingisda. Magreresulta rin ito ng pagkaubos sa yamang dagat,”aniya. 

Noong bata pa lang si Andrea Olase, pagkmangha ang una niyang naramdaman nang makita ang maraming ilaw sa laot mula sa mga malalaking barkong pangisda. 

“Parang Disneyland!” aniya.

“Hindi mo dapat ikatuwa ‘yan. Hirap ang idudulot niyan sa mga mangingisda,” tugon ng yumaon nang ama ni Andrea na si Magtanggol Villabroza, dating alkalde ng Perez.

At ngayong 54 taon gulang na si Olase at isang konsehal ng bayan ng Perez, kitang-kita niya ang katumpakan ng sinabi ng kanyang ama.

“Hindi pala masayang Disneyland characters ang mga buli-buli, kundi malalaking halimaw na pumapatay sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda,” aniya. 

Ang Perez ay isang maliit na munisipyo sa isla ng Alabat sa Quezon na may 24 barangay at halos 13,000 populasyon. Ayon kay Olase, nasa mahigit 70% ng populasyon ang maliit na mangingisda.

Tahimik ang lugar, simple ang pamumuhay ng mga tao. Banayad ang alon sa silangang bahagi ng Lamon Bay habang malikot ang mga ito sa bahaging nakaharap sa Karagatang Pasipiko.

Si Andrea Olase (dulong kaliwa) at ang mga bantay-dagat ng Perez, Quezon. Larawan mula kay Andrea Olase

Sa Lamon Bay, madalas pa ngang sabayan ng mga pawikan ang pamamalakaya ng mga mangingisda na tila nangangamusta. Sari-sari ang nakukuhang isda dito gaya ng galunggong, alumahan, sapsap, matang baka at tulingan.

Pero noong dekada ‘80 at ‘90, malaking problema ang overfishing sa lugar. Napakahina ng kita ng mangingisda. Ito ay dahil labas-pasok ang malalaking barkong komersiyal na pangisda. 

“Dekada ‘80 pa lang, nag-oorganisa na ang mga mangingisda sa bansa para ipaglaban ang [karapatan ng artisanong mangingisda sa] kinse kilometro,” kuwento niya.  

“Nag-oorganisa na noon pa sina Tatay kasama ang mga organisasyon ng municipal fishers para igiit sa gobyerno na ang municipal waters ay dapat para sa maliliit lang.”  

Bago maging konsehal, deputized fish warden ng bantay-dagat sa bayan si Andrea. Maraming na silang mga buli-buli at hulbot-hulbot na nasampahan ng kaso pero marami pa ring CFVs ang nagpipilit mangisda sa municipal waters.

“Sa ngayon umabot na sa pamamaraang kriminal ang gamit ng ilang CFVs para iwasan o hadlangan ang mga bantay-dagat,” sabi ni Andrea.

Ang ilang CFV ay naarmasan ng mga itak at baril. Nilalagyan din nila ng krudo sa paltik ng bangka at pagkakabit ng lubid sa palibot ng buli-buli para hindi makalapit ang mga nagpapatrolyang bantay-dagat. 

“Ginawa talaga ang mga barkong iyan para sa open sea,” giit ni Andrea

Sabi pa niya, kayang-kaya ng mga CFV na mangisda sa open sea kahit pa masama ang panahon.

“Kapag bumabagyo pa nga nangingisda sa municipal waters namin ang mga ‘yan dahil alam nilang ‘di kakayanin ng bangka ng bantay-dagat puntahan sila,” kuwento pa ni Andrea.

“Malalaki ang lambat nila at gumagamit ng fish radar at iba pang teknolohiya kaya dapat lang nilang ipaubaya sa maliliit na mangingisda ang municipal waters,” dagdag niya.

Mga anak ng mga mangingisda ng Perez, Quezon na naglalaro sa dalampasigan ng Lamon Bay. Larawan mula kay Romelo Alpay

Ayon naman kay Romelo, ang mga buli-buli ay gumagamit ng malalaking lambat at lubhang mabibigat na mga bato na kumakayod at sumisira sa mga bahura.

Si Romelo, pangulo rin ng Pambayang Pederasyon ng Mangingisda sa Perez (PPMP) na may 500 na artisanong mangingisdang kasapi, ang isa sa tumatayong boses ng mga maliliit na mangingisda sa lugar.

“Sa isang operasyon ng mga buli-buli, isa hanggang tatlong buwan nang huli namin,” aniya.

“Madalas kaming umuuwing walang huli kapag nakapasok ang mga buli-buli. Nasasaid talaga ang isda sa dagat pag pumapasok sila,” malungkot na kuwento niya. 

Ayon pa kay Romelo, nasa 10 hanggang 11 na CFV na nakabase sa Mauban at Calauag ang madalas pumasok sa dagat munisipal ng Perez.

“Hindi pa nga lubos na napapatupad [ang RA 8550] at nagsisimula pa lang makahinga ang karagatan dahil na rin sa conservation efforts ng mga mangingisda at lokal na pamahalaan, gusto naman agad samantalahin ng malalaking negosyo,” paliwanang ni Andrea.

“Kung nahihirapan sumagot ang BFAR national office sa Supreme Court, puwede naman sana silang nagpatawag ng pulong sa mga LGU at mga organisasyon ng mangingisda,” aniya.

Nitong Mar. 5, inilunsad ang Aton Ang Kinse Kilometro Coalition sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao, Iloilo. Dinaluhan ito ng nasa 100 magngingisda, akademiko, estudyante at taong simbahan. Pinangunahan ni Arambulo ang paglulunsad ng koalisyon.

Layunin nitong ipaglaban ang karapatan ng maliliit na mangingisda sa 15 kilometrong dagat munisipal.

”Ibinukas ng Korte Suprema ang humigit-kumulang 90% ng municipal waters sa pagsasamantala ng malalaking kompanya ng pangingisda. At tanging 10% lamang ng municipal waters ang mas mababa sa pitong fathoms ang lalim, at sa gayon, ito lamang ang magiging eksklusibo para sa maliliit na mangingisda,” wIka ni Arambulo, 

Dagdag pa niya, “Tinatayang 180,000 na mga mangingisda mula sa 52 baybay na bayan ng isla ng Panay at Guimaras ang lubhang maapektuhan ng desisyon na ito ng korte kung tuluyang maisasakatuparan.”

Mga mangingisda, akademiko, estudyante at taong simbahan sa paglulunsad ng Aton Ang Kinse Kilometro Coalition sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao, Iloilo nitong Mar. 5. Ang Mangingisda

Nito namang Mar. 20, inilunsad ng Philippine Movement for Climate Justice at iba pang organisasyon ang Atin Ang Kinse: Convergence Summit to Protect Municipal Waters.

Bukod sa pagpupulong sa mga kasapi, madalas rin lumuwas ng Maynila sila Romelo at kanyang mga kasamahan sa PPMP para maghain ng petisyon sa Korte Suprema.

Kasama ng Aton Ang Kinse Kilometro Coalition, nagsagawa sila kamakailan ng protesta sa harap ng DA sa Quezon City para itulak ang BFAR na kumilos para sa interes ng mga maralitang mangingisda.

Bagaman napagtapos na ni Romelo sa kolehiyo ang mga anak, marami sa mga kasama niyang mangingisda ang maliliit pa ang mga anak. Tanging sa pangingisda sa kinse kilometro ang kanilang ikinabubuhay.

“Mamamatay sa gutom ang pamilya namin kung papayagan ang mga malalaking fishing vessel sa kinse kilometron na ubusin ang isda [sa dagat],” aniya.

“Ilang dekada na namin nilaban na dapat sa aming maliliit na mangignisda ang kinse. Marapat lamang na sa mga anak at apo pa rin namin dapat ito. Kaya talagang nagkakaisa kaming ipaglaban ito,” sabi ni Romelo.