Penitensiya
Bakit hindi matuto ang mga pinahihirapang Pilipino? Mali tanong ito. Sa katunayan, matagal na silang natuto. Ang problema lang, madalas na walang matinong mapagpilian lalo na sa lokal na antas.

Limitadong saya, kadalasang dusa. Sa Pilipinas, araw-araw ang penitensiya.
Para makasakay sa jeepney, bus o tren, mistulang mandirigma ang mga hindi pinagpala. Habang komportable ang mga mayaman at makapangyarihan sa kanilang magagarang sasakyan, siksikan naman ang mga pinagkaitang maagang gumising pero late na naman sa pupuntahan.
Paminsan-minsa’y may limitadong saya. May mga araw namang nakakatulog nang sapat. Kahit paano, nakakabili rin ng pansit lalo na kung kaarawan. Iba pa rin ang ngiti kapag kasama ang mga mahal sa buhay, lalo na kung inaabot ang tsinelas sa pagdating sa munting bahay. Sa panahon ng krisis, sadyang “mababaw” ang kolektibong kaligayahan!
Ang oras ng pahinga tuwing Sabado’t Linggo, nagiging oras ng pagdiskarte kung paanong mapupunan ang kakarampot na sahod. Paano mababayaran ang renta, tubig at kuryente ngayong buwan? Uutang na naman ba kahit hindi pa bayad ang dating hiniram? Hihingi na naman ba sa mga kamag-anak kahit na gipit din sila? Ano nga ba ang dapat gawin ng mga walang pera?
Ang tinaguriang “Mahal na Araw,” nagkakaroon na ng ibang kahulugan. Masyado na kasing mahal ang mga bilihin, lalo na ang batayang pangangailangan tulad ng bigas. Tatlong taon na sa puwesto, hindi pa rin natutupad ang pangakong P20 bawat kilo.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, nagkakahalaga ng mahigit P50 bawat kilo ang well-milled na bigas. Samantala, mahigit P230 bawat kilo ang galunggong at P170 bawat litro ang mantika. Huwag nang alamin pa ang presyo ng mga karne’t gulay kung ayaw sumakit ang ulo.
Ayaw sumakit, bawal magkasakit. Kahit na may mga pampublikong ospital, limitado ang pondo para sa mga humihingi ng saklolo. Ito ang panahong kailangang alagaan ang pangangatawan hindi lang para sa pansariling kalusugan. Oras na magkasakit, dagdag-pasanin na naman ito ng mga mahal sa buhay dahil hindi nila alam kung saan kukuha ng panggastos. At dahil siksikan sa maraming pampublikong ospital, baka lumala pa ang sakit bunga ng pagkakahawa sa iba pa.
Kahit 2025 na, uso pa rin ang dalawang pasyente sa isang kama. Kung minamalas, ginagamot na lang ang pasyente nang nakaupo, habang ang mga bantay ay natutulog sa sahig na tanging karton lang ang proteksiyon sa lamig. Ilang beses bang nakikita ang mga bantay na natutulog sa ilalim ng puno sa labas ng ospital? Bakit kailangang bumili ng bulak at alcohol sa botika samantalang dapat na libre ang mga ito?
Sadyang iba sa Pilipinas. Nagpapasasa ang mga nasa kapangyarihan samantalang pinapaasa ang mga dapat na pinagsisilbihan. Sa panahon ng halalan, maraming pangakong binibitawan. Kapag nahalal na, maraming pinangakuang kinalilimutan. Ganito ang naging kalakaran bawat tatlo o anim na taon.
Bakit hindi matuto ang mga pinahihirapang Pilipino? Mali tanong ito. Sa katunayan, matagal na silang natuto. Alam na nila ang pambobola’t pandaraya ng mga politiko. Ang problema lang, madalas na walang matinong mapagpilian lalo na sa lokal na antas. Ano ang gagawin, halimbawa, ng isang botante kung mula sa mga politikal na angkan o malalaking negosyo ang mga tumatakbo? Minsan pa nga, naglalaban-laban ang mga mismong magkakamag-anak! Kung mayroon mang matinong tumatakbo, tinatakot siya o sinisiraan. At dahil walang sapat na makinarya, hindi nakakayang mag-ikot at mangampanya. Kaya hindi nakakagulat na bihirang manalo ang mga kandidatong mula sa hanay ng mahihirap.
Nasa interes ng mga mayaman at makapangyarihan na panatilihin ang araw-araw na penitensiya ng nakararami. Kapag guminhawa kasi ang buhay ng mga pinagkakaitan, wala nang makokontrol ang mga nasa puwesto. Sa madaling salita, hindi na basta-basta mabibili ang mga boto at posibleng mapalitan na ang mga walang silbi sa gobyerno.
Medyo mahaba-haba ang bakasyon ngayong “Mahal na Araw” at mainam na gamitin ang panahong ito para magnilay-nilay. Mayroon bang matitinong kandidatong dapat na iboto? Sino-sino ba ang dapat na itakwil sa kabila ng kanilang popularidad? Anong programa ba ang hinahanap natin sa isang matinong gobyerno? Bukod sa pangakong pabababain sa P20 bawat kilo ang presyo ng bigas, may iba pa bang dapat singilin sa kasalukuyang administrasyon?
Hindi porke araw-araw ang penitensiya ay gagawin nang habambuhay ito. Sa halip na limitadong saya sa gitna ng normalisadong dusa, panahon nang angkinin ang kinabukasan para magkaroon ng sama-samang ginhawa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com