Hors de combat
Sang-ayon sa mga panuntunan ng internasyonal na makataong batas, dapat tratuhin o kilalanin ang mga hors de combat nang makatao bilang mga bilanggo ng digmaan.

Hors de combat – Salitang Pranses sa mga batas ng digma na tumutukoy sa mga taong wala ng kakayahang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa pakikipaglaban sa panahon ng digmaan. Sa ilalim ng 1949 Geneva Conventions, ang mga hors de combat ng kaaway ay mga non-combatant at awtomatikong binibigyan ng katayuan bilang protektadong tao.
Sang-ayon sa mga panuntunan ng internasyonal na makataong batas, dapat tratuhin o kilalanin ang mga hors de combat nang makatao bilang mga bilanggo ng digmaan.
Ipinagbabawal ng Geneva Conventions ang tortyur, pag-atake sa personal na dignidad, at pagpatay nang walang paghatol. Nagbibigay din ito ng karapatan sa tamang paggamot at pangangalagang medikal.
Sa tala ng Ang Bayan, may 56 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Batangas sa nagdaang taon. Samantala, mayroon nang hindi bababa sa 13 desaparecidos sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
Halimbawa ng pagpatay kay Regie “Ka Tata” Fundador, 23 taong gulang, at Ramon Enseniales sa Negros Occidental ng 15th Infantry Battalion. Hindi pa din inililitaw ng 59th Infantry Battalion ang sugatang Pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA)-Batangas na si Baby Jane “Ka Binhi” Orbe. Biktima rin si Kal “Ka Rekka” Peralta, dating estudyanteng aktibista, ng mga elemento ng 1003rd Infantry Brigade sa Bukidnon.
Pinaslang din ng 80th Infantry Battalion si Wally “Ka Km” Agudes sa Rodriguez, Rizal noong Hulyo 18. Hindi pa din inilitaw ng militar at pulisya sina Sonny “Ka Ed” Rogelio at Sonny “Ka Omeng” Sambutan, mga mandirigma ng Lucio de Guzman Command ng NPA-Mindoro na nabihag ng 203rd Brigade at Special Action Force ng Philippine National Police matapos ang isang engkuwentro noong Okt.17, 2024 sa Bongabong, Oriental Mindoro. Sugatan si Ka Ed at isang hors de combat o wala sa katayuang lumaban.
Nakasaad sa Part II, Article 13 ng nasabing kumbensyon na ang mga prisoner of war ay dapat makataong tratuhin sa lahat ng pagkakataon. Ipinagbabawal ang pananakit, pagtortyur at pagganti sa kanila ng kalabang puwersa na siya ring nagdedetine sa kanila.
Malinaw na ipinagbabawal sa internasyonal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl), na kasunduan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang anumang pagmamalupit at pagpatay sa sinumang mandirigmang tinuturing na hors de combat.
Bakit ganito ang trato ng gobyerno at ng mga armadong puwersa sa mga biktimang hors de combat? Dahil ba hinahabol ni Marcos Jr. sa kanyang mga deadline sa pagsugpo sa CPP-NPA-NDF bago matapos ang kanyang termino?
Lalong naging talamak ang kultura ng impunidad at patayan sa buong bansa. Malawakang pamamaslang ang ginagawa ng mga elemento ng militar at pulisya sa mga kilalang lider-masa, aktibista at mga rebolusyonaryo kahit sila’y hindi armado, matanda na at may mga karamdaman o sakit, o wala nang kakayahang lumaban.
Patuloy na dumarami ang mga biktima ng walang ginagawang pagsasaalang-alang sa buhay at karapatan ng mga hors de combat ang militar at pulisya at rehimeng Marcos Jr.
Dagdag ito sa mga kaso ng paglabag sa Protocols 1 at 2 ng Geneva Conventions of 1949 na nangangalaga sa kaligtasan, karapatan at buhay ng mga tao sa panahon ng digmaang sibil.
Sa brutal na pagpaslang ng mga mersenaryong estado sa mga NPA na wala ng kakayahang lumaba, nadagdagan ang listahan ng mga paglabag ng estado sa Carhrihl, International Humanitarian Law at Geneva Conventions. Mukha din ito ng kultura ng pamamaslang at impunidad sa bansa na itinataguyod ng rehimen at ng marahas at mapanupil na tradisyong dala ng Estados Unidos.
Dumarami ang biktima na walang kalaban-labang pinatay ng mga ahente ng estado sa buong bansa. Malinaw na ang mga hors de combat at prisoner of war ay dapat pagkalooban ng mga karapatan alinsunod sa Carhrihl.
Sa tala ng iba’t ibang organisasyon, dumarami ang atraso at paglabag sa karapatang pantao sa mga mamamayan ang mga elemento ng militar at pulisya na patuloy na mga operasyong militar, pambobomba, masaker, pagdukot at pamamaslang tulad ng tropa ng 2nd Infantry Battalion at 96th Infantry Battalion sa Masbate, 59th Infantry Battalion sa Batangas, at at 203rd Brigade sa Mindoro.
Naghahasik din ng terorismo ang 202nd Infantry Brigade ng 2nd Infantry Division at mga elemento 80th Infantry Batallion, 85th Infantry Batallion, 83rd Infantry Batallion, 16th Infantry Batallion, 81st Infantry Batallion sa ilalim ng komand ng 201st Infantry Brigade at 21st at 22nd Division Reconnaissance Battalion sa buong lalawigan ng Quezon.
Pinsala din at nagpapatuloy ang mga operasyong militar, masaker at pambobomba sa mamamayan ng Negros ang pinagsanib na tropa ng Scout Rangers, 3rd Artillery Battalion, 15th Infantry Batallion, 47th Infantry Batallion, 79th Infantry Batallion, 62nd Infantry Batallion at 94th Infantry Batallion.
Laganap din ang paglabag at tigmak sa dugo ang rekord ng 86th Infantry Batallion, 17th Infantry Batallion at 502nd Infantry Brigade sa mga karapatang pantao at ang tumitinding militarisasyon sa buong Cagayan Valley sa kasagsagan ng Balikatan at pagpoposisyon ng mga tropa at kagamitang pandigma ng Estados Unidos sa rehiyon.
Mula kay Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr., hindi tumitigil ang kontra-rebolusyonaryong kampanya at karahasan laban sa mamamayan dahil sa kanilang pagkadesperadong wakasan ang insurhensiya sa buong bansa.