Muni at Suri

Bardagulan

Ang offline na pag-oorganisa ay nararapat na tinutuwangan at hindi nasasagkaan ng mga online na gawi, pahayag at praktika.

Nitong nagdaang halalan, napagtagumpayan ang paglitaw ng mga pigurang oposisyon sa mga puwesto sa Senado habang tumingkad ang hamong kinakaharap ng Kaliwa, lalo na sa naging resulta ng botohan sa partylist.

Isang usaping naging matingkad sa mga pagtatasa ang antagonistikong imahen ng Kaliwa na iniluwal ng mga “bardagulan” sa social media. Sa maraming pananaw online, tinukoy na salik ang pagiging “palaaway” ng ilang nagpapakilalang progresibo sa social media sa paghina ng popular na hatak ng Kaliwa sa hanay ng mga netizen at potensiyal na tagasuporta.

Totoong may epekto ang online na gawi—mga antagonistikong sagutan—sa pagbuo ng imahen ng isang tipo ng politika. Tayo nga raw, sa anumang plataporma, ay umiiral bilang propagandista ng ating isinusulong na adbokasiya. Kalakip nito ang mahirap na hamon—at pamilyar ako sa mga hamong ito lalo pa’t nahahatak ng mga probokasyon at napapasabak din sa bardagulan—na bakahin ang mga simbuyo ng damdamin, init ng ulo at padalus-dalos na pahayag.

Sa gayon, ang paglikha ng imahen ng Kaliwa sa online na mundo ay isang hamong nararapat na seryosohin din. Kinakailangang isaalang-alang na tuluy-tuloy ang gawaing pag-oorganisa at pagpapalawak ng hanay sa labas ng social media. Ang offline na pag-oorganisa ay nararapat na tinutuwangan at hindi nasasagkaan ng mga online na gawi, pahayag at praktika.

Sa harap ng paalaalang ito, hindi rin naman maaaring ikulong sa online na gawi ang mga suliraning hinaharap ng Kaliwa lalo na sa elektoral na larangan. Mismong sa social media, mahirap tumbasan ang lawak, saklaw at dalas ng mga taktika ng disimpormasyon at red-tagging na maiuugnay sa operasyon ng NTF-Elcac. 

Tumatagos ang mga paninirang ito hindi lang sa social media kundi sa mga offline na paraphernalia at mekanismong nakaaabot sa mga komunidad kung saan hindi naman lahat ay gumagamit ng X (dating Twitter)—mula sa mga poster ng NTF-Elcac hanggang sa mga seminar na inilulunsad ng NTF-Elcac sa iba’t ibang pamahalaang lokal at maging sa mga paaralan. 

Kaakibat nito ang pagpapahina sa mga kilusang progresibo at unyon sa porma ng paniniktik, gawa-gawang kaso, pisikal na pandarahas at iba pang porma ng harassment. Nililikha ng ganitong kaligiran ng takot at paninira ang isang kalagayang ideolohikal na sumasagka sa pagiging bukas ng mga botante sa adiyenda, adhikain at hangaring panlipunan na inihahain ng Kaliwa. 

Hindi sinasagkaan ng pag-unawa sa mga bantang ito ang katotohanang kailangang pangatawanan din talaga ang disiplinadong paggamit ng social media. At kagaya ng malimit na paalala sa mga kagaya kong terminally online at madalas na nabubuslo ng mga probokasyon at bardagulan, hindi matutugunan ng malaong antagonismo online ang krisis na likha ng red-tagging.