Konteksto

Superstar


Sa kanyang pagpanaw noong Abril 16 sa edad na 71, dala-dala nating lahat ang alaala ng kanyang mga mabuting ginawa.

“Magsama-sama na kahit lahat ng mga artista sa kabila, kakampi naman natin ang nag-iisa! Walang iba kundi si Nora!”

Siyempre’y hindi ko na maalala ang eksaktong sinabi ng mass leader habang hawak ang mikropono sa pagdating at pagsama sa mga aktibista ng isang espesyal na bisita. Pero hindi ko malilimutan ang maingay na hiyawan sa gitna ng malawakang protesta.

Noong dekada ‘90, sa kainitan ng debate sa pananatili o pagpapalayas sa mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas, naging labanan din ang presensiya ng mga artista.

Dahil itinulak ng administrasyon ni Cory Aquino ang pananatili ng mga tropang Amerikano, hindi nakakagulat na maraming artistang sumama sa mga pro-bases rally para kunin ang simpatya ng mamamayan at kumbinsihin ang Senado para hayaan ang noo’y mahigit 20 base kasama na ang mga nasa Clark at Subic.

Sa kainitan ng debate hindi lang sa loob ng gobyerno kundi sa parlamento ng lansangan, kapansin-pansin ang isang maliit na babaeng may higanteng presensiya sa isang anti-bases rally. Isang artistang hindi maputi kundi kayumanggi tulad ng maraming Pilipino. Walang iba kundi ang tinaguriang Superstar. Kilala siya bilang Ate Guy kahit na ang pangalan sa pinilakang tabing ay Nora Aunor.

Mahigit tatlong dekada na ang nakaraan mula nang una ko siyang nakita. Walang make-up, walang mamahaling kasuotan, walang mga maskuladong bodyguard na nakapaligid sa kanya. Pero dahil disiplinado ang mga aktibista, hindi siya natulak, nasiksik o nasaktan kahit na pinagkaguluhan siya.

Mula sa malayo (at mahirap nga siyang makita dahil sa kanyang kaliitan), malamang na nagtaka ang maraming motorista kung bakit may nagsisigawan. Tila may nakakita ng sikat na artista o may aksidenteng nangyari!

Siyempre’y totoong may sikat na artista. At mas totoong may “aksidente,” kung aksidenteng matatawag ang biglaang pagiging Noranian ng mga anti-bases na indibidwal na hindi masyadong nanood ng mga pelikulang Pilipino o hindi mahilig sa showbiz sa pangkalahatan.

Kahit akong mas gustong magbasa ng libro kaysa manood ng sine o telebisyon noong dekada ‘90, biglang napabilib sa napakataas na tindig ng maliit na kayumangging babae. Tunay na may dahilan kung bakit siya Superstar at kung bakit mahal na mahal siya ng masa.

At dahil sa ginawa niyang pakikipagkaisa sa kampanya laban sa panghihimasok ng Estados Unidos, masasabing mahal na mahal na rin siya ng maraming aktibista. Tulad ng inaasahan, nasundan pa ang kanyang aktibismo sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng overseas Filipino workers (OFWs).

Gusto kong isiping kahit noon pa man, ang kanyang puso ay para sa mga nasa laylayan ng lipunan batay sa ilang pelikulang siya ang bida. Madalas kasing ang mga karakter na ginampanan niya ay mula sa mahihirap na biktima ng mapang-aping sistema—kapatid ng pinatay ng mga sundalong Amerikano dahil napagkamalang baboy-ramo, OFW na naparusahan sa krimeng hindi niya ginawa, ordinaryong residenteng inakala ng publikong pinanggagalingan ng himala.

Sa labas ng pinilakang tabing at kahit malayo sa radar ng mga peryodista, kapansin-pansin ang kanyang pagtulong. Sa pagsisimula ng aking gawain bilang convenor ng Kontra Daya noong 2016, bumisita si Nora sa aming monitoring center para batiin at kumustahin ang mga volunteer.

May dala-dalang pagkain, nakipagkuwentuhan siya na parang matagal na niyang kakilala ang mga naroon. Siyempre’y pinaunlakan niya ang iba’t ibang kahilingan para makunan ng larawan. Sa kanyang pag-alis sa monitoring center, panibagong lakas ang iniwan niya para sa mga nagpapatuloy ng gawain.

Hindi tulad noong dekada ‘90 na personal ko siyang nakita, hindi ako nagkaroon ng oportunidad na makita si Nora dahil nasa live studio interview ako sa isang network nang bumisita siya. Todo-kantiyaw ang inabot ko dahil wala ako kung kailan naroon siya.

Hindi naman ako masyadong nanghinayang dahil nakita ko na siya nang personal at nakausap nang medyo matagal noong 2014. Ito ang taong ginawaran siya ng UP Gawad Plaridel ng aming kolehiyo. At dahil ako ang kawaksing dekano (associate dean) noong panahong iyon, may mga opisyal na gawain akong kinailangang makausap si Nora. At sa aming mga pulong, hindi ko na nabanggit pa ang panahong nakita ko na siya nang personal noong dekada ‘90. Mas lalong hindi ko na binanggit na mula rin sa Bikol ang aking pamilya.

Sa kanyang pagpanaw noong Abril 16 sa edad na 71, dala-dala nating lahat ang alaala ng kanyang mga mabuting ginawa. Totoong hindi siya perpektong tao at puwede ngang sabihing mahaba ang listahan ng kanyang kahinaan. Pero hindi maitatatwa ang mga naging ambag niya sa piniling larangan, pati na sa parlamento ng lansangan.

Tunay na nag-iisa lang siya. Sa panonood ng mga pelikula niyang makabuluhan, patuloy nating alalahanin ang mensahe ng tunay na pagkakaisa, kasama na ang pangangailangang patuloy na lumaban.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com