Konteksto

Boto


May pag-asa pa ba? Oo naman. Isipin lang na makakamit ang tunay na pagbabago sa labas ng halalan.

Kung seryosong gawain ang pagboto, bakit sanlaksa ang mga biro? “Pupunta ako sa presinto pero maraming blangko ang balota ko!” “May saysay pa kaya ang pagboto kung matatalo rin naman ang matitinong kandidato?”

Nasaan ang biro? Matatagpuan ito sa sitwasyong dapat na maraming mapagpipilian ang botante. Mas mataas dapat ang tsansa ng kabutihan laban sa kasamaan. Dapat ganito, dapat ganyan. Kaya lang, nagiging tama ang mali habang nagiging normal ang hindi katanggap-tanggap.

Nangunguna ang mga payaso at iba pang nilalang sa pinakahuling sarbey. Siguradong madaragdagan ng mga pamilyar na apelyido ang Senado, Kamara, munisipyo at iba’t iba pang opisina. Siguradong tuwang tuwa ang magkakamag-anak dahil may bago na namang “Honorable” sa kanilang angkan. Ilang sasakyan na ba sa kanilang garahe ang may plakang 7 at 8? Kung lahat sila’y nasa posisyon na ngayon, abangan ang pagtakbo ng kanilang aso sa 2028!

Kung sabagay, ang eleksiyon ay politika ng imposible. Kahit na walang malinaw na ebidensiya ang kuwentong ginawang senador ni Caligula ang paborito niyang kabayong si Incitatus, ginaya na ito ng isang dating Pangulo ng Pilipinas.

Tandaang ikinampanya niya para maging senador ang aso niya. Tagaayos ng kurbata, tagadala ng pizza—sadyang napakabait ng aso. At ngayong nahaharap sa patong-patong na kaso ang amo, ano na ang mangyayari sa aso? Siyempre’y itutuloy lang niya ang pagtahol at pagtakbo.

Malamang na mananalo ang mga nangunguna sa sarbey, kasama na ang masunuring aso. Asahang iba’t ibang payaso’t nilalang ang mabibigyan ng espesyal na plaka para sa mga mamahaling sasakyan. Habang nasa kalye, papatugtugin kaya nila ang “Happy Days are Here Again” nina Milton Ager at Jack Yellen? Para sa mga nabuhay noong dekada ‘80, baka naman mas gusto nila ang kantang “Celebration” ng Kool & The Gang.

Masaya sila dahil nagbunga ang kanilang panloloko. Kunwari’y interes ng mahihirap ang ipinaglalaban pero hindi naman. Pansamantalang binubura ang kabulukan ng hitsura ng iba’t ibang kolorete sa mukha. Pinipilit nilang itago ang baho sa pamamagitan ng mamahaling pabango. Pinagtatakpan nila ang lantang argumento sa mabulaklak na pambobola. 

Ilang milyon (o bilyon) ba ang ginastos nila para halalan? Aba, hindi biro ang mangampanya, lalo na kung kailangang suyurin ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Kailangang marinig ang mga patalastas at campaign jingle bawat segundo para tumatak sa isipan ang kanyang pangalan. Kailangang ipakitang mabait siya’t galante kaya wagas kung magpamigay ng pera lalo na sa mahihirap na komunidad. Ilang libo para sa mga residente, ilang daang libo (o posibleng milyon pa nga!) para sa mga lider ng komunidad. Hindi lang simpleng pagpapaambon ang ginagawa nila. Para sa kanila, bagyo ng grasya ang kailangang maramdaman ng sambayanan!

Grasya ngayon, disgrasya bukas. Pagkatapos manalo, balik ang aso sa kanyang pagkakatali sa interes ng pinagsisilbihang angkan. Tulad ng iba pang nilalang, pananatilihin pa rin ang kolorete’t balatkayo pero unti-unting malalantad ang maitim na balak. Sadyang kampon sila ng kadiliman at kasamaan, mga nagkukunwaring may malasakit pero wala sa bokabularyo nila ang bayan muna.

Kahit na seryosong gawain ang pagboto, sadyang may limitasyon ang halalan kung walang masyadong mapagpiliang kandidato. At kung mayroon mang mangilan-ngilang matitinong tumatakbo, malaki ang tsansa nilang matalo dahil hindi nila kayang makipagsabayan sa milyon-milyong (o bilyon-bilyong) panggastos ng mga aso, payaso at iba pang nilalang.

May pag-asa pa ba? Oo naman. Isipin lang na makakamit ang tunay na pagbabago sa labas ng halalan. Pero sa ngayon, habang nagpapatugtog ng “Happy Days Are Here Again” at “Celebration” ang mga mayaman at makapangyarihan sa loob ng mamahaling sasakyan, mainam na pakinggan ng sambayanan ang kantang “Black Mercedes Benz” ng The Breed. Lakasan ang bolyum kapag umabot sa koro at tulay:

Don’t you know he wants a black Mercedes Benz
Wants to buy himself a black Mercedes Benz
He’s gonna die in a black Mercedes Benz
Inside a black Mercedes Benz

Death rides in a black Mercedes
Death rides in a black Mercedes
Death rides in a black Mercedes
In a black Mercedes Benz
Inside a black Mercedes Benz

Siyempre’y hindi magandang isiping mamatay sana ang kapwa kahit ang may masamang ugali. Pero mainam na paalalahanan ang mga nilalang na hindi sila habambuhay na nasa kapangyarihan. Darating ang panahong mapapatalsik sila’t bayan naman ang magwawagi.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com