Mangingisda ng Bulacan, nanawagang ipagamit ang palaisdaan bago tambakan
Nanawagan ang mga mangingisda sa Bulakan, Bulacan na ipagamit muna ang mga tiwangwang na palaisdaan habang hindi pa ito tinatambakan para sa New Manila International Airport.
Nanawagan ang mga mangingisda sa Bulacan na ipagamit muna ang mga tiwangwang na palaisdaang binili ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI), subsidiary ng San Miguel Holdings Corp., habang hindi pa ito tinatambakan para sa New Manila International Airport (NMIA).
“Buksan muna nila habang hindi pa naman nila ginagamit para mapakinabangan ng tao,” sabi ni Nimrel Eloyd, 42, mangingisda mula pagkabata at dating residente ng Sitio Dapdap, Barangay Taliptip, Bulakan, Bulacan.
Kabilang si Eloyd sa mga mangingisdang pinaalis sa Sitio Dapdap at inilipat sa Sitio Libis sa Barangay Taliptip, upang bigyang-daan ang proyektong paliparan. Sa kabuuan, humigit-kumulang 700 pamilya sa Barangay Taliptip ang napaalis dahil sa pagtatayo ng NMIA.
Ayon kay Eloyd, P250,000 ang natanggap niyang relocation assistance, ngunit hindi ito sapat upang mapalitan ang kabuhayang nawala matapos silang ilayo sa dating pinagkukunan ng kabuhayan.
“Sa loob ng isang taon kaya ko pang kitain ‘yun [sa Sitio Dapdap] eh,” ani Eloyd.
Aniya, bago ang relokasyon, nakakakuha siya ng isang timba ng alimango matapos mangapa ng dalawa hanggang tatlong oras, na nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P3,000. Ngayon, humigit-kumulang P500 lang ang kinikita niya sa isang araw kahit mas matagal ang ginugugol sa pangingisda.

“Dati e tatlong oras, ngayon baka sampung oras na e. Minsan inaabot na kami magdamag diyan,” ani Eloyd.
Dagdag niya, hindi rin sapat ang kanyang kinikita para sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya, lalo na’t anim na anak ang kaniyang sinusuportahan.
“Kung kikita kang [P500], bibili ka pa ng bigas. Ano pa matitira? Bibili pang baon, magkakasabay pa ‘yong bayarin. Eh wala matitira sa [P500],” saad ni Eloyd.
Samantala, sinabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), na bahagi ng mas malawak na kampanya ng mga mangingisda ang pagtutol sa epekto ng NMIA sa kanilang kabuhayan at kapaligiran.
“Kahit ‘yung [Japan International Cooperation Agency] sa pag-aaral nila, ‘yong site na ‘yan kung saan ‘yong New Manila International Airport, ay hindi nila nire-recommend na tayuan ng anumang establishment,” sabi ni Hicap.
Kabilang sa mga hakbang ng grupo ang pagsasampa ng petition para sa writ of kalikasan laban sa proyekto, na ibinasura naman ng Korte Suprema dahil umano sa kakulangan sa porma at nilalaman.
Sa kabila nito, patuloy na nananawagan ang Pamalakaya Pilipinas para sa bayad-pinsala sa mga naapektuhang mangingisda at pagpapahintulot na makapangisda sila habang hindi pa natatambakan ang mga palaisdaan.
Nanawagan din ang grupo na protektahan ang yamang-tubig ng Bulacan mula sa lahat ng anyo ng reklamasyon, kabilang ang mga paliparan.